ni Anthony E. Servinio @Sports | April 2, 2023
Nagising ang bisitang Los Angeles Lakers sa third quarter at naitala ang maaaring pinakamahalagang panalo ngayong taon laban sa Minnesota Timberwolves, 123-111, sa NBA kahapon sa Target Center.
Wala pa ring talo ang Phoenix Suns basta nariyan si Kevin Durant at hinila pababa ang numero unong Western Conference Denver Nuggets, 100-93.
Lumamang ang Timberwolves sa 3-point play ni Karl Anthony Towns upang simulan ang third quarter, 68-55, at iyan na ang kanilang huling ingay. Mula roon ay uminit para sa 8 puntos si Anthony Davis upang pangunahan ang paghabol ng Lakers na umabante papasok sa 4th quarter, 90-83, at hindi na nila binitiwan ito.
Hindi pa tapos si Davis at nagdagdag ng 17 puntos sa 4th quarter upang magtapos na may 38 puntos at 17 rebound. Double-double din si LeBron James na 18 puntos at 10 rebound at ito ang unang pagkakataon na mas marami ang panalo sa talo ng Lakers na 39-38 at ika-7 sa West katabla ang nagpapahingang New Orleans Pelicans.
Lumapit ang Suns sa playoffs sa ika-42 panalo sa 77 laro matapos ipasok ni Durant ang pito ng kanyang 30 puntos sa 4th quarter. Nalagay sa peligro ang pagiging numero uno ng Nuggets (51-26) at lumiit ang lamang nila sa humahabol na Memphis Grizzlies (49-28).
Sa gitna ng namumurong huling hirit ng Lakers, nagtagumpay ang World Champion Golden State Warriors sa San Antonio Spurs, 130-115, matapos magpaulan ng pitong 3-points si Stephen Curry para sa 33 puntos. Pantay ang Warriors at LA Clippers sa 41-37 para sa ika-lima at ika-anim sa West.
Comentários