ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 17, 2021
Dear Sister Isabel,
Payapa at panatag ang buhay ko nang dumating ang lalaking nagpatibok ng puso ko. Sa una pa lang naming pagkikita, napakagaan na ng loob namin sa isa’t isa. Mabilis kaming nagka-ibigan at masaya naman kami sa bawat araw na lumilipas. Halos walang pagsidlan ang aming galak kapag magkasama kami, pero ang problema ko ay iba ang relihiyon niya.
Buddhism ang relihiyon ng pamilya niya dahil may dugo siyang Chinese, habang ako naman ay Katoliko at gusto ng mga magulang ko ay sa Catholic church kami magpakasal. Gayunman, ang parents niya ay tutol na tutol ding makapag-asawa siya ng hindi Buddhist.
Ano ang gagawin namin para maikasal at magsama kami sa iisang bubong sa piling ng aming magiging mga anak? Hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Nagpapasalamat,
Belinda ng Cubao
Sa iyo, Belinda,
Hindi mo binanggit kung ilan taon na kayo ng boyfriend mo. Pero kung nasa wastong gulang na kayo, walang magagawa ang mga magulang ninyo kung saan ninyo gustong magpakasal, pero siyempre, bilang respeto, dapat ay ipaalam niyo rin ang inyong balak.
Kausapin ninyo sila nang maayos at sabihin nang may halong respeto at pagpapakumbaba ang balak ninyo. Sa panahon ngayon, hindi na gaanong mahigpit ang mga magulang sa bagay na ‘yan dahil ang mahalaga ay nakikita nila na maligaya ang kanilang anak at taos-pusong nagmamahalan.
Kung ano ang mapagkasunduan ninyong dalawa, ‘yun nawa ang mangyari. Kung sa Katoliko o kung sa Buddhism man, pagpalain nawa ang pagsasama ninyo habambuhay. Maging tapat kayo sa isa’t isa at huwag maglilihim kahit katiting. Karapatan ng bawat isa na malaman ang mga bagay sa pagitan ninyong dalawa.
Ang nagsasama nang tapat ay nagsasama nang maluwat. Ibig sabihin, kung mananatili kayong tapat sa isa’t isa, magsasama kayo hanggang sa dulo ng walang hanggan o hanggang kamatayan, mundo man ay magunaw. Panatilihing alive na alive ang init ng inyong pagmamahalan at unawain ang kahinaan ng bawat isa. Alalahaning ang pag-aasawa ay hindi kanin na isusubo at iluluwa ‘pag napaso.
Hanggang dito na lang, sumainyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.
Sumasainyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments