ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 25, 2022
Ang pagsusulat, pagguhit at pagsasayaw ay pawang kinahihiligan ng dalagitang si Krizha Agonia. Tulad ng ibang kapaki-pakinabang na gawain, ang mga hilig na ito ni Krizha ay hindi mananatiling libangan at panlaban lamang sa mga patimpalak sa loob at labas ng kanilang eskuwelahan. Ang mga talento at kahusayang tulad nito ay mapapalago pa sa paglakad ng panahon, kasabay na sisibol ang pinaunlad na kakayahan sa mga talentadong kabataan na tulad niya. Sayang lamang at hindi na nakasibol nang husto si Krizha at ang kanyang mga talento. Maaga at nagtapos sa trahedya ang kanyang maikling kuwento sa buhay na ito dahil sa Dengvaxia.
Si Krizha, 14, namatay noong Oktubre 18, 2018, ang ika-104 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Si Krizha ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 22, 2016 at pangalawa noong Pebrero 13, 2017. Ayon sa kanyang mga magulang na sina Roberto C. Martin at Jocelyn P. Agonia ng Quezon Province, “Si Krizha ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig siyang magsulat, gumuhit at sumayaw. Siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”
Pagdating ng Agosto hanggang Setyembre 2018, nagkaroon ng mga pagbabago sa kalusugan ni Krizha. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Huling linggo ng Agosto - Pabalik-balik ang kanyang lagnat at ubo. Sinabi ni Krizha na siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Anila Mang Roberto at Aling Jocelyn, “Alam ng aming anak ang usapin hinggil sa Dengvaxia vaccine dahil madalas namin itong napapanood sa TV. Agad kaming lumapit sa kanyang guro upang ipahanap ang Dengvaxia immunization card niya dahil sa kagustuhan naming maipatingin siya sa espesyalista nang libre dahil kapos din kami sa pera. Dahil ayon sa aming health center, kailangang may maipakita kaming Dengvaxia card upang mabigyan siya ng libreng check-up.”
Unang linggo ng Setyembre - Sumakit ang kanyang kaliwang dibdib. Akala ng kanyang mga magulang, lamig o pilay ito, kaya hindi siya agad pinatingnan sa doktor. Sa pagdaan ng ilang araw, sumakit din ang kanyang ulo at pabalik-balik ito.
Ikatlong linggo ng Setyembre - May lumabas na bukol sa kanyang kaliwang dibdib. Idinadaing niya rin ang pananakit ng nasabing bukol, kaya siya ay dinala ng kanyang mga magulang sa albularyo.
Setyembre 18 - Walang magandang pagbabago sa kalagayan niya; dinala siya sa isang rural health unit sa kanilang lugar upang ipasuri. Kailangan umanong ipa-admit si Krizha sa isang medical center sa Quezon Province na sinunod naman nila.
Setyembre 19 - Isinailalim siya sa pagsusuri at niresetahan ng antibiotics. Sa pagdaan ng mga araw, dumarami ang bukol sa kanyang katawan at aniya, masakit ang mga ito. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw, masakit din ang kanyang ulo at tiyan. Ang kanyang mga mata ay nababanlag. Sabay-sabay ang nararamdaman niyang sakit ng ulo at tiyan. Kapag siya ay dumaing ng sakit ng ulo, sinasabi niyang parang tinutusok ito.
Noong Oktubre 2018, lumubha ang kalagayan ni Krizha at ito ay humantong sa kanyang pagpanaw:
Unang linggo ng Oktubre - Nawalan na siya ng ganang kumain. Namamanas ang itaas na bahagi ng katawan at mga kamay niya. Nagkukulay ube rin ang kanyang mga daliri. Hirap siyang lumunok at hindi maayos na makatayo. Dumami ang mga lumabas na bukol sa kanyang katawan.
Oktubre 18 - Hirap na siyang huminga; alas-6:00 ng hapon ay in-intubate siya. Hindi na siya makagalaw, nakadilat na lamang siya at hindi tumutugon tuwing kinakausap hanggang siya ay naghingalo at pumanaw nang alas-8:00 ng gabi.
“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Hindi nila ipinaliwanag ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aming anak, kaya kami ay napagkaitan ng oportunidad na malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa aming anak. Ang masakit pa nito, hindi nila ipinaalam sa aming tuturukan nila ng Dengvaxia si Krizha, kaya maliwanag na hindi kami nagbigay ng pahintulot na mabakunahan siya. Nalaman lamang naming nabakunahan siya noong nakakaramdam na siya ng kakaiba noong ng Agosto 2018. Huli na para maagapan ang dinadamdam na sakit ng aming anak.”
Lahat ng buhay ay mahalaga at kapag nalalaman natin ang mabubuting katangian at kakayahan ng pumanaw ay higit nating nararamdaman ang tindi ng kawalan sa lahing Pilipino at sa Pilipinas ng pagkawala ng nasabing yumao. Sadyang nakapanlulumo ito dahil sa una pa lamang ay hindi naman kailangang humantong sa trahedya ang buhay ng mga nasakripisyong biktima. Kung naging maingat ang mga taong responsable sa pagpapatupad ng pagbabakuna ng Dengvaxia, hindi sana umabot sa ganitong sitwasyon ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Gayunman, ang panlulumo ay hindi nanatiling pagsasawalang-kibo — ito ay nagbabagong-anyo bilang puwersang sumusulong ng laban para sa katarungan. Kasama kami sa labang ito ng mga Agonia at katulad nilang may mga kapamilyang biktima.
Comments