ni Gerard Arce @Sports | April 14, 2024
Mga laro ngayong Linggo
(Filoil EcoOil Arena)
9 a.m.- JRU vs CSB (men)
11:30 a.m.- JRU vs CSB (women)
2 p.m.- San Beda vs San Sebastian (women)
5 p.m.- San Beda vs San Sebastian (men)
Pinanindigan ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights na hindi tsamba ang kanilang naunang panalo nang makasungkit muli ng malaking panalo laban sa Final 4 contender na University Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa straight set 25-21, 25-20, 30-28 kahapon, upang makasosyo sa maagang liderato sa 99th season ng NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Gumiya ng impresibong laro si rookie sensation Gia Maquilang sa itinala nitong 19 puntos kabilang ang pares ng pamatay na hambalos sa third set upang selyuhan ang maagang 2-0 kartada kasama ang reigning at defending titlist College of Saint Benilde Lady Blazers at runner-up na Lyceum of the Philippines Lady Pirates, habang bumagsak naman sa 1-1 ang Lady Altas.
Maagang nagpasikat ang Letran Lady Knights ng naunang silatin nito ang dating three-peat kampeon na Arellano University Lady Chiefs sa bisa ng 16-25, 25-17, 25-17, 25-17 noong Miyerkules. Isa sa mga dahilan na rin ng pag-angat ng laro ng Letran ang pagpasok ni coach Oliver Almadro na paunti-unting ibinabalik ang sigla ng koponan na nais tapusin ang 25-taong pagkagutom sa kampeonato.
“I thank my players because of the hard work, sacrifices, belief and faith in the system at sarili nila,” wika ni Almadro, na unti-unting inilalagay ang championship culture na nakuha nito sa mga panalo sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP, habang hawak din nito ang University of the Philippines Lady Maroons.
Comments