ni Anthony E. Servinio @Sports | July 25, 2023
Laro ngayong Martes - Wellington Regional Stadium
1:30 PM Pilipinas vs. New Zealand
Nakasalalay ang pag-asang mapabilang sa Last 16 ng 2023 FIFA Women's World Cup ang resulta ng tapatan ngayong araw ng Philippine Women's Football National Team at co-host New Zealand simula 1:30 ng hapon, oras sa Pilipinas, mula Wellington Regional Stadium. Tinatayang mapupuno ang palaruan ng mga tagahanga ng Ferns subalit kahit malaking dehado ay lalaban pa rin ang Filipinas.
Papasok ang Filipinas sa laban na may kaalaman tungkol sa kanilang katunggali.
Matatandaan na tinalo ng Ferns ang Filipinas sa kanilang FIFA Friendly, 2-1, noong Setyembre 7, 2022 sa Fullerton, California.
Inihatid ni Sarina Bolden ang goal na nagbigay ng 1-0 lamang sa Filipinas bago matapos ang first half. Tumabla ang New Zealand sa penalty kick in Meikayla Moore sa ika-71 minuto at tuluyang inagaw ng Ferns ang lamang sa goal ni Ali Riley sa ika-83 minuto.
Kahit binigo sa unang laban ng Switzerland noong Biyernes, 2-0, nananatiling positibo ang mga Pinay matapos nilang sabayan ang numero 20 bansa sa FIFA World Ranking hanggang dumating ang kontrobersiyal na penalty na ipinataw kay Jessika Cowart matapos patirin si Coumba Sow sa agawan ng bola bago magwakas ang first half. Ipinasok ni Ramona Bachmann ang penalty kick upang maging 1-0 at sinugurado ang resulta ng isa pang goal ni Seraina Piubel sa ika-64 minuto.
Ganado ang Ferns matapos nilang gulatin ang 1995 kampeon Norway, 1-0, sa opisyal na pagbubukas ng torneo noong Hulyo 20. Naka-goal si Hannah Wilkinson sa ika-48 minuto para sa makasaysayang pinakaunang tagumpay ng bansa sa World Cup matapos ang tatlong tabla at 12 talo.
Magtatapat ang Norway at Switzerland sa isa pang laro sa Grupo A simula 4:00 ng hapon. Sa isa pang laro, maghaharap ang Timog Korea at Colombia sa 10:00 ng umaga sa Grupo G.
Comments