ni Delle Primo - @Sports | June 1, 2022
Ginapi ng Ateneo ang UST sa straight sets, 25-20, 25-20, 25-20 para maukit ang ikalawang puwesto sa Final 4 ng UAAP Season 84 women’s volleyball tournament.
Hindi nasira ang diskarte at bentahe ng Lady Eagles sa kabila ng pagtatangkang dikitan ng UST ang opening sets. Pinangunahan ni Faith Nisperos ang panalo sa naitalang 18 puntos, 15 attacks kasama ang 7 excellent receptions samantalang sina Vanie Gandler at Joan Narit ay nagpasok ng 12 at 11 puntos para sa Ateneo.
Kasunod si Jaja Maraguinot sa 16 excellent sets samantalang sina Roma Doromal at Dani Ravena ang dumepensa sa 8 excellent digs at 7 excellent receptions. Nagbigay kislap sa pagwawagi ng Eagles ang rookie middle blocker na AC Miner sa 8 puntos.
Sa pagdikit ng UST sa 18 ng 3rd set, bumitaw sina AC Miner at Faith Nisperos para sa 5-0 para sa 23-18 bentahe. Sinagot ni Eya Laure para sa UST ang kill, subalit bumawi si Nisperos ng kill.
Sa kabilang banda, para sa UST, nanguna si Laure sa 14 puntos kasama ang 14 excellent receptions at anim na excellent digs. Nanatili ang UST sa 2nd place. “We prepared for this, nag-manifest naman sa mga kilos ng bata. May mga lapses pero nakakarecover right away. We don’t mind kung ilang sets, ‘di namin napansin na matatapos na pala in straight sets so we just grabbed it,”pahayag ni Ateneo headcoach Oliver Almadro.
Sa ikalawang laro, hinagupit ng Adamson ang FEU sa straight sets, 22-25, 25-9, 25-18, 25-18, para sa ikatlong panalo.
Si Lucille Almonte ang nanguna para sa Adamson sa pinakawalang 17 puntos kasama ang 11 excellent digs kasunod niya si Kate Santiago, na naglaro sa 3rd set para sa 14 puntos.
“Malaking factor is 'yung pasa kasi kahit gaano kagaling 'yung setter natin and 'yung mga spikers natin e ang nagsisimula ang first ball talaga sa pasa so I think yun yung nabalik and nag-gain ng momentum so hayun, awa ng Diyos nagtuloy-tuloy na,” pahayag ng Lady Falcons head coach Lerma Giron.
Comments