top of page
Search
BULGAR

Lalahok sa 2025 senatorial election tiyak marami, kasi ang 'pork' bilyunan na

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 2, 2024


Prangkahan ni Pablo Hernandez


BAKA WALANG SEN. AT CONG. NA KUKONTRA SA P10.29-B CONFI FUND NI PBBM SA TAKOT MATANGGALAN NG PORK BARREL -- Nang pumutok ang pork barrel scam, nagpasya ang Supreme Court (SC) na ideklara itong unconstitutional noong year 2013 kaya ang ginawa ng noo’y Pres. Noynoy Aquino ay mula 2014, 2015 hanggang June 30, 2016, stop na ang pork barrel, natigil na ang pork barrel projects ng mga senador at kongresista. At nang maging pangulo si ex-P-Duterte, humingi ito ng P2.5 billion confidential fund, pondong ginagasta ng walang kaakibat na resibo, walang senador at congressman na kumontra, at ang dahilan pala ng hindi nila pagkontra, ibinalik ng Duterte administration ang pork barrel ng mga lawmaker.


Ang nais nating ipunto rito ay baka walang senador at congressman na kukontra sa hirit ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na P10.29 billion confidential fund sa takot na resbakan sila ng presidente, na tanggalan sila ng pork barrel, boom!


XXX


KAYA MARAMING NAIS LUMAHOK SA 2025 SENATORIAL ELECTION KASI ANG PORK BARREL BILYUNAN NA -- Sa isang interview noon ay sinabi ni former Sen. Ping Lacson na bilyunan na raw ang pork barrel sa mga senador.


Marahil, ‘yang “bilyunang pork” ang dahilan kaya maraming dating senador at mga sikat na personalidad ang lalahok sa 2025 senatorial election, para ‘ika nga kapag sila ay nagwagi, meron na rin silang bilyones na pork barrel, he-he-he!


XXX


MATATAPOS ANG HAPPY DAYS NG MGA PORK BARREL POLITICIAN KAPAG NAGING PRESIDENTE SI MAYOR MAGALONG -- Isang taon na ang nakakalipas nang batikusin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong noong July 2023 ang “kickback-kan” sa pork barrel ng mga lawmaker, at kaya niya ito kinondena ay dahil kabilang daw ang pork barrel sa sanhi kaya nalulubog sa utang ang ‘Pinas na ang dulot ay paghihirap ng sambayanang Pinoy.


Sa totoo lang, maraming sen. at cong. na kabado kay Mayor Magalong, kasi kapag ito ay kumandidatong presidente sa 2028 at nagwagi, tiyak tapos na ang happy days ng mga pork barrel politician, boom!


XXX


HINDI LANG PERJURY, BAKA PATONG-PATONG NA KASO ANG KAHARAPIN NI HARRY ROQUE -- Sa post ni Sen. Risa Hontiveros sa social media ay ibinulgar nito na wanted pala sa Interpol (International Police) si Sun Liming, Chinese national na konektado sa POGO, na nahuli ng mga otoridad sa isang mansyon na pag-aari ng isang korporasyon kung saan ay kasosyo rito si former Presidential spokesman Harry Roque.


Kapag napatunayan na konektado si Roque sa POGO, malamang hindi lang perjury ang kakaharapin niya, kundi patong-patong pang kaso, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page