ni Ryan Sison @Boses | Jan. 13, 2025
Dahil sa mga paglabag ng mga motorista sa ipinatutupad na polisiya sa lansangan, marami sa kanila ang tinuluyan ng mga otoridad.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, nasa 85 motorista, kabilang ang 22 driver, ang nahuli dahil sa laspag o pudpod na gulong ng kanilang mga sasakyan sa isinagawang road safety operations ng kagawaran mula noong January 7 hanggang 8 sa iba’t ibang lugar ng National Capital Region (NCR).
Aniya, ang pokus ng mga operasyon ay sa mga truck at pampasaherong sasakyan dahil sa madalas na aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga ganitong uri ng behikulo.
Batay sa report ng LTO, 22 motorista ang nahuli matapos madiskubre ng mga opisyal na sira na ang gulong ng kanilang mga sasakyan, kung saan karamihan sa mga ito ay mga tsuper ng truck. Nasa 12 motorista naman ang nahuli dahil sa paggamit ng mga hindi rehistradong sasakyan, habang 51 iba pa ang nahaharap sa mga parusa para sa mga paglabag, kabilang ang reckless driving, hindi pagsusuot ng helmet, at pagmamaneho ng walang lisensya.
Sinabi pa ni Mendoza na ipagpapatuloy nila ang naturang operasyon para matiyak na sumusunod ang lahat ng motorista. Napakahalaga aniya, na ang kanilang mga tauhan ay visible sa mga lansangan dahil ang kanilang presensya ay nag-uudyok sa mga nagkakamaling motorista na sundin ang mga alituntunin.
Mabuti naman at hindi pala natutulog lang sa pansitan ang kinauukulan dahil ginagawa nila ang kanilang trabaho, kung saan marami silang nasampulang pasaway na mga driver.
Sadyang may ilang motorista lang ang walang disiplina at parang hirap silang gawin ang tama. Mayroon pa ngang iba r’yan na lumalaban o nangangatwiran pa kahit kitang-kita ang nagawang paglabag.
Pero sa tingin ko, mas marami pa ring motorista ang talagang sumusunod sa batas dahil siguro ayaw nilang maparusahan. Mahirap din kasing pagmultahin sa nagawang paglabag at kumpiskahin ang lisensya na tiyak katakut-takot itong abala.
Para naman sa ating mga sasakyan, kung hindi na kaya ng mga itong tumakbo o pupugak-pugak na, laspag na ang gulong, dispalinghado na ang mga makina ay huwag nang ipilit ibiyahe, mas mabuti sigurong igarahe na lamang natin ito kaysa naman maperhuwisyo o makaperhuwisyo pa tayo.
Sa ating mga kababayan, pairalin sana natin lagi ang pagiging responsable at maingat, lalo na kung nagmamaneho nang sa gayon ay makaiwas tayo sa anumang asunto at disgrasya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
תגובות