ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 24, 2024
SANA MAGPA-PSYCHO TEST AT DRUG TEST NA SILA PARA MALAMAN NG PUBLIKO KUNG MAY TOPAK O WALA ANG VP, AT KUNG MAY MGA DURUGISTANG CONG. -- Tinanggap ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang hamon ng mga kongresista na sumailalim sa psycho test at magpapa-drug test din daw siya, basta’t magpapa-drug test din ang mga tinaguriang “young guns” ng Kamara na reelectionists sa May 2025 election.
Ang hamon na ito ni VP Sara ay tinanggap din ng mga cong. basta sa kondisyon na after daw nilang magpa-drug test ay dadalo na ito (VP Sara) sa imbestigasyon ng Quad Committee tungkol sa isyung confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd) noong si VP Sara pa ang DepEd secretary.
Sana, isagawa na agad nila ang psycho test at drug test para malaman ng mamamayan kung may topak o wala ang bise presidente at kung may mga adik na cong., boom!
XXX
SANA HINAMON DIN NI VP SARA SI PBBM NA MAGPA-FOLLICLE DRUG TEST --Nag-ugat ang hamunang ito ng vice president at ng mga cong. matapos na sabihin ni VP Sara na nais niyang pugutan ng ulo si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at hukayin sa libingan ang mga labi ng ama nitong si ex-Pres. Ferdinand Edralin Marcos Sr. at saka itatapon sa West Philippine Sea (WPS).
Kulang ang hamon ni VP Sara, kasi tatanggapin pala niya ang challenge na siya ay magpa-psycho test, sana hindi lang mga “young guns” ng Kamara ang kanyang hinamon, kundi hinamon din niya si PBBM na magpa-hair follicle drug test para matapos na rin ang isyung ipinupukol ng kampo ng Duterte na durugista raw ang presidente, period!
XXX
DAPAT MAY BATAS NA ANG LAHAT NG KAKANDIDATO SUMAILALIM SA DRUG TEST AT PSYCHO TEST -- Ang hamon ng mga kongresista kay VP Sara na magpa-psycho test at ang hamon naman ng bise presidente sa mga cong. na magpa-drug test ay dapat gawing batas ng mga lawmaker.
Ang nais nating ipunto ay dapat may batas na ang lahat ng kakandidato sa halalan ay sumailalim sa drug test at psycho test, at ang sinumang hindi tutugon ay hindi tatanggapin ng Comelec ang certificate of candidacy (COC).
Sana, maisabatas ito para matiyak na ang mga mananalong pulitiko ay hindi durugista at walang topak, boom!
XXX
KUNG PORK BARREL NG MGA SEN. AT CONG. ILALAAN SA FLOOD CONTROL PROJECT, HINDI MARARANASAN NG MAMAMAYAN ANG LAMPAS-TAONG BAHA -- Ang dami na namang lugar sa Luzon ang binaha dulot ng ulan na dala ng Bagyong Kristine.
Hindi sana nakakaranas ng mga lampas-taong baha ang mamamayan kung ang bilyun-bilyong pisong pork barrel ng mga senador at kongresista ay nilalaan sa mga flood control projects, period!
Comments