ni Ambet Nabus @Let's See | Oct. 6, 2024
Nakakaloka ang mga bumabatikos sa pamilya ni Star for All Seasons Vilma Santos at mga anak nitong sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto.
Sa dami ng mga bashing na ipinukol sa kanila after nilang mag-file ng COC para sa iba’t ibang posisyon sa Batangas province, para bang ngayon lang nangyari na may magkakapamilya na tatakbo sa pulitika.
At ang pinakanakakabaliw pa ay mukha namang hindi mga botante ng nasabing lalawigan ang mga nag-oopinyon ng kung anik-anik.
Minsan, masarap patulan pero gaya nga ng laging sinasabi sa anumang larangan na may botohan, ‘talo ang pikon’.
Grabe, pero mula nang nagkaisip kami in the '70s at naging voter in the '80s, political dynasty in the country is in existence na. Sa dami ng mga brilliant minds at mga lider na labas-masok sa pulitika, hanggang ngayong 2024, ay hindi pa rin naisasabatas ang anti-political dynasty law?
Sino ba ang dapat sisihin? Sino ba ang dapat managot?
Hay, naku, ang pamilya ni Ate Vi, mapa-Santos, Recto at Manzano ay nandiyan na sa Batangas nang mahabang panahon. Ate Vi’s good track record as a public servant is a non-issue here. Walang record ng katiwalian, very functional and productive, naisasakatuparan ang mga plataporma, at higit sa lahat, mahal na mahal at mismong mga tao ang naghahanap ng klase ng public service at experience niya sa gobyerno.
At dahil ‘yan din ang nakagisnang buhay nina Luis at Ryan Christian, saan pa ba sila puwedeng maglingkod at mag-alay ng kanilang dunong, puso at serbisyo?
Hay, naku, hayaan po nating ang mga taga-Batangas ang sumagot niyan dahil sila itong pinagsisilbihan at nakikinabang o magdurusa man kung sakali. Nagkataon lang talaga na super-sikat si Ate Vi at ang angkan niya, kaya may mga hanash ang iba lalo na ‘yung hindi naman taga-Batangas.
“Still very relevant,” ang simpleng naidugtong ng mga Vilmates sa present bashing na natatanggap nina Ate Vi, na kung tutuusin daw ay lalo lang nagpapalakas at nagpapaingay sa kandidatura nila, short of saying na napakadali nilang sagutin sa mga gagawin nilang pangangampanya soon.
Sa tinagal-tagal ng panahon na sandamakmak na ang mga pamilyang may puwesto at posisyon sa gobyerno, talagang ngayon lang nag-iingay ang sambayanan sa usaping dynasty? Mag-aral nga kayo ng history ng bansa at matuto nang tama! Aguy!
MAHUSAY sumagot ang bidang bagets na si Ryrie Sophia sa soon-to-be shown movie na Mujigae, na ang ibig sabihin sa Korea ay ‘rainbow’.
Produkto ng Little Miss U ng It’s Showtime (IS) ang 5-year-old na matabil na bagets na 'ika nga ni Rufa Mae Quinto ay parang hindi bata kung magsalita.
Proud nga ang direktor nitong si Randolph Longjas dahil si Ryrie na raw ang bagong Judy Ann Santos ng showbiz.
Samantala, ito ‘yung unang movie ng Korean actor na si Kim Ji-soo na tila rito na sa bansa nagbabalak magpatuloy ng career after nitong masangkot sa iskandalo sa Korea at mawalan ng projects du’n.
“Mabilis mag-memorize ng linya. Mahusay mag-deliver at alam n’ya ang kanyang ginagawa,” sey naman ni Alexa Ilacad na nagsisilbing bida rin sa movie bilang siya ‘yung tita ng bata sa story na nag-aruga rito.
“May pagka-offbeat na sweet ang role ko rito. Very relatable sa mga nanay-nanayan na ayaw maging nanay, gustong maging nanay o walang planong maging nanay,” habol pa ni Alexa.
Showing na ngayong October 9 sa mga sinehan ang MUJIGAE, mula sa Unitel Films.
IN the name of love and good advocacy, ibibigay talaga ni Rhian Ramos ang kanyang serbisyo at oras.
Iyan mismo ang kanyang ginawa kamakailan, nang mamigay sila ng 20 livelihood carts sa mapapalad na single mothers sa isang distrito sa Maynila.
Nag-celebrate ng kanyang ika-34th birthday ang magandang aktres na nobya nga ni Cong. Sam Verzosa, ang negosyanteng lalaban sa pagka-mayor ng Maynila.
“Gusto naming maramdaman ninyo rin na may kakampi kayo. ‘Yung feeling na nanalo ka sa raffle, ‘yung napili ka! ‘Yung may sumusuporta at tutulong din sa ‘yo,” masayang mensahe ni Rhian.
Ang food cart ay tinawag na ‘SioMAYNILA’ na full-packed ng bike, cart, gasul, steamers at iba pang mga kagamitan sa negosyo. Bukod sa siomai ay may kasama rin itong samalamig.
“Marami pa tayong ipamimigay na mga SioMAYNILA mobile franchise business sa mga kababayan natin. Happy Birthday, Boo (Rhian),” pahayag ni Cong. Sam Verzosa kay Rhian at sa mga nakasama nila noong araw na iyon.
Comments