ni Eli San Miguel @News | Nov. 13, 2024
Photo: Dating Pangulong Rodrigo Duterte at Arturo Lascañas - House of Representatives / FB
Pinabulaanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga paratang ng miyembro ng Davao Death Squad na si Arturo Lascañas na iniutos niya ang pagpatay sa mga kriminal at kanyang kalaban.
"Storyteller 'yan, sir. Siraulo," ani Duterte sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Quad Committee tungkol sa drug war ng kanyang administrasyon.
Sumagot si dating Pangulong Duterte sa tanong ni Laguna Representative Dan Fernandez tungkol sa pahayag ni Arturo Lascañas na pinatay niya ang 200 katao bilang bahagi ng isang anti-crime unit ng Davao Police.
Inakusahan ni Lascañas si Duterte ng direktang pag-uutos sa kanya na patayin ang mga kriminal, kalaban sa pulitika, at mga mamamahayag, pati na rin ng mga tagubilin kung paano itatago ang mga katawan.
Binanggit ni Fernandez na inilarawan ni Lascañas ang isang insidente kung saan iniutos ni Duterte sa kanya at sa iba na itago ang isang pamilya, kabilang ang isang hinihinalang kriminal, ang kanyang buntis na asawa, at kanilang apat na taong gulang na anak. Pinabulaanan din ito ng dating pangulo.
Comments