ni Lolet Abania | August 23, 2021
Inianunsiyo ni Laguna Governor Ramil Hernandez kagabi, Linggo, na nagpositibo siya sa test sa COVID-19.
“Bahagi na ng ating trabaho bilang public servant ang pakikisalamuha sa maraming iba’t ibang tao sa araw-araw. Kaya nga po siguro kahit lubos ang aking pag-iingat ay hindi na rin naiwasan na ako ay magpositibo sa COVID-19,” post ni Hernandez sa kanyang Facebook page.
Sinabi ni Hernandez na natanggap niya ang resulta ng kanyang test nitong Sabado.
Kasalukuyang naka-home quarantine si Hernandez at nakakaramdam lamang ng mild symptoms.
Gayunman, tiniyak ng gobernador sa kanyang mga kababayan na sa kabila ng kanyang sakit, mananatili ang provincial government na operational, habang siya ay nagtatrabaho sa bahay.
“Sa kabila po nito ay sinisigurado ko po na hindi matitigil ang operasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna at tuloy-tuloy pa rin ang ating Serbisyong Tama kahit ako po ay naka-work from home,” post pa ni Hernandez.
Ayon pa kay Hernandez, patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa kanilang police provincial director, provincial administrator, at mga department heads ng provincial government para matiyak na nagagawa nang maayos ang kanilang trabaho.
Hiniling naman ng gobernador sa kanyang mga constituents na ipagdasal ang agaran niyang paggaling, habang patuloy silang sumusunod sa mga health protocols at kung maaari ay magpabakuna.
Komentar