ni Gerard Arce @Sports | August 5, 2023
Palipad tungong finals ang Adamson University Lady Falcons matapos patalsikin at walisin ang University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa pamamagitan ng kumbinsidong panalo sa 25-19, 25-21, 25-16 sa ginanap na semifinals ng Shakey's Super League (SSL) National Invitationals kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Hindi gaanong kinailangang pahabain ng Lady Falcons ang hampasan ng tumagal lamang ng kabuuang 76 minuto ang laro sa straight set para patalsikin ang mga bigating koponan mula sa NCAA kasunod ng back-to-back NCAA champions College of Saint Benilde sa quarterfinals.
Nanguna sa puntusan si Ayesha Juegos na kumamada ng 29 puntos na sinundan nina Maria Rochelle Lalongisip sa 21 puntos, habang nag-ambag ang mga beteranong sina Lucille Almonte at Lorene Toring ng tig-15 at 10pts para lumapit sa pangwawalis sa 12-team SSL na itininnghal ng Eurote, Victory Liner sa pakikipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED).
“Unang-una, sabi ko nga with God’s will, makakaakyat kami ng finals. Ito na ‘yun, binigay na sa amin. Kailangang paghandaan namin ‘yung finals,” wika ni first-year coach JP Yude na ginagabayan ang batang koponan na nakamit ang bronze medal finish sa nagdaang 85th season ng UAAP women’s volleyball tournament.
Maaaring makatapat ng Adamson ang UAAP champions De La Salle University Lady Spikers o ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa best-of-three finals sa susunod na linggo na nilahukan ng mga kampeong koponan at nagkwalipika mula sa National Capital Region, Luzon, Visayas at Mindanao.
Nagbida naman para sa UPHSD Lady Altas si Shaila Omipon na may 17pts na sinundan ni Razel Paula Aldea sa 16pts at Charmaine Ocado sa 14pts, habang nakuntento si NCAA MVP Mary Rhose Dapol sa siyam na puntos matapos sumiklab sa 33pts kontra St. Benilde.
Comments