top of page
Search
BULGAR

Paulit-ulit na pagsakit ng ulo, panlalabo ng mga mata at Pneumonia, dinanas ng 12-anyos bago namatay

sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 18, 2022


May mga magulang na nabiyayaan ng well-rounded na mga anak. Sila ay maraming nalalaman, hindi lamang sa academics kundi sa iba pang mga bagay, tulad ng sports at music. Mapalad ang mag-asawang John Michael at Sherly Mitra ng Laguna sa pagkakaroon ng ganitong klaseng anak, sa katauhan ni Lance Allen Mitra. Brawn and brains ang kumbinasyong kapuri-puri na nasa kanya. Ang pisikal na lakas at talino ni Lance Allen ay ipinagmamalaki nina G. at Gng. Mitra, “Ang aming anak ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay atleta at aktibong kasapi sa football team ng kanilang paaralan. Gayunman, hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral, sapagkat siya ay honor student.”


Subalit may malungkot na karugtong ang sinabi nilang ito. Anang mag-asawa, nagbago ang estado ng kalusugan ng kanilang anak. Ito ay naganap matapos maturukan ng Dengvaxia si Lance Allen. Gayundin, siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Si Lance Allen, 12, namatay noong Nobyembre 24, 2018, ang ika-103 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Lance Allen ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Hunyo 16, 2016, pangalawa noong Marso 2, 2017 at pangatlo noong Setyembre 7, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, nagbago ang kanyang kalusugan.

Noong Agosto 2016, sumasakit ang kanyang ulo at siya rin ay nahihilo at nagsusuka.


Pabalik-balik ang nasabing karamdaman. Pinaiinom siya ng paracetamol at bumubuti naman ang kanyang pakiramdam. Noong Hunyo 2017, nanlalabo ang kanyang paningin at sumasakit ang kanyang tiyan, at hindi na siya nakakapasok sa paaralan. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan. Nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kanyang kalagayan at humantong sa maagang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye mula Setyembre 2018:

  • Setyembre - Ipinasailalim siya sa magnetic resonance imaging (MRI); may nakitang cyst sa kanyang utak. Hindi na siya nakakapasok sa paaralan.

  • Oktubre - Nag-umpisa siyang mawalan ng ganang kumain; bumagsak ang kanyang katawan. Laging sumasakit ang kanyang ulo at napapadalas ang pagkakaroon ng lagnat tuwing madaling-araw. Tulog siya nang tulog, lalo na sa tuwing sumasakit ang kanyang ulo.

  • Nobyembre 16 - Muli siyang nagkalagnat na nawawala bago mag-umaga. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw. Nanikip din ang kanyang dibdib.

  • Nobyembre 19 - Nagsuka siya, sumakit ang tiyan, sumikip ang dibdib at nahirapang huminga. Nag-nebulize siya at kinabitan ng oxygen para matulungang makahinga.

  • Nobyembre 20 - Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya sa isang clinic sa Alaminos, Laguna. Dahil sa kakulangan ng pasilidad doon, ni-refer sila sa isang ospital sa Batangas, ngunit walang bakante at dinala siya sa isang ospital sa San Pablo, Laguna kung saan na-admit siya nang alas-2:00 ng hapon. Isinailalim siya sa x-ray at ayon sa resulta, may pneumonia siya. Hirap siyang huminga at dumudura ng may dugo.

  • Nobyembre 21 - Inilipat siya sa ICU bandang ala-1:00 ng hapon. Hirap siyang huminga; bahagya namang lumuwag matapos siyang maturukan ng steroids.

  • Nobyembre 22 - Inilipat siya sa ward section ng ospital dahil bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan. Muli siyang nagreklamo ng paninikip ng dibdib. Bahagyang bumuti ito nang lumamig ang temperatura ng kanyang silid.

  • Nobyembre 24 - Sumikip ang kanyang dibdib, hirap siyang huminga at nagsusuka ng dugo. Sinabihan niya ang kanyang mga magulang na mahal na mahal niya ang mga ito. Nagkaroon siya ng rashes sa tiyan at alas-6:00 ng umaga, nagtae siya at naihian pa niya ang kanyang higaan. Dinala siya sa ICU, alas-8:00 ng umaga; nagwawala siya sa hirap ng kanyang kalagayan. Sinabi ng doktor na kailangan siyang itali upang mapigilan ang pagwawala niya at in-intubate rin siya. Bumaba na rin ang kanyang oxygen level. Siya ay tinurukan ng pampatulog. May ituturok ding pang-revive sa kanya, subalit tuluyan na siyang pumanaw.


Anang mag-asawang Mitra, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Masigla, aktibo at malusog siya, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang kanyang kalusugan. Papaanong ang isang atleta na hindi nababangko tuwing may laro ay biglang magkakaroon ng karamdaman na hindi alam kung saan ito nanggaling? Mula nang siya ay maturukan ng Dengvaxia, palagi siyang nasa ospital. Kung ano-anong gamot ang ibinigay sa kanya, subalit mas malakas pa rin ang epekto ng Dengvaxia vaccine sa kanya dahil hindi na siya gumaling. Pabalik-balik kami sa ospital at hirap na hirap na ang kalagayan niya. Namayat siya nang husto at lumaki ang kanyang tiyan. Naging kaawa-awa ang hitsura ng aming anak. Ang haba ng paghihirap niya bago sumuko ang kanyang murang katawan.”


Sadyang nasa katauhan ni Lance Allen ang diwa ng pagiging tunay na atleta. Lumaban talaga siya sa sakit na dumapo sa kanya hanggang sa bumigay ang kanyang murang katawan. Marami sa mga batang naturukan ng Dengvaxia ang tulad ni Lance Allen na naghirap nang husto para labanan ang dengue virus na naipasok sa kanila. Sinubukan talaga nilang kayanin at labanan ang lupit ng eksperimentong bakuna, subalit hindi nila kinaya at iginupo sila nito. Kaya naman ang aming tanggapan, sa harap ng maraming pagsubok sa pagharap sa mga higanteng katauhan na nasa likod ng nasabing bakuna ay patuloy na ipaglalaban ang kanilang kaso hanggang ang mailap na hustisya ay kanilang matamo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page