@Editorial | June 02, 2021
Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas para mas maituro sa mga kabataan ang labor education.
Nakapaloob dito ang mga kaalaman sa labor rights, negotiation skills, interpersonal relations sa workplace, mga mekanismo para sa “redress of grievances” at iba pang may kaugnayan sa lugar ng trabaho.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11551, inuutos na isama na ang labor education sa higher education curriculum sa lahat ng private at public higher education institutions (HEIs) bilang elective course.
Puwede rin umanong magsagawa ng Labor Empowerment and Career Guidance conference ang HEIs para sa graduating students.
Kaugnay nito, ang Commission on Higher Education ang inatasan ng batas para bumuo ng programa para rito.
Puwede rin umano itong ialok bilang short term course sa Technical and Vocational Education and Training (TVET), na maaaring tumagal nang isang buwan hanggang isang taon, kung saan ang Technical Education and Skills Development Authority naman, katuwang ang Department of Labor and Employment ang siyang bubuo ng modules para dito.
Siguradong malaking tulong ito sa mga kabataang inihahanda na sa kanilang kinabukasan. Sa pamamagitan ng labor education, may mababaon silang kaalaman sa kanilang paglabas sa eskuwela, magiging mas madaling makapasok sa mundo ng paggawa at maiiwasang maabuso dahil nga alam na nila ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa.
Comments