top of page
Search

Lalaking pilit pinapaamin sa kasong wa’ kinalaman, absuwelto

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 14, 2024




Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Rueda Acosta

Maaari bang magamit bilang patunay ng isang akusado ang isang pagtatapat o pag-amin sa loob ng himpilan kung ito ay isinagawa sa harap ng isang kapitan ng barangay, isinulat, at mayroong recorded video?


 Ang sagot sa nabanggit na katanungan ang siyang nagdikta sa kalayaan o pagkakakulong ng isa sa ating mga kliyente na itatatago na lamang natin sa pangalan na Roberto.


Sa araw na ito, ating ibabahagi ang kuwento ni Roberto  –  isa sa mga natulungan ng aming tanggapan na mapawalang-sala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya kaugnay sa kamatayan na sinapit ni Dolores, hindi niya tunay na pangalan.


Sa kasong People v. Durana (CA-G.R. CR-HC No. 12) isinulat ni Honorable Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon, na may Entry of Judgement noong ika- 11 ng Pebrero 2022, pinal na natuldukan ang daing ni Roberto mula sa sapilitang pagkakadawit kaugnay sa pagkakapaslang kay Dolores.


Bilang pagbabahagi, mayroong dalawang nangungupahan sa tahanan ni Dolores na mayroong dalawang palapag, at ang isa rito ay si Roberto, na siyang akusado sa ating kuwento.


 Ayon sa buod na bersyon ng panig ng tagausig, dalawa ang kuwarto sa unang palapag ng bahay. Ang isang kuwarto ay inookupahan ng anak ni Dolores na si Nina, at asawa nito na si Natoy – kapwa hindi nila tunay na pangalan.


Ang isang kuwarto naman ay inookupa nina Roberto at ng isa pang nangungupahan na itatago na lang natin sa pangalan na Luis. Samantala, si Dolores naman ay may sariling higaan na inilagay sa likod ng aparador malapit sa dining area, at sa labas lang ng kuwarto nina Roberto at Luis, habang ang ikalawang palapag ay inookupahan naman ng iba pang mga anak ni Dolores.


Noong ika-2 ng Hulyo 2008, alas-12:30 ng hating gabi, habang hinihintay ni Nina sa labas ang pag-uwi ng kanyang asawa, nakita nito si Roberto na umuwi at tila lasing. Bandang ala-1 ng hating gabi nang dumating si Natoy. Agad pumasok ng bahay ang mag-asawa, at isinara ang mga pinto. Sa daan papasok sa kanilang kuwarto, nakita pa ni Nina si Dolores na natutulog sa kanyang higaan.


Alas-3:30 ng madaling araw, bumangon na si Nina upang ihanda ang almusal ng kanilang mga anak. Paglabas niya ng kanyang kuwarto, napansin niyang nakabukas ang main door. Pagkatapos nu’n ay nakita niya si Dolores na nakahandusay at natatakpan ng unan ang mukha. Niyugyog ni Nina ang kaliwang braso ni Dolores, ngunit hindi ito sumasagot, kaya agad na humingi ng tulong si Nina kay Natoy.


Nang makitang naghi-hysterical ang asawa, agad na lumabas si Natoy sa kanilang kuwarto para tingnan si Dolores. Tinanggal ni Natoy ang unan sa mukha ni Dolores at tinanong, “Nay, sino ang gumawa sa iyo niyan?”


 Samantala, tinawagan ni Nina ang Barangay Chairman na si Rico, hindi nito tunay na pangalan, para i-report ang insidente at ang kapitan naman ang siyang nag-report sa pulisya.


Dahil wala pang lead kung sino ang pinaghihinalaan o suspect, inimbitahan ng mga pulis ang mga naninirahan sa tahanan ni Dolores at isa na rito ay si Roberto.


 Napansin ng imbestigador ang mga gasgas sa braso ni Roberto at tinanong kung saan ito nakuha. Ayon kay Roberto, nakuha umano niya iyon nang magharutan sila ng kanyang katrabaho. Hindi kumbinsido ang imbestigador sa mga paliwanag ni Roberto, kaya siya ay itinuring na suspect at siya ay ikinulong.


Nang mabalitaan ito ni Barangay Chairman Rico, agad niyang pinuntahan si Roberto sa istasyon ng pulis kung saan ito nakakulong.


 Labis na ikinagulat ni Kapitan Rico nang biglang umamin si Roberto ukol sa pagpaslang kay Dolores. Ang kanyang pag-amin ay nagkaroon ng kasulatan at sakop din ng isang reporter mula sa ABS-CBN.


Sa kabilang banda, iginiit ni Roberto na siya ay inosente. Nang maimbitahan siya sa himpilan ng pulisya, aniya ay pinilit siya ng mga pulis at ng Kapitan ng Barangay na si Rico na umamin sa krimen.


 Siya ay pinaniwala na agad na matatapos ang kaso kapag umamin siya. Dahil sa panggigipit, nagsagawa siya ng sulat-kamay na pag-amin nang walang presensiya ng abogado.


Matapos ang paglilitis, nahatulan si Roberto sa kasong murder o pagpaslang. Kaugnay nito, umapela si Roberto sa naunang hatol ng hukuman, at hiniling na siya ay mapawalang-sala. Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol na konbiksyon kay Roberto at tuluyang pinawalang-sala.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, ang pagkakakilanlan ng isang akusado at isang nakasaksi ay isang mahalagang piraso ng ebidensiya na magagamit upang mapagpasyahan ang tagumpay o pagkabigo ng kaso para sa tagausig. Sa kasamaang palad para sa panig ng tagausig – sa kasong ito ay walang eyewitness o saksi.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, maingat nilang siniyasat ang mga rekord at ang mga transcript ng stenographic notes ng mga testimonya ng mga saksi, at nalaman na ang obserbasyon ng mababang hukuman ay dapat na ibasura. Partikular, ang kakulangan ng direktang ebidensiya sa pagpatay kay Dolores ay humahadlang sa pagsisikap ng prosekusyon na idiin si Roberto bilang salarin.


 Sa madaling salita, sa kawalan ng isang nakasaksi, ang mga katotohanan at pangyayari na napatunayan ng prosekusyon na pinagsama-sama ay hindi sapat upang bigyang-katwiran ang malinaw na konklusyon, o moral na katiyakan, na pinatay nga ni Roberto ang biktima.


Patungkol naman sa pag-amin umano ni Roberto sa pagkakasala, malinaw sa Artikulo III, Seksyon 12 ng ating Saligang Batas na ang sinuman na sinisiyasat dahil sa diumanong paglabag sa batas ay may karapatan na mabigyan ng isang abogado na may sapat na kakayahan at independensiya.


 Kaugnay nito, hindi dapat tanggaping ebidensiya laban sa kanya ang anumang pagtatapat o pag-amin na nakuha ng labag sa mga nasabing alituntunin.


Totoo na mayroong nakaraang desisyon ang ating Korte Suprema na ang nabanggit na probisyon na ito ng ating Saligang Batas ay hindi tumutukoy sa mga kusang pahayag, o sa mga hindi nakuha sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga otoridad na nagpapatupad ng batas, ngunit ibinigay sa isang ordinaryong paraan kung saan ang akusado ay pasalitang umaamin sa paggawa ng pagkakasala.


Gayunman, napag-alaman pa rin ng hukuman para sa apela na hindi katanggap-tanggap ang pag-amin ni Roberto hindi lamang dahil sa wala itong gabay ng isang abogado, wala rin itong independiyenteng ebidensiya na nagpapakita na ito ay isinagawa na may kusang-loob.


 Taliwas sa kasong naging pamantayan sa naunang konbiksyon ni Roberto, kung saan itinuring na wasto ang pag-amin na boluntaryong ibinigay sa pribadong mamamayan, sa kasong ito ni Roberto ay napatunayan na mayroong “coercive atmosphere” sa interview o kapanayam sapagkat ito ay naganap sa loob ng kulungan sa himpilan ng pulisya.


Ayon sa hukuman para sa apela, ang terminong boluntaryo ay nangangahulugan na ang akusado ay nagsasalita ng kanyang malayang kalooban at kasunduan, nang walang anumang uri ng panghihikayat, at may ganap at kumpletong kaalaman sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pag-amin.


 Sa kasong ito, ang mga rekord ay kakaunti kung natanto nga ni Roberto ang buong halaga ng kanyang pag-amin at ang posibleng kahihinatnan nito.


Alinsunod sa mga nabanggit, hindi maaaring magamit ang nasabing pag-amin ni Roberto laban sa kanya, sapagkat napatunayan na hindi ito boluntaryo. Kaya naman, sa kawalan ng ebidensiya ng pag-amin, hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang kay Dolores dahil sa kakulangan ng saksi o eyewitness.


Sa kabuuan, ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala kay Roberto – alinsunod sa pagpapalagay na inosente ang akusado maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.


Sa kabilang banda, ang biktima ay dumadaing pa rin mula sa hukay; nawa ay hindi maging mailap sa kanya ang tadhana tungkol sa hustisyang hinahanap niya. Nawa ay managot sa kamay ng batas ang tunay na maysala.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page