ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 22, 2023
Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng Pinay caregiver na pinaslang ng anak ng kanyang katrabaho sa Amman, Jordan.
Inabangan sa airport ng mga nagdadalamhating kamag-anak mula sa Macabebe, Pampanga ang pagdating ng mga labi ni Mary Grace Santos. Kasama rin ang mga opisyal at kinatawan mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Unang naiulat ang pagkawala ni Santos noong Oktubre 11. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang bangkay sa tangke ng diesel sa bahay ng kanyang amo.
Tinukoy ang suspek na isang 16-anyos na Egyptian.
Kinumpirma ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na inamin ng suspek ang krimen.
Ayon sa awtopsiya, pinatay ang OFW sa pamamagitan ng pagsakal.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung na-rape ang biktima.
“Hindi po maliwanag kung ginahasa pero meron pong alegasyon na merong sexual offense,” ani DMW Undersecretary Bernard Olalia.
Nangako naman ang OWWA na tutulungan ang pamilya, lalo na ang dalawang anak ni Mary Grace.
"Magpo-provide po kami ng financial bereavement assistance bukod po sa pagpapauwi, OWWA na rin ang sumagot niyan hanggang makarating sa Macabebe, Pampanga," pahayag ni OWWA Deputy Administrator for Operations Atty. Mary Melanie Quiño.
Nagpapasalamat ang pamilya ni Mary Grace sa tulong na ibinigay ng OWWA, DFA, at DMW.
Pinangako ni Maria Lisa, nanay ni Mary Grace, na magpapatuloy siya sa paghahanap ng katarungan para sa kanyang anak.
“Mahal na mahal ko siya ipaglalaban ko siya at aalagaan ko ang mga anak niya hindi ko sila pababayaan,” sabi ni Maria Lisa.
Comments