top of page
Search

Laban nina Yap at Moralde sa Las Vegas, naudlot

BULGAR

ni Gerard Arce - @Sports | July 19, 2020




Naunsiyami ang laban nina featherweight boxer Mark John Yap at Sanman lightweight prospect John Vincent Moralde sa Top Rank bout event sa The Bubble sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.


Nakansela ang nakatakdang laban sa main event fight ng 35-anyos ang Cagayan de Oro City-native laban kay Miguel “The Scorpion” Mariaga dahil sa pagkaka-overweight ng tinaguriang “The Journeyman” ng mahigit sa 9-pounds sa pagtungtong sa timbangan. Doble dagok pa ang mararanasan ni Yap (30-15, 15KOs) dahil kakaharapin rin nito ang suspensyon at multa mula sa Nevada State Athletic Commission (NSAC).


Sorry mga kababayan ko, friends and families! Things happen,” wika ni Yap sa ulat na inilabas ng RealfightPH. “Ang boong akala ko ok na ang timbang namin. Ang alam namin, over lang kami ng 2 pounds. Hindi namin alam na yung dala-dala naming timbangan kulang pala ng 5 pounds kaya nag-over ako ng 7 pounds. Pinilit namin ng team ko na makuha ko 'yong 128 pounds. Too late kasi weigh-in time na dumating ako ng Las Vegas ng 155 pounds. Ten days notice at nine days pagbabawas ng timbang lang ginawa namin.”


Makakatapat nito ang 33-anyos na Columbian boxer na minsan ng sumabak sa world junior lightweight at featherweight titles, ngunit dalawang beses nabigo kina Vasyl Lomachenko ng Ukraine at Oscar Valdez ng Mexico.


Siguro ok na din ito na nangyari kasi super hirap na talaga ako, baka kasi ano pa mangyari sa akin sa taas ng ring. Basta magpapasalamat na lang talaga ako sa Dios at sa inyong pagdasal sa laban ko sa bawat isa at patuloy pa rin nyo ang suporta sa akin pero alam mo kung bakit. Itong laban talaga di yon para sa atin, lahat ng bagay sa Diyos ay may purpose kung bakit nangyari nito. Pasensya na po sa inyong lahat and be safe. Mabuhay!


Hindi naman maintindihan kung bakit natanggal sa listahan ng undercard matches ang laban ng 26-anyos mula General Santos City na si Moralde (23-3, 13KOs) kay Alexis del Bosque sa closed door 8-round Top Rank bout event. Itataya sana ni Moralde ang kanyang two-fight winning streak, kung saan nagwagi ito ng magkasunod na knockout mula kina Jovany Rota noong Setyembre 5, 2019 sa Polomolok Gym, South Cotobato at kay Matias Agustin Arriagada sa Miami-Dade County Fair & Expo sa Miami, Florida noong Disyembre 21.


Mainit sa kanyang 4-fight winning battle ang 25-anyos mula Dallas, Texas na si del Bosque (17-5, 9KOs) na huling sumalang laban kay Eduardo Rafael Reyes noon pang Nobyembre 23 sa Mesquite Arena sa Texas mula sa 6-round unanimous decision victory. Ang tatlo pang nakaraang laban ng Mexican boxer mula kina Daniel Perales, Pedro Amigon at Darryl Hayes ay mga unanimous decision victory.


Susubukan sana nina Yap at Moralde na makasunod sa mga yapak nina Mike “Magic” Plania, Reymond Yanong at Mark Bernarldez na sumabak sa lupain ng Estados Unidos sa panahon ng pananalasa ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page