ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 5, 2020
Nakalatag pa rin sa malaking bahagi ng daigdig ng palakasan ang lagim ng coronavirus pandemic matapos umatras sa paglalaro ang dalawang tennisters sa U.S. Open at matapos na itumba ang isang boxing coach.
Unang nagdesisyong hindi na lalaro sa pamosong grandslam event na masasaksihan sa makasaysayang Arthur Ashe Stadium si Ashleigh Barty ng Australia na sinundan ni World Tennis Association (WTA) no. 40 Nick Kyrgios.
“Let’s take a breathe here and remember what is important, which is health and safety as a community.” pahayag ni Kyrgios. Idinagdag din nito na wala siyang problema sa mga organizers na prestihiyosong event o sa mga manlalarong sasabak dito basta kikilos ang mga ito ayon sa mga patakarang pangkaligtasan.
Nauna rito, isang tennis tour (binansagang “Adria Tour”), ang isinagawa pero dinapuan ng COVID-19 ang ilan sa mga kalahok. Kabilang na rito ang pinakamalupit na tennis player sa buong mundo na si Novak Djokovic, ang kanyang maybahay at si world no. 3 Grigor Dimitrov. Hindi na tinapos ang pagsasagawa ng event.
Samantala, nagbigay-pugay ang Russian Boxing Federation o RBF sa mga naiambag ni Alexander Nikolaev sa isports. Ang Ruso ay pumanaw sa Yekaterinburg dahil sa COVID-19 na pandemya kamakailan. Sumailalim sa kanyang patnubay ang ilang mga boksingerong Ruso na namayagpag sa Europe. Mayroon din siyang pinapangasiwaang boxing club sa Kamenks-Uralsky bago siya namaalam.
Comments