ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2024
Mga laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial
10 a.m. Indonesia vs. Hong Kong (para 7th)
1 p.m.India vs. Iran (para 5th)
4 p.m. para sa 3rd
7 p.m. Championship
Matapos ang mga kababaihan, ang mga kalalakihan naman ng Alas Pilipinas ang magpapamalas ng lakas sa 2024 AVC Challenge Cup for Men ngayong Hunyo 2 hanggang 9 sa Bahrain. Ipinakilala na ang 14 manlalaro na kakatawan sa bansa na puntiryang tumbasan ang tinamatasang tagumpay ng mga kababaihan.
Binubuo ang pambansang koponan ng mga outside hitter Marck Espejo, Nico Almendras, Jade Disquitado, Noel Kampton at Joshua Umandal, opposite spiker Leo Ordiales, middle blocker Kim Malabunga, John Paul Bugaoan, Rwenzmel Taguibolos at Lloyd Josafat, setter Joshua Retamar at Joseph Bello at libero Josh Ybanez at Vince Patrick Lorenzo. Ang head coach ay si Sergio Veloso.
Tutulak ang delegasyon ngayong araw, Mayo 29. Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo A kasama ang host Bahrain at Tsina at ang magiging kampeon ay tutuloy sa 2024 FIVB Challenger Cup para sa pagkakataong makapasok sa prestihiyosong Volleyball Nations League.
Samantala sa 2024 AVC Challenge Cup for Women, nagtagumpay ang India at Iran sa classification games at itakda ang laban nila para sa ika-limang puwesto ngayong araw. Nanaig ang India sa Indonesia – 25-16, 30-32, 25-20 at 27-25 – na sinundan ng tagumpay ng Iran sa Hong Kong – 26-24, 26-24, 19-25 at 25 – sa Rizal Memorial Coliseum.
Kasabay ng mga ito ay nag-uwi ng konsuwelo ang Chinese-Taipei at inuwi ang ika-9 na puwesto matapos daigin ang Singapore, 27-25. 25-10 at 25-10, sa Ninoy Aquino Stadium. Parehong nagtapos ang mga koponan sa ilalim ng Grupo A at B.
Kommentare