top of page

Lady Booters, dinurog ang Cambodia; 3x3 at Kurash, lalarga

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 11, 2022
  • 2 min read

ni GA / Anthony E. Servinio - @Sports | May 11, 2022



Nagpadala ng malaking mensahe ang Pilipinas at dinurog ang Cambodia, 5-0, sa pagbubukas ng 31st Southeast Asian Games Women’s Football Tournament, Lunes nang gabi sa Cam Pha Stadium ng Quang Ninh, Vietnam. Saglit lang ang pahinga at sasabak muli ang Filipinas ngayong Miyerkules kontra sa host at defending champion Vietnam simula 8 p.m. sa parehong palaruan.


Mabagal ang simula ng mga Pinay hanggang naipasok ni bunso Isabella Flanigan ang unang goal sa ika-27 minuto. Kinailangang magbalasa ng manlalaro si Coach Alen Stajcic sa second half at ito ang nagbigay-buhay sa kanilang laro.


Pumasok si Sarina Bolden sa ika-56 minuto kapalit ni Carleigh Frilles at wala pang isang minuto ay pinasahan si Eva Madarang para sa dapat ay pangalawang goal, subalit hindi ito binilang ng reperi. Bumawi si Bolden at inulo papasok ang bola sa ika-64 minuto upang madoble ang lamang.


Samantala, sisimulan ng PBA 3X3 First Conference champion Limitless App Masters ang misyon na maipagtanggol ang korona ng bansa sa basketball 3X3 event sa paglipad ng quartet patungong 31st SEAG sa Hanoi. Nagtungo na nitong Lunes ang grupo nina Jorey Napoles, Marvin Hayes, Reymar Caduyac at PBA draft No.1 pick prospect Brandon Ganuelas-Rosser kasama si Coach Willie Wilson at ang iba pang mga staff, bitbit ang bandera ng Gilas Pilipinas men's 3x3.


Susubukan ng apat na players na matapatan ang nakamit na tagumpay nina PBA 5-on-5 mainstays na sina Mo Tautuaa at CJ Perez ng San Miguel Beer, Chris Newsome ng Meralco Bolts at Jayson Perkins ng Phoenix Super LPG sa inaugural 3x3 competition sa nagdaang SEAG sa Maynila noog 2019.


Samantala, susubukang makasungkit ng dalawang Kurash athletes ng medalya ngayong Miyerkules sa magkahiwalay na preliminary matches para sa women’s 87kgs at men’s 60kgs category sa Hoia Duc Gymnasium.


Tatangkain ng parehong 2019 SEAG medalists at playing Coach Al Rolan Llamas at Sydney Sy Tancontian na mahigitan ang nakamit nilang mga medalya sa pagsabak sa preliminary rounds ng men’s extra-lightweight category at women’s heavyweight class sa magkahiwalay na tagpo, ayon sa pagkakasunod.


Unang sasalang sa preliminary round ang dating Asian Indoor Martial Arts Game (AIMAG) bronze medalist na si Llamas kalaban ang Thailand fighter at sunod na makakatapat ang host country na ang Vietnam sa kanyang bracket.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page