ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 03, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, ang tatalakayin natin ay ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon.
Kung ikaw ay isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Dragon.
Ang Dragon ay siya ring Aries sa Western Astrology na may ruling planet na Mars.
Sinasabing higit na agresibo at tagumpay sa buhay ang mga Dragon na ipinanganak nang tag-araw at tag-sibol kaysa sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.
Likas na mapalad ang mga Dragon tuwing sasapit ang alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong silangan at timog-silangan (east at southeast).
Pinaniniwalaang ang mga nasa ilalim ng animal sign na Dragon ay may nakatakda nang kapalaran, kung saan sila ay susuwertehin at magtatagumpay sa buhay. Ngunit kahit ganito ang nakatakda sa kanila, kadalasan ay hindi naman nila madaling nakakamit ang magandang kapalarang inilaan sa kanila. Sa halip, bago magtagumpay at lumigaya, tila idinadaan muna sila ng langit sa maraming pagsubok at pakikihamok. Kaya naman kung sino ang pinakamatatag at laging bumabangon na Dragon sa panahon ng kanilang pagkadapa, sila ang itinatalang pinakamayaman, pinakamaunlad at pinakamatagumpay.
Ang pagiging malakas, mapag-isa, matatag, may lihim na takot, palaging nakatingin sa sarili at masyadong pinahahalagahan ang kanilang pride o ego, ay ilan lamang sa mga pangunahing ugali ng Dragon.
Bagama’t minsan ay natatakot, madalas na buo ang kanilang loob at may busilak na pagkatao, kung saan hindi mo sila kakikitaan ng pagkukuwari at kaplastikan. At dahil sila ay totoo, sila ay nakapagpapatuloy nang walang anumang hadlang sa kanilang mga ambisyon at balakin sa buhay.
Sa pakikisalamuha sa kapwa, madali nilang nakikilala at nakikilatis ang kanilang mga kasama na may masamang motibo o binabalak sa kanila. Kaya naman kung nagbabalak kang lokohin o utakan ang isang Dragon, malabong mangyari ito dahil alam niya ang iyong motibo o binabalak sa kanya bago mo pa gawin ito. Ganu’n kagaling at katalas ang intuition o pandama ng isang Dragon, na kung gagamitin niya sa pagnenegosyo, career at propesyon, madaling isisilang ang isang matagumpay, maunlad at mayamang Dragon.
Dahil Dragon ang kanyang animal sign, sa Chinese Astrology, mahigpit na pinaniniwalaan na ito rin ang simbolo ng isang Emperor. Take note, hindi lang “Hari” kundi isang “Emperor” at alam mo naman ang pagkakaiba ng dalawang ito. Ang Hari ay may isang kaharian lamang, ngunit ang Emperor ay hari ng maraming bansa, may malawak siyang lugar o kaharian na nasasakupan.
Kung saan, ang pagiging Emperor ay tulad ng nasabi na, “Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.”
Ganu’n kahusay at kaganda ang kapalaran ng Dragon kung ang kanyang mga positibong katangian ay mapagyayaman niya nang maingat at mahusay.
At dahil ang literal na pakahulugan ay nagiging Emperor o nagiging Hari silang mga isinilang sa Year of the Dragon, sa China, maraming mag-asawa na gumagawa ng baby sa panahon ng Year of Rabbit upang matiyak na ang sanggol ay eksaktong isisilang sa Year of the Dragon.
Itutuloy
Comments