ni Gerard Arce @Sports | April 30, 2024

Binahiran ng pagkatalo ng palabang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang kartada ng last season runner-up na Lyceum of the Philippines University lady Pirates sa bisa ng dikdikang laro para mairaos ang 4th set panalo na nagtapos sa 24-26, 25-20, 25-22, 25-22, kahapon upang palakasin ang tsansa nito sa Final 4 sa 99th season ng NCAA women’s volleyball tournament sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Muling pinagbidahan ni rookie sensation Gia Maquilang ang atake ng Letran Lady Knights ng kumana ito ng double-double sa 18 puntos at 16 excellent digs kasama pa ang walong excellent receptions upang tapusin ang dalawang sunod na pagkatalo at iangat sa 5-2 marka ang Oliver Almadro-coached squad.
Nagpakitang-gilas rin ang isa pang rookie na si Yen Martin na tumapos ng 16 marka mula sa 13 atake at tatlong blocks upang makabawi sa kulelat na kontribusyon sa pagkatalo sa 4th set na laro kontra Mapua Lady Cardinals noong isang linggo, habang nag-ambag din si Judiel Nitura ng 15pts.
Hindi natinag ang Lady Knights sa ipinakitang palaban na laro ng Lady Pirates ng magtabla ang laro sa 9-all kasunod ng 5-0 run, matapos na magpakawala si Maquilang ng magkakasunod na atake, bago saraduhan ni Nitura ng isang block ang hambalos ni Johna Dolorito para sa 19-all na laro. Nagpakawala ng malupit na magkasunod na aces si setter Natalie Estreller, na sinundan ng atake ni Maquilang upang makuha ang 22-19 na bentahe.
Hindi naman sumuko ang Lady Pirates sa magkasunod na ace rin ni two-time best setter Venice Puzon para putulin ang kalamangan sa 21-22, subalit nagtala naman ng error ang LPU upang maibigay sa Letran ang panalo. Nanguna naman para sa Lady Pirates si Jaja Tulang sa 19pts mula sa 14 atake at limang blocks, habang nagdagdag sina Joan Doguna ng 14pts at Hiromi Osada ng 12pts.
Comments