News @Balitang Probinsiya | July 18, 2024
QUEZON -- Isang 35-anyos na laborer ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili kamakalawa sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Brgy. Gulang-Gulang, Lucena City sa lalawigang ito.
Dahil sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng binatang nag-suicide.
Nabatid na ilang kamag-anak ng biktima ang nakatagpo sa nakabiting bangkay ng binata sa loob ng kanilang banyo.
Ayon sa pamilya ng laborer, wala silang alam na dahilan para magpakamatay ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para mabatid motibo ng biktima sa kanyang pagpapakamatay.
TRIKE DRIVER, SINAKSAK NG ISTAMBAY
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang 45-anyos na tricycle driver ang sugatan nang saksakin ng isang istambay kamakalawa sa Brgy. Gargato, Hinigaran sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng isang tama ng saksak sa likod ay nakilalang si Renato Magquilat, samantalang ang suspek ay nakilalang si Ryan Garcia, 43, kapwa nakatira sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, habang minamaneho ni Magquilat ang kanyang tricycle, sa hindi malamang dahilan ay sinaksak siya ni Garcia sa likod.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan, samantalang naaresto naman ng mga nagrespondeng pulis ang suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.
2 NOTORYUS NA TULAK, NASAKOTE
ILOILO -- Dalawang notoryus na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Gen. Hughes, City Proper District, Iloilo City sa lalawigang ito.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Marvin Dionero at Edwin Cartagena, kapwa nasa hustong gulang at mga residente sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang dalawang pusher.
Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng 67 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Comments