top of page
Search
BULGAR

Labas-pasok sa ospital dahil sa magang mga paa at mukha, pananakit ng tiyan at

ubo, dinanas ng 10-anyos na namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 21, 2021



Hindi man palaging tuwa ang dala ng mapagpalayang katotohanan, ito ay nakapagbibigay-linaw sa mga bagay na naghahanap ng kasagutan. At sila na lumaya sa masalimuot na mundo na puno ng katanungan ay nabigyan ng kaliwanagan ng isip at nagkaroon ng kahandaan na magsagawa ng mahahalagang desisyon sa buhay. Kabilang sa kanila sina G. Ruel at Gng. Melodie Rose Gaton ng Quezon City, mga magulang ni Crystal Mae Gaton, nabakunahan ng Dengvaxia at namatay bago sumapit ang isang taon matapos ang pagkakaturok sa kanya. Ani G. at Gng. Gaton sa pagkasawi ng kanilang anak:


“Dahil palaisipan sa amin ang sanhi ng karamdaman ng aming anak na si Crystal Mae at kahit sinabihan kami sa ospital na huwag kaming magpa-autopsy dahil tatadtarin nila ang kanyang mga laman-loob, napagdesisyunan pa rin namin na humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aming anak para aming malaman ang naging sanhi ng kaniyang agarang kamatayan.”


Si Crystal Mae ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 20, 2018. Siya ang ika-64 sa mga naturukan ng Dengvaxia, na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Setyembre 14, 2017 sa kanilang barangay. Anang nanay ni Crystal Mae:


“Pumayag kaming maturukan siya dahil sa sinabi nilang makabubuti ito sa kalusugan. Sinabi pa nilang mahal ang bakunang ito kapag ibibigay ng pribadong klinika. Natuwa kami dahil sinong magulang ang hindi papayag na mabigyan ng libreng bakuna ang kanyang anak, lalo na sa aming mahihirap? Sinamahan ko pa si Crystal Mae na mabigyan ng bakuna.”


Noong Mayo 2018, nagkaroon ng pagbabago sa kalusugan ni Crystal Mae. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:

  • Mayo 3, 2018 - Nanakit ang lalamunan ni Crystal Mae. Pinainom siya ng Erythromycin, bumuti naman ang kalagayan niya.

  • May 7 at 10, 2018 - Kaunti lamang ang lumalabas na kanyang ihi at siya ay mabilis hingalin. Nag-umpisang mamaga ang kanyang mukha noong May 10, 2018.

  • May 12, 2018 - Na-confine siya sa isang ospital sa Quezon City. Sinabing may Nephrotic Syndrome siya. Nanatili siya sa ospital ng anim na araw, ngunit hindi pa rin nawala ang pamamaga sa kanyang mukha.

  • May 18 at 19, 2018 - Inilabas siya sa ospital kahit maga pa ang kanyang mukha dahil sinabi ng mga doktor na maayos naman ang resulta ng laboratory examinations niya. Kinabukasan, namaga ang tiyan at mga paa niya kaya ibinalik ulit siya sa ospital. Ayon sa doktor, normal ito bilang side effect ng mga iniinom niyang gamot. Sinabihan sila na ibalik kada linggo si Crystal Mae sa hospital para sa follow-up check-up niya. Ginawa naman nila, ngunit namamaga pa rin ang mga nasabing parte ng kanyang katawan. Bigla na lamang ding tumataas ang kanyang blood pressure.

  • Mayo 29, 2018 - Para sa kanyang tumataas na blood pressure, niresetahan siya ng doktor ng gamot kontra high-blood na Enalapril.

Sa iba’t ibang petsa sa ibaba ng Hunyo 2018, lumala ang kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan:

  • Hunyo 1, 2018 - May pasa ang braso ni Crystal Mae.

  • Hunyo 12, 2018 - Dinala ulit siya sa ospital dahil siya ay nilalagnat at inuubo. Sa mga diagnostic examination results, nakitaan ng kaunting tubig ang kanyang baga at patuloy pa rin ang pamamaga ng kanyang mukha, tiyan at mga paa. Hindi rin nawala ang pasa sa kanyang braso. Binigyan siya ng Amoxicillin para sa kanyang mga nararamdaman. Inuwi siya sa bahay dahil hindi naman sila sinabihang kailangan niyang ma-admit.

  • Hunyo 16, 2018 - Ibinalik si Crystal Mae sa ospital dahil hindi nawala ang kanyang ubo. Pinayuhan sila ng doktor na kailangan siyang ipa-2D echo ng Hunyo 21, 2018. (Hindi na ito nangyari dahil pumanaw na si Crystal Mae noong Hunyo 20, 2018.)

  • Hunyo 19 at 20, 2018 - Sumakit ang kanyang tiyan.Kinabukasan, nadagdagan ito ng pananakit ng mga binti at nanghihina na siya kahit kumain siya ng marami. Dinala siya sa ospital at bandang hapon, sumisigaw at nagwawala siya dahil sa sakit ng kanyang tiyan. Pagkatapos, nawalan siya ng malay at inilipat sa ICU at in-intubate. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at alas-3:30ng hapon nang Hunyo 20, 2018, tuluyan na siyang pumanaw.

Anila G. Ruel at Melodie Rose Gaton sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Crystal Mae. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan.”


Humingi sina G. at Gng. Gaton ng tulong sa aming tanggapan para sa libreng serbisyo-legal at upang mapasailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team ang mga labi ni Crystal Mae, sa kabila ng pagpipigil sa kanila ng isang doktor. Katulad ng mga magulang ng mga yumaong biktima, ang mag-asawang Gaton ay matibay na nanindigan sa kanilang desisyon sa paglapit sa amin. Ang tiwalang patuloy nilang ibinibigay sa aming kakayahan at kredibilidad ay nagsisilbing inspirasyon sa amin upang patuloy ring ipaglaban ang mga kaso ng kanilang yumaong mga anak na biktima hanggang sa matamo ang katarungan na nararapat sa kanila.

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page