ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021
Patay ang dating estapador na si Darvin Baldovino matapos barilin ng dalawang beses sa MIA Road Barangay Tambo, Parañaque City nitong Lunes nang gabi, Mayo 3.
Ayon sa asawa nitong si Janice Baldovino, walang trabaho ang biktima at dati itong nakulong sa kasong estafa.
Kuwento pa niya, nagpaalam si Darvin na may kukunin lang na cellphone sa labas pero hindi na nakabalik ng bahay. Nalaman na lamang niyang dinala na ito sa barangay matapos na may magreklamo.
Paliwanag naman ng Barangay Tambo desk clerk na si Rose Diestro, inireklamo si Darvin ng pambabanta at hindi umano nito nakasundo ang nagrereklamo sa loob ng barangay.
"Hindi sila nagkasundo kasi nag-walkout siya, umalis siya," sabi pa ni Diestro.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad si Darvin sa MIA Road mula sa kanto ng Roxas Boulevard nang barilin pasado alas-8:30 nang gabi, kung saan diumano ay sinabayan ito ng suspek.
Salaysay naman ng guwardiya sa kalapit na tindahan, nakarinig sila ng 2 putok ng baril at hindi na iyon nasundan pa.
Aminado naman si Janice na masyadong mainitin ang ulo ng asawa niya at marami itong naging kaaway. Nanghihinayang din siya dahil hindi na ito nakaabot sa ika-39 na kaarawan ngayong darating na Sabado.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng pamamaril at kung may kaugnayan sa krimen ang nakaalitan nito sa barangay.
Comments