ni GA @Sports | January 19, 2024
Photo : UAAP / FB
Determinado at gigil na makabawi si first Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen at ang buong National University Lady Bulldogs para muling maibalik ang nawalang korona sa nagdaang season laban sa defending champions De La Salle University Lady Spikers sa 86th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa susunod na buwan.
Ito ang pangunahing layunin at minimithi ng Jhocson-based lady squad sa paparating na bagong season matapos mabigong madepensahan ang korona kontra La Salle sa magkasunod na laro sa best-of-three Finals noong nakalipas na Mayo.
“Yung mga naglaro kase ng high school sa amin is the same team na lalaro ngayon sa season 86, so I’m very happy kase kilala ko na 'yung mga teammates ko, and siguro, grabe na lang yung gigil namin ngayon na makabawi, na maibalik sa amin yung korona,” pahayag ng two-time junior’s MVP at Best Outside Hitter na sasamahan pa rin nina team captain Erin Pangilinan, Alyssa Solomon, Camilla Lamina, Vange Alinsug, Myrtle Escanlar, Minierva Maaya at Sheena Toring. “Tatrabahuhin namin and [alam namin na] hindi siya magiging madali, pero alam naman ng bawat isa sa amin kung ano 'yung goal namin, kung ano 'yung dapat naming trabahuhin and kailangan lang namin mag-enjoy at gawin yung mga tine-training namin para mag-stick kami sa plan ng coaches namin,” dagdag ng 21-anyos mula Quezon City.
Magbabalik sa paggabay sa Lady Bulldogs si coach Norman Miguel na minsang hinawakan ang grupo nina Best Middle Blocker Roselyn Doria, na kasalukuyang nasa Cignal HD Spikers at nina Princess Robles at Jennifer Nierva ng Chery Tiggo Crossovers.
Subalit nag-resign si Miguel noong 2020 kasunod ng naganap na COVID-19 pandemic, dahilan upang humalili si coach Karl Dimaculangan tungo sa season-sweep na Season 84.
Opmerkingen