ni Gerard Arce @Sports | February 28, 2024
Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena, Pasig City)
4 n.h. – Farm Fresh vs Capital1
6 n.g. – Akari vs Creamline
Sumubsob nang husto sa sahig si team captain at ace libero Kath Arado upang bantayan ang depensa ng PLDT High Speed Hitters upang maiselyo ang panibagong straight set panalo sa bisa ng 25-17, 25-23, 25-22 kontra NXLed Chameleons sets sa unang handog na laro ng double-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumapos ang 3-time league Best Libero ng kabuuang 29 excellent digs at 12 excellent receptions para tanghaling best player of the game, habang lumista si Filipino-Canadian Savannah Dawn Davison ng triple-double sa 13 puntos mula lahat sa atake, kasama ang 10 excellent digs at 10 excellent receptions, habang sumegunda sa opensa si middle blocker Jessey De Leon sa 11pts mula sa 9 NA atake at 2 service ace, gayundin si multi-awardee middle blocker Majoy Baron na nag-ambag ng 10pts, samantalang namahagi ng husto sa opensa si playmaker Kim Fajardo na may 19 excellent sets at isang puntos.
“Inumpisahan lang namin sa training, 'yung mindset lang talaga ng bawat isa na gusto naming i-continue yung panalo, kase pinaghihirapan namin sa training tsaka binibigay talaga namin 'yung sacrifices ng mga coach para maging sa amin na ito, talagang gawa talaga kami para mag-improve pa,” wika ng three-time league Best Libero na sasamahan ang Chery Tiggo Crossovers sa maagang pagsosyo sa 2-0 liderato. “Gusto ko lang talaga manalo, tsaka given na magaling ang NXLed in terms sa defense, sa lahat so talagang pinag-aralan namin, ibinigay namin 'yung respeto na hinihingi ng NXLed sa amin, tsaka 'yung kagustuhan naming manalo,” dagdag ng dating UE Lady Warriors.
Comments