ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 17, 2023
Tuluyan nang naglagablab ang apoy na tila unti-unting tumutupok sa kabuuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ang isinagawang pagbubulgar kamakailan hinggil sa tamalak umanong korupsiyon sa naturang ahensya.
Kasunod ng naturang pagbubulgar ay hiniling ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services na isuspinde ang papalapit na phase out ng tradisyunal na jeepney sa darating na Disyembre 31 at namumurong muling imbestigahan ng Senado ang LTFRB dahil sa talamak umanong katiwalian.
Maging si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ay nagsabing sisiyasatin ang diumano’y korupsiyon sa LTFRB, kung walang seryosong mag-iimbestiga sa iskandalong ito ay magpa-file umano siya ng resolusyon para siyasatin ito ng Senado.
Ngunit, mabilis namang kumilos ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil agad silang naglabas ng subpoena laban sa whistleblower na si Jefferson Gallos Tumbado na dating executive assistant ng suspendidong si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Sa kabila ng pagbaligtad ni Tumbado sa ginawa niyang expose’ laban sa korupsiyon umano sa tanggapan ng LTFRB ay malaki ang paniwala ng NBI na may nagaganap na alingasngas kaya marapat lamang kumpirmahin kung ano ba talaga ang katotohanan sa likod ng pagbubunyag ni Tumbado.
Kaya kinumpirma ng NBI na ipinatawag si Tumbado, kasunod ng pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magsasagawa ng sariling pagsisiyasat ang NBI kaugnay sa mga alegasyon nito laban kay Guadiz.
Matatandaan na noong nakaraang Oktubre 9, iniharap sa media ni Mar Valbuena, chairman ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) si Tumbado.
Sa isinagawang press conference ay buong giting na ibinulgar ni Tumbado ang ‘lagayan scheme’ sa loob ng LTFRB kasabay ng pag-amin na siya pa ang tumatayong ‘middleman’ sa mga ilegal na transaksyon at maging ang mga regional official ng LTFRB ay may quota umanong P2 milyon na ibibigay sa central office.
Sinabi ni Tumbado kung gaano kahirap kumuha ng special permit, route permit, franchise at iba pa, ngunit bumibilis naman kung maglalagay ang mismong aplikante at umaabot umano sa P5 milyon ang lagayan na hindi lang daw ang mga taga-LTFRB ang nakikinabang dahil umabot umano ito sa matataas na opisyal ng DOTr at Malacañang kaya nasibak si Guadiz.
Kaso biglang binawi ni Tumbado ang mga ibinulgar niyang anomalya at ayon sa kanyang affidavit of recantation, lahat umano ng kanyang sinabi ay bunga lamang ng pabigla-biglang desisyon, maling pag-iisip, sulsol ng ilang indibidwal at iba pa.
Nakakuha naman ng kakampi sina Guadiz at Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na nadawit din sa iskandalo sa hanay ng ilang transport group na naglabas ng pabor na joint manifesto.
Nakasaad sa manifesto na buo umano ang tiwala nila kay Guadiz na nilagdaan ng mga opisyal ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Pasang Masda, Altodap, ng Stop and Go, at Fejodap.
Ang mga grupong ito na matagal nang hindi kaisa ng MANIBELA sa anumang laban sa lansangan ay nagbigay ng pahayag na subok na umano nila ang mahusay na serbisyo ng LTFRB kaya buo ang kanilang suporta lalo na kay Guadiz na agad isinuspinde.
Sa puntong ito ay kitang-kita ang pagkakahati-hati ng mga transport group na maging ang mga opinyon at mga ipinaglalaban ay tila magkakaiba na rin ng istilo at hindi malayong mag-isip ang ating mga kababayan na hindi pantay ang pagtrato ng LTFRB sa kanilang hanay.
Sa ngayon ay wala pa namang opisyal na resulta hinggil sa kahilingan ni Sen. Poe na pagsuspinde ng phase out ng tradisyunal na jeepney sa darating na Disyembre 31, ngunit asahan nating posibleng magbunga ng positibong resulta ang panawagan ng MANIBELA.
Mas magkakaroon siguro ng direksyon kung matitigil na rin ang pagkakawatak-watak ng mga transport group, tutal pare-pareho naman ang kanilang ipinaglalaban — ang kapakanan ng mga operator, driver at higit sa lahat ng ating mga estudyante, manggagawa at iba pa na lahat ay sumasakay sa pampublikong transportasyon araw-araw.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios