ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 28, 2022
Huli ka na sa balita kung hindi mo pa napapanood ang Dollhouse sa Netflix. Usap-usapan nga ang latest na pelikula ng aktor na si Baron Geisler, na tinatangkilik hindi lang sa Pilipinas, kung hindi sa ibang bansa.
Napakahusay ni Baron sa kanyang naging pagganap sa papel ng adik na musikero sa pelikula. Ang kuwento ng Dollhouse ay nakaikot sa isang durugistang musikero na si Rustin, na nais magkaroon ng relasyon sa pinabayaang anak.
Kuwento ito ng second chances.
Sa dami ng pelikulang may temang second chances, bakit nga ba nalagpasan ng Dollhouse ang mga ito pagdating sa popularidad? Mahusay na direktor si Direk Marla Ancheta at ang buong team ng Dollhouse. Pinayagan din nilang mag-impromptu lines ang aktor sa ilang eksena, kaya mas naging natural ang pelikula. Bukod sa pagiging mahusay na aktor ni Baron, mas naging makatotohanan din ang naging pagganap niya sa karakter dahil pinagdaanan din niya ang malulong sa alak sa totoong buhay. Hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang mga naging pagsubok na dumating sa buhay ni Baron. Ngunit sa ating palagay, lubos na natuwa ang publiko maging ang mga kasamahan nito sa showbiz, dahil tulad ni Rustin, tinahak ni Baron ang daan tungo sa pagbabago.
'Ika nga n’ya, “My life is an open book. I was 12 years old when I started experimenting.”
“Hindi po madali ang daan ng recovery at healing. Palaging magkakaroon d'yan ng mga lubak o pagkakataong susubukan ka. Bakit? Dahil ang adiksyon ay sakit at katulad ng lahat ng sakit, kailangan hanapan at patawan to ng lunas,” ani Baron.
Dagdag pa ni Baron na humuhugot siya ng lakas mula sa kanyang misis na si Jamie at sa kanilang anak na si Tali.
“Minsan, kailangan na rin ng tinatawag na tough love. 'Yun 'yung pagpapadama ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ilang paghihigpit o pag-aatas sa na managot para sa kanilang aksyon. 'Yan 'yung bagay na nakatulong sa akin. Pero bukod dito, nagpapasalamat ako dahil pinadama sa akin ng pamilya at kaibigan ko na nand'yan lang sila at handang dumamay sa akin. 'Yan ang tip ko sa mga taong may mahal sa buhay na napapariwara ng landas. Maging supportive at lawakan po ang inyong pasensya sa kanila at kanilang mga pamilya.”
At bilang tatay, naging malapit din sa puso ni Baron ang pagprotekta sa kapakanan ng mga bata. Kung kaya’t bilang bahagi rin ng kanyang bagong buhay sa Cebu, naging aktibo si Baron sa CURE Foundation, organisasyong nangangalaga sa mga batang biktima ng mga pang-aabuso kabilang na ang pornograpiya.
Ayon kay Baron at sa CURE Foundation, ang Cebu ay isa sa "may pinakamataas na insidente ng child trafficking at seksuwal na pang-aabuso kabilang ang in internet pornography." Katuwang ang mga lokal na tagapagpatupad ng batas at iba pang internasyunal na NGO, ang CURE ay nagbibigay ng kanlungan para sa mga batang babae na iniligtas mula sa mga sex trafficker.
Pero dahil sa tagumpay ng Dollhouse, nabigyang-daan si Baron na mas marami pa ang matulungan, hindi lang sa Cebu, kundi sa iba pang lugar sa Visayas at Mindanao. Mas marami na ang nakakaalam at napabibilib sa kanyang mga adbokasya. Pangarap ni Baron na maging instrumento sa pagsasagawa ng mas marami pang community outreach programs at isulong ang higit na access sa mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
"Gusto po nating gabayan ang mga bata. Bigyan natin sila ng pag-asa, at higit sa lahat, pagkakataon na makaahon mula sa pinagdaanan nilang mga problema sa murang edad. Sobra po akong nagpapasalamat dahil binigyan ako ng another chance ng Diyos. 'Yung blessings ko po hindi ko pinagsasawalang-bahala. Kaya gusto nating makatulong din ngayon sa iba, lalo na 'yung mga walang nasasandalan. Sana po ay mas marami tayong makasama sa mga proyektong ito,” dagdag ni Baron.
Ngayon ay may mga nakapila nang proyekto hindi lang sa showbiz kundi para sa mga komunidad si Baron. At kung ang isang sikat na bad boy, tulad niya ay may kakayanang magbago, magbalik-loob sa Diyos, at ngayo’y nagsisilbing instrumento upang mapabuti ang buhay ng komunidad, walang imposible sa taong gustong magbago.
Kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan!
Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.
Comments