@Editorial | October 03, 2021
Sa nagpapatuloy na paghahain ng kandidatura para sa susunod na halalan, kapansin-pansin naman ang paglaganap ng ilegal na droga.
Bagama’t abala sa pulitika, nakikita nating tuloy naman ang paglaban ng mga awtoridad sa ilegal na gawain tulad nitong pagpapakalat ng drugs.
Halos sunud-sunod ang buy-bust at hindi biro ang nasasabat na halaga ng droga. Umaabot nang bilyon na kung iisipin, ilang buhay na naman kaya ang malalagay sa panganib?!
Napag-uusapan ang droga, kilala ang administrasyong ito sa war on drugs, at kahapon, inanunsiyo naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagreretiro sa pulitika.
Bagama’t kontrobersiyal, may mga umaasang magpapatuloy ang pagdurog sa mga sangkot sa illegal drugs, kasabay ang maingat na paglulunsad.
Sobrang kawawa ang kabataan kung puro problema ang kanilang hinaharap.
Paano nila pagsasabayin ang pagbangon mula sa pandemya at paglaban sa mga masasamang loob?
Kaya umaasa tayong itong mga nag-aambisyon sa puwesto ay talagang gustong maglingkod sa bayan. ‘Yung may sapat na talino, kakayahan at konsensiya na kakatawan sa bawat mamamayan. ‘Yung kayang tumindig sa karapatan at kaligtasan ng bawat isa. Hindi natatakot at walang ibang hangad kundi ang kabutihan ng sambayanang Pilipino.
Kaya, galingan din natin ang pagkilatis sa mga susunod na lider.
Comments