ni Ryan Sison - @Boses | September 09, 2021
Dahil iniurong ang general community quarantine (GCQ) at granular lockdown sa National Capital Region (NCR), mananatili ang mga umiiral na protocols sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa rehiyon.
Kabilang na ang pagbabawal sa indoor at al-fresco dine-in services, personal care services kasama ang salon at parlor, habang papayagan naman ang religious services, basta’t via online lamang.
Matatandaang noon pa inalmahan ng mga labor group ang pagpapatupad ng granular lockdown at nagkaroon ng agam-agam ang ilang health experts gayung puno pa rin ang mga ospital sa rehiyon.
Ngunit tulad ng inaasahan, ang pagbawi ng quarantine restriction ay umani ng iba’t ibang opinyon mula sa taumbayan. Habang pabor ang iba rito dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases, marami naman ang nadismaya, partikular ang mga negosyante.
Giit ng mga ito, sa pagbawi ng maluwag na protocols, parang binawi rin ang katiting na pag-asa nila upang makapaghanapbuhay.
Ang ilan sa kanila, nagpatawag ng mga empleyado, isang araw bago ang nakatakdang pagpapatupad ng GCQ, naghanda para sa sana’y pagbubukas ng negosyo, pero ang ending, sayang ang lahat ng paghahanda.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pabago-bagong desisyon ang gobyerno. At kahit ilang beses nang humiling ang taumbayan na ‘wag na itong maulit, parang dedma ang mga nakatataas. Ang siste, sa halip na solusyunan ay tuloy ang laban-bawing desisyon ng pamahalaan.
Sa isang pagbawi lang ng desisyon, napakaraming naperhuwisyo at kabilang na nga rito ang mga maliliit na negosyong sumusugal kahit walang kasiguraduhan kung mababawi ang inilabas na puhunan.
Panawagan sa mga kinauukulan, napakarami nang naabala ng ganitong sistema, kaya plis lang, pakiayos ang inyong mga desisyon. Kung magkakaroon ng pagbabago sa quarantine restrictions, dapat ay dumaan sa masusing pag-aaral bago ianunsiyo sa publiko.
Sana ay matuto na tayo sa mga nakaraang pagkakamali upang hindi na maulit pa.
Tandaan na ang kasalukuyang sitwasyon ay nagdudulot na ng malalang stress sa marami sa atin, kaya ‘wag na nating dagdagan pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios