top of page
Search
BULGAR

Laban ng provincial buses vs. colorum van—LTO, LTFRB at HPG ang panalo

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 10, 2022


Bigo ang malalaking kumpanya ng bus na bumibiyahe sa mga lalawigan na maibalik ang dati nilang lakas sa paghahatid ng pasahero dahil hindi na nila maalis sa lansangan ang mga colorum na van na umagaw ng mahigit sa kalahati ng dati nilang pasahero.


Nabatid na nagsulputan ang mga colorum na van noong kasagsagan ng pandemya na halos wala nang bumibiyahe dahil bukod sa napakahigpit sa mga travel pass ay nagsara ang malalaking kumpanya ng bus.


Habang kabi-kabila ang napakahigpit na checkpoint noong kasagsagan ng pandemya ay tumibay naman ang relasyon ng ilang tauhan ng The Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group ng Philippine National Police (HPG-PNP) sa mga may-ari ng van.


Isa sa maayos na maayos ang sistema ay ang mga van na bumibiyahe patungong Bicol-Manila at Manila-Bicol na talagang pinahirapan ang industriya ng mga bus na ngayon pa lamang unti-unting bumabangon, ngunit nakararanas ng paghina dahil sa ganda ng operasyon ng van.


May tumatayong call center mula Samar, Sorsogon, Masbate at Albay na siyang tumatanggap ng tawag mula sa mga pasahero at sila namang nakikipag-ugnayan sa mga driver ng van para sunduin sa bahay ang mga pasaherong bibiyahe patungong Manila.


Door-to-door ang ibinibigay na serbisyo ng mga van, susunduin halimbawa sa bahay sa Manila ang pasahero at ihahatid ito sa bahay kahit saang bahagi ng Bicol o Masbate pa ‘yan at halos pareho lang ang pamasahe sa bus.


Ang mga pasahero na galing probinsya na ayaw nang bumaba sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil napakalayo umano at kailangan pang mag-taxi o magdagdag ng karagdagang biyahe ay mas pinipili ang ginhawang hatid ng van.


Malaking bagay din na halos 18 katao lang ang laman ng van kasama na ang dalawang driver na nagpapalitan dahil kahit anong oras magsabi ang pasahero na kailangang magbanyo ay agad nilang napagbibigyan kumpara sa bus na may oras lang kung kailan hihinto at nagdurusa sa sakit ng pantog ang mga pasahero na nagpipigil sa pag-ihi.


Higit sa lahat ay walang inspektor ang mga bumibiyaheng van na gumigising sa mga pasahero sa gitna ng biyahe para lamang tanungin kung bayad na at higit sa lahat ang mga van ay tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng G-Cash.


Maganda rin ang sistema ng tulungan ng mga driver ng van dahil lahat sila may social media group kung saan ay nagpapasahan sila ng impormasyon kung sakaling may problema sa daraanan, tulad ng baha, aksidente at biglaang paglalagay ng checkpoint ng mga operatiba.


Sa ngayon ay humigit-kumulang sa 100 colorum na van ang bumibiyahe sa linya ng Bicol-Manila-Manila Bicol na hindi hinuhuli ng operatiba ng HPG-PNP, LTFRB at LTO dahil nakatimbre at maayos ang kanilang samahan.


May pagkakataon ding nanghuhuli ang LTO at LTFRB sa bahagi ng Camarines Norte, Tagkwayan, Del Gallego at iba pang bahagi ng Bicol dahil may mga colorum na hindi nakatimbre at basta na lamang pumapasada kaya karaniwan ay ini-impound ang mga ito.


Kapalit para hindi ma-impound ang colorum van na hindi nakatimbre ay tumataginting na P50,000—walang resibo dahil sa ilalim ng puno lang nagaganap ang transaksyon at hindi na umaabot sa tanggapan ng LTFRB o LTO sa naturang lugar.


Hindi natin sinasabing sangkot ang Central Office ng LTFRB at LTO sa nangyayaring sistema sa Region 5 dahil posibleng ang kanilang operatiba lamang ang nakakaalam nito kaya lamang ay nadadamay ang pamunuan dahil unipormado ang kanilang operatiba kapag nangha-harass sa kalye ng hindi nakatimbreng colorum na van.


Harassment dahil moro-moro at pera-pera lang ang operasyon, sana ay magkaroon na ng prangkisa ang mga van na bumibiyahe ng probinsya para sa gobyerno na mapunta ang lingguhan nilang ‘lagay’ at hindi na sila gawing gatasan.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page