ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Feb. 9, 2025

Bago pa man ninyo ibinigay noong 2019 ang tiwala sa isang simpleng probinsyanong tulad ko ay adhikain ko na ang laging unahin ang kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap at ang higit na nangangailangan. At bilang inyong Senator Kuya Bong Go na kinatawan ninyo sa Senado, tiniyak natin na palaging bukas ang ating opisina para magbigay ng serbisyo, habang ang mga komite naman na ating pinamumunuan ay nagsisilbing boses ng taumbayan.
Pero sa lumipas na anim na taon, higit na mas malaking oras ang nagugol natin sa labas ng opisina. Bilang inyong Mr. Malasakit, naniniwala akong mas magagawa ko nang tama ang pagseserbisyo kung mismong ako ang naghahatid at personal kong naririnig ang hinaing at pangangailangan ng ating mga kababayan.
Bagyo, sunog, lindol, pagputok man ng bulkan, at iba pang krisis o sakuna, gumagawa tayo ng paraan para makatulong sa abot ng ating makakaya at makiramay sa mga nasalanta. Saan mang sulok ng bansa, basta’t kaya ng aking oras at katawan, handa kong puntahan para makapaghatid ng kaunting ngiti sa gitna ng inyong dalamhati. Walang pinipiling panahon ang pagtulong dahil anumang oras ay may Pilipinong nangangailangan.
Ilapit natin ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan, partikular na ang serbisyong medikal. Hindi dapat pinahihirapan ang naghihirap na nangangailangan ng ating tulong at malasakit.
Tandaan natin na anumang tulong mula sa pamahalaan ay galing sa kaban ng bayan. Pera ninyo ‘yan na ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng serbisyong tapat, at dapat na mabilis at maaasahan.
Sa rami ng pagsubok na ating kinakaharap bilang isang bansa, hindi natin dapat sayangin ang oras para makapagserbisyo at makahanap ng iba’t ibang paraan para mailapit ang tulong sa mga nangangailangan. Kaya nga kahit naka-recess ngayon ang buong Kongreso ay patuloy nating isusulong at babantayan ang mga repormang hinihintay ng taumbayan, partikular sa sektor ng kalusugan.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Health ay patuloy nating tututukan kung paano gagamitin ng PhilHealth ang bilyun-bilyong pisong reserve funds nito sa ilalim ng bagong pamunuan. Ang PhilHealth ay hindi negosyo at hindi bangko na nakatutok sa pag-iimbak at pagpapalago ng pondo. Ang trabaho ng PhilHealth ay tiyaking may maayos na medical insurance ang bawat Pilipino na maaari nilang sandalan kapag nagkasakit. Hangad nating lahat na balang-araw, hindi na kailangang dumukot ng mga Pilipino sa sarili nilang bulsa para gumastos ng pampaospital dahil ang pera ng PhilHealth ay para sa health!
Samantala, hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo. Binalikan natin at muling binigyan ng tulong noong February 5 ang 350 residenteng nawalan ng tahanan sa Brgy. 649 BASECO Compound, at Brgy. 20 Islang Puting Bato sa Manila City.
Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng mga materyales sa pagpapaayos ng kanilang bahay na nasira ng sakuna o kalamidad. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 600 TODA officers ng Pasay City katuwang si NCR TODA President Ace Sevilla.
Sa pamamagitan ng aking Malasakit Team ay pinangasiwaan natin noong February 6 ang paghahatid ng karagdagang tulong sa 68 residenteng nawalan ng tirahan sa Navotas City — na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng emergency housing assistance mula sa NHA.
Personal naman nating sinuportahan kasama ang 47 na kooperatiba sa San Fernando City, Pampanga ang paglulunsad ng Malasakit sa Kooperatiba program ng Cooperative Development Authority sa Gitnang Luzon. Bumisita rin tayo sa Candaba at namahagi ng tulong para sa 1,673 mahihirap na residente mula sa transport sector, na sa ating pakikipagtuwang sa lokal na pamahalaan ay nabigyan din ng tulong pinansyal. Sa ikalawang pagkakataon ay naging guest host tayo noong araw na iyon sa Wil To Win program ng aking kaibigang si Willie Revillame.
Noong February 7, agad kaming tumulong sa higit 80 residente ng Brgy. Matandang Balara, Quezon City na nasunugan. Kinumusta ko sila sa pamamagitan ng video call.
Personal tayong bumisita sa Ilocos Sur at pinangunahan ang pamamahagi ng educational assistance para sa 1,000 mahihirap na estudyante ng Vigan City katuwang sina Gov. Jerry Singson, Vice Gov. Ryan Singson at Mayor Bonito Singson. Kasama rin namin ang CDA para suportahan ang 45 na kooperatiba sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba program.
Ipinadala natin ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maalalayan ang mga kababayan nating nangangailangan.
Tinulungan nating makabangong muli katuwang ang NHA ang mga nawalan ng tahanan sa Cotabato kabilang ang isang residente ng Libungan, 17 sa Midsayap, tig-isa sa Matalam at Makilala, at dalawa sa Aleosan. May 51 naman sa Opol, Misamis Oriental; 177 sa Paco, Maynila; at 149 sa Maco, Davao de Oro na aking kinamusta sa pamamagitan ng video call.
Bukod sa pansamantalang trabaho na ating isinulong, naalalayan din ang mga naghihirap na manggagawa gaya ng 390 sa Island Garden City of Samal, katuwang si Coun. Sonny Lanorias; at 98 sa Tabaco City, Albay kaagapay si BM Vic Ziga.
Dagdag na tulong din ang hatid natin sa mga student scholars at napagkalooban ang 149 sa Albay; at 70 sa Sorsogon. Tuluy-tuloy din ang ating palugaw initiatives sa mga ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff.
Tandaan natin na minsan lang tayo dadaan sa mundong ito, kaya kung anumang kabutihan na puwede nating gawin ay gawin na natin ngayon. Bilang inyong Mr. Malasakit, umasa kayo na patuloy akong magseserbisyo sa kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments