ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 19, 2023
KATANUNGAN
Thirty-three years old na ako ngayon ngunit wala pa rin akong nagiging girlfriend. Ba’t kaya ganun? Bakit ang damot sa akin ang tadhana? Samantala, ‘yung iba r’yan na walang work at walang itsura ay nagkaka-girlfriend at nakapag-aasawa pa.
Naisipan kong sumangguni sa iyo, Maestro, upang itanong kahit kaya hindi ako marunong manligaw, magkaka-girlfriend pa rin kaya ako? Nakakita kasi ako sa aking palad ng dalawang Marriage Line. Ibig sabihin ba nito ay dalawang beses akong magkakaroon ng masayang pakikipagrelasyon?
Kung tama ang nakikita ko sa aking palad, kailan kaya ako magkaka-girlfriend at kung sakaling magkadyowa na ako, siya na kaya ang mapapangasawa at makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
Kapag kapalaran ang pinag-uusapan, tunay ngang hindi naman imposibleng kahit hindi ka manligaw ay magkaka-girlfriend ka pa rin at ang unang magiging girlfriend mo ay posible ngang siya na rin ang mapapangasawa mo. Ayon sa mahaba, makapal at kitang-kitang unang Marriage Line (Drawing A. at B.1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tulad ng nasabi na, malamang kung sino ang unang magiging girlfriend mo, siya na ring mapapangasawa mo.
Ngunit magtataka ka at marahil ay maitatanong mo “Kung ang unang guhit ng Marriage Line (1-M arrow a.) ang siya mo na ngang mapapangasawa, ano naman kaya ang ibig sabihin ng ikalawang mas maikli, hindi masyadong mahaba at hindi rin gaanong malinaw na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad?”
Ito ay nagpapahiwatig lamang na kahit na may girlfriend o may asawa ka na, magkakagusto ka pa rin sa ibang babae at kapag hindi mo iyon napigilan o hindi mo iniwasan posibleng may ikalawa pang babae na dumating sa iyong buhay kahit na may asawa ka na.
Subalit halimbawang may dumating nga, dahil maikli o hindi naman masyadong mahaba at hindi rin naman napakalinaw ang ikalawang nabanggit na Marriage Line (2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay tatawagin lamang na pansamantalang relasyon o illicit love affair kahit na may asawa ka na, pero hindi rin naman magtatagal, sa halip, higit mong mapapanatili at magiging panghabambuhay ang pakikipagrelasyon mo sa iyong legal wife o tunay mong asawa.
Kumbaga, nakipagrelasyon ka lang sa ibang babae, upang tikman kung ano ang lasa ng karanasang may other woman, (Drawing A. at B. i-i arrow c.) kaya kapag nalaman mo na, hindi rin pala maganda at masaya ang pambababae, dahil hindi ka naman likas na babaero, at kusa ka ring makikipagkalas sa nasabing ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagrerepresenta ng babaeng kung tawagin natin ay “kerida o number two” pero tulad ng naipaliwanag na, panandalian at hindi naman gaanong makakadistorbo sa maayos at masaya mong pamilya habang palihim kang nambabae pero sa bandang huli, ang pambabaeng ito ay tuluyan na ring mawawala, lilipas at kusang mabubura.
DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos, Joey, napakapalad mo, dahil kahit hindi ka manligaw, isang babaeng may zodiac sign na Scorpio ang darating, siya na ang magiging una mong girlfriend, na sa bandang huli ay tuluyan mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Hunyo o kaya’y Hulyo sa edad mong 34 pataas.
Comments