ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 30, 2021
Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pananatili ng MECQ sa NCR Plus hanggang Mayo 14. Ipinagbabawal din muna ang mga biyahe mula sa India kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 doon. Muling pinaalalahanan ng gobyerno ang taumbayan na patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga patakaran upang maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit sa ating komunidad.
Kailangan nating gawin ang mga hakbang na ito upang maiwasan ang dagdag-pasakit sa healthcare system. Bagama’t sinisikap nating pasiglahin muli ang ating kabuhayan, nananatiling prayoridad natin ngayon ang kaligtasan at buhay ng bawat Pilipino.
Dumating na rin kahapon ang dagdag na 500,000 Sinovac vaccine doses mula China at inaasahan nating marami pang darating sa susunod na mga araw. Magtiwala tayo at huwag matakot sa bakuna, matakot tayo sa COVID-19. Ang bakuna ang susi para unti-unti na tayong makabalik sa normal na pamumuhay.
Habang patuloy ang laban kontra COVID-19, walang tigil ang gobyerno sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang parte ng bansa. Kasama ang pagbukas ng ika-103 na Malasakit Center sa Cebu Provincial Hospital – Carcar City sa Cebu noong Martes sa ilalim ng programang ating isinabatas.
At para masigurong walang maiiwan sa muling pagbangon ng bansa, tuluy-tuloy din ang pagtulong sa mga kababayang nangangailangan. Kasama ang mga ahensiya ng gobyerno, nagbigay tayo ng dagdag-suporta sa mga komunidad na nasa krisis. Sa aming pag-iikot, siniguradong nasusunod ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Mula Abril 24 hanggang Abril 29, nag-abot tayo ng tulong sa mga nasalanta ng sunog tulad ng 96 na pamilyang biktima mula sa Parañaque City; 116 mula sa Caloocan City; 138 katao naman mula sa Bacoor City, Cavite; 75 pamilya mula sa Bahay Toro at North Fairview, Quezon City; 12 pamilya mula sa Muntinlupa City; at 13 pamilya mula sa Mandaluyong City.
Patuloy din tayong tumutulong sa mga biktima ng mga nakaraang sakuna tulad ng 400 na katao sa Hinatuan, 2,301 sa Carmen, at 471 mula sa Bislig City sa probinsya ng Surigao del Sur; 680 na biktima sa Mainit, 2,122 sa Tagana-an, 555 sa Sison at 52 sa Claver, sa probinsya naman ng Surigao del Norte; 1,096 katao sa Cabadbaran City, Agusan del Norte; at 122 sa Loreto, Agusan del Sur.
Dagdag pa ang mga natulungan din natin na 508 katao mula sa Mati City, Davao Oriental; 508 katao mula sa Tagum City, Davao del Norte; at 508 katao rin mula sa Digos City, Davao del Sur. Binigyan din natin ng tulong ang halos 1,000 katao mula sa Catubig, 332 sa Catarman, mahigit 1,000 katao sa Laoang, at 664 katao naman mula sa Pambujan, sa probinsiya ng Northern Samar na naging biktima ng nakaraang Bagyong Bising.
Sa mga hirap naman ang kabuhayan, namigay tayo ng dagdag-suporta sa 400 displaced workers mula sa media at transport sectors sa Quezon City; 917 katao mula sa vulnerable sectors sa Bulakan, Bulacan; at 3,832 vendors, habal-habal drivers at TODA members sa Carcar City, Cebu na akin namang personal na pinuntahan.
Naging makabuluhan din ang linggong ito dahil sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Victory sa Mactan sa Lapu-Lapu City.
Tulad ng naging labanan sa Mactan noon kung saan nagkaisa ang ating mga ninuno at sinuportahan ang kanilang pinuno na si Lapu-Lapu laban sa mga mananakop, ito rin ang aral na dapat nating isapuso sa laban ngayon kontra COVID-19. Lahat tayo ay puwedeng maging bayani sa panahong ito ng pandemya sa pamamagitan ng pagtulong, pagmamalasakit, at pagseserbisyo — hindi sa pagbabatikos at paghahanap ng mali sa kapwa Pilipino.
Mahalaga na tayo ay magbalik-tanaw sa kasaysayan, ngunit mahalaga rin na may pagtutuwid tayo sa nakaraan — upang maunawaan ang kasalukuyan at magkaroon ng lakas-loob na harapin ang ating kinabukasan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments