top of page
Search
  • BULGAR

Kuwentong pag-ibig: Pag-ibig mo ang buhay ko (Mid Story)

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | September 14 - September 18, 2024



Kuwentong Pag-Ibig

MID STORY - September 13, 2024


“SANA narito rin ang parents ko,” matabang na sabi ni Thunder. 


Malungkot ang kanyang mukha, habang nakatitig sa magulang ni Chantal. Tiyak niya kasing sobrang mahal ng mga ito ang kanilang anak. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapabuntong hininga. Napatingin lang siya kay Chantal, dahil hinagilap nito ang kanyang kamay at pinisil. Wari’y sinasabi nito na huwag siyang mag-alala, dahil nasa tabi lang niya ito. Hindi niya tuloy napigilan ang mapangiti. Mas lumawak pa ang kanyang ngiti, dahil nakatingin ito sa kanya na parang puno ng pag-ibig. 


“Nasa puso mo naman sila.”

“Hindi man lang sumama ang kapatid ko.”

“Niyaya mo ba si Santino?” Gilalas nitong tanong. 


“Hindi naman masama ang intensyon ko. Siyempre, kapamilya ko siya. Apektado ka pa ba sa presensiya niya?” Nag-aalalang tanong nito. 

“No,” mariin nitong sabi. 


Nakatitig ito sa kanya nang sabihin ang mga salitang iyon, kaya naniniwala siya rito. Idagdag pang sobra niya itong mahal, kaya naman may tiwala siya rito.


“Wala ka bang tiwala sa akin?” Nagdaramdam na tanong nito. 

“Nagtatanong lang naman ako.”


“Masyado ka kasing seryoso. Wala na akong nararamdaman para kay Santino. Crush ko lang naman siya, at ikaw ang mahal ko.”


Hindi tuloy niya mapigilan ang mapangiti. Iyon kasi ang pinakamagandang salita na narinig niya sa buong buhay niya. 


“Para kayong cotton candy d’yan, ah? Masyadong matamis,” wika ng kanilang Lolo Matias. 

“Sa palagay mo ba ay sapat na ang ginawa mo para masiyahan ang magulang ni Chantal?”

Tanong sa kanya ng matandang lalaki. 


Wala naman kasing sinabi ang magulang ni Chantal nang magpaalam siya na magpapakasal na sila ni Chantal. Basta ang sinabi ng ama ni Chantal, gusto pa siyang makilala nito. 


“Kailangan mong manilbihan para mapatunayan nila na seryoso ka nga,” wika ng kanyang lolo. 


“Ano’ng dapat kong gawin?”


“Manilbihan ka,”buong diin niyang sabi.

Itutuloy…



 

CONTINUATION STORY - September 14, 2024


HINDI maiwasan ni Chantal ang makaramdam ng kilig habang tinititigan si Thunder na nagsisibak ng kahoy. Napalunok lang siya, dahil nakahubad ito, at kita-kita ang matikas nitong pangangatawan.


Si Thunder ay hindi lang isang cute, dahil napaka-hot din nito kung titingnan. Muli ay napalunok siya para kasing pinagnanasahan na niya ito. 


Kahit tumatagaktak na ang pawis nito, gusto niya pa rin itong hagkan. 


“Ngayon ko lang nakitang ginawa ng apo ko ‘yan, dahil sa isang babae. Mukhang mahal ka talaga niya,” nakangiting sabi ni Lolo Matias. Parang bituin na kumukislap ang mga mata nito sa sobrang kasiyahan. 


“Ang suwerte ko po pala.”


“Masuwerte rin naman siya sa’yo.”


Bigla siyang napaisip, hindi niya kasi alam kung paano naging masuwerte si Thunder sa kanya.  


Alam n’yo po bang hindi naman talaga ako caregiver?”

“Yup. Alam ko.”


Bahagya siyang natigilan, hindi kasi niya matandaan na nagkuwento siya tungkol sa tunay niyang pinagkakakitaan. 

“Nabanggit ni Santino.”

“Isa po akong manunulat.”

“Nice!”


Si Santino ho talaga ang dahilan kaya ako pumasok bilang caregiver sa inyo.” Lakas loob niyang sabi.  

Destiny.”

“Ho?”


“Nakatakda na siguro sa kapalaran n’yo ni Thunder ang magkita, kaya pinagtagpo kayo ng inyong kapalaran,” nakangiting sabi ng matandang lalaki.


Sa tingin niya ay tama ang sinasabi nito, kaya napatango na lang siya. 

Pero, kailangan mong mag-ingat.”

“Ano pong ibig mong sabihin?” Naguguluhan niyang tanong. 

Dahil baka agawin ka ni Santino kay Thunder.”

Itutuloy…


 

CONTINUATION STORY - September 15, 2024


BIGLANG kinabahan si Chantal sa sinabi ni Lolo Matias. Tingin kasi niya, kayang-kaya iyon gawin ni Santino. Hindi man magkuwento sa kanya si Santino, ramdam niya ang matinding galit nito kay Thunder. 


Sa palagay nga niya iyon ang dahilan kaya kinakausap siya ni Santino. Dati naman kasi kahit na panay ang pagpapa-cute niya rito, hindi siya nito pinapansin. 


Kahit tuloy naging crush niya si Santino, nakaramdam siya ng pagkairita rito, at sinabi pa niya sa kanyang sarili na hindi niya dapat ito hangaan. 


Ang gusto kasi niya sa lalaki ay mapagmahal sa pamilya, at alam niyang hindi iyon si Santino. 


“Hindi ako maaagaw ni Santino kay Thunder, dahil tunay ang pagmamahal ko kay Thunder!” 

“Talagang hindi ako nagkamali sa’yo. Unang kita ko pa lang sa’yo, gusto na kita para sa tunay kong apo.”

“Nasaan ho ba ang mga magulang ni Santino?”


“Walang ibang nakakaalam ng pagkatao niya, kundi ang mga kinikilala niyang magulang.”

Bigla siyang nakaramdam ng awa kay Santino. Mahirap naman kasi kapag hindi mo alam ang tunay mong pagkatao. Tiyak na maraming katanungan sa isip nito. 


“Kaya mag-ingat ka dahil tiyak na hindi titigil si Santino hangga’t ‘di ka niya nababawi. Panigurado kasing iniisip ni Santino na inagaw ka ni Thunder sa kanya. Well totoo naman, dahil na-love at first sight sa’yo ang apo ko na si Thunder.”


Kahit tuloy parang oa ang sinabi ni Lolo Matias, napangiti pa rin siya. Para kasing gusto nitong idiin na mahal na mahal niya talaga ang kanyang apo. 

“Huwag ho kayong mag-alala.”

“Paano kung kidnapin ka niya?” Gilalas nitong tanong na nagpakaba din nang husto sa kanya. 


Itutuloy…


 

CONTINUATION STORY - September 16, 2024


MAY biglang tumapik sa balikat ni Chantal, kaya agad niya itong nilingon. 

“Kidnapin?” Manghang tanong niya ulit sa matandang lalaki. 


Malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Lolo Matias, “Hindi ko iyon sinabi sa iyo para siraan si Santino. Kahit hindi kami magkadugo, itinuring ko pa rin naman siya bilang apo. Pero ayoko ring malungkot ang tunay kong apo. Ikaw ang kaligayahan ni Thunder, kaya sinasabi ko ito para bigyan ka ng babala.”


Bumuka ang bibig niya para sana ibahagi ang pagtawag sa kanya ni Santino, pero nagbago ang kanyang isip. Naisip niyang baka maging daan pa iyon para mas lumayo ang loob ni Lolo Matias kay Santino. 


“Huwag ho kayo mag-alala, mag-iingat ako.”


Tumango ito at ngumiti, “Mahal na mahal ka talaga ng apo ako.”


Napangiti rin siya at sabay sabing, “Mahal ko rin po siya.”


“Ang lalim naman ng iniisip mo,” wika ni Thunder. 


“Iniisip ko lang ang future natin,” wika niyang bahagyang kinabahan. 


“Ilang anak ba ang gusto mo?” Natatawang tanong ni Thunder. 


Agad na namula ang kanyang mukha, para kasing may dagang naglalaro sa kanyang sikmura dahil sa kakaibang epekto ng tanong ni Thunder. 

“Isa.”

“Ang tipid naman.”

“Mahirap ang buhay.”

“Kahit isang dosena pa ‘yan, kaya ko silang buhayin.”

“Ang yabang naman.”

“Nagsasabi lang ako ng totoo.”


Gusto mong magkaroon ng maraming anak. Kaya mo ba makagawa ng isa?” wika niya sabay hagikgik. 


Kailangan muna niyang burahin ang mga negatibong emosyon sa kanyang isipan, para magawa niyang maging maligaya. 

Itutuloy…


 

CONTINUATION STORY - September 17, 2024


GUSTO mo bang subukan natin?”


Kahit na hindi kumpleto ang tanong ni Thunder, pinamulahan ng mukha si Chantal. Basang-basa niya kasi sa mata at ngisi ni Thunder ang kapilyuhan. 


“Magtigil ka nga,” wika niya. 


Marahang tawa ang pinawalan nito, at sabay sabing,  “May amnesia ka ba?” 

Hindi naman ako nabagok.”


Eh, bakit parang nakalimutan mo na ikaw ang nagsimula ng kapilyahan?”


Oo na, kasalanan ko na! Anyways, pasensiya ka na kung pinahihirapan ka ng magulang ko.”


‘Ika nga sa kasabihan, no pain, no gain. Kung ang kapalit naman nitong mga paghihirap na sinasabi mo ay pag-apruba ng parents mo sa relasyon natin, okey lang.”


Ramdam niya ang sobra nitong pag-ibig sa kanya, kaya naman hindi niya napigilan na yakapin ito. Bigla lang siyang napaalis sa pagkakayakap dito, dahil basang-basa ito ng pawis. 


“Hay naku! Magkakasakit ka sa ginagawa mo. Magpunas ka nga!” Inis niyang sabi rito. 

“Nandidiri ka lang yata sa akin eh.”


Binatuhan ito ni Chantal ng matalim na tingin, at sabay sabing, “Hindi ako ganyan klaseng tao. Kapag mahal kita, kahit ano pa ang amoy mo ay mahal kita. Ayoko lang na matuyuan ka ng pawis dahil tiyak na magkakasakit ka.”


Kahit na pawisan si Thunder, wala pa rin siyang naamoy na ‘di kaaya-aya rito. Sa katunayan nga, parang mas bumango pa ito. 


“Kaya mahal na mahal kita eh.”


“Patunayan mo!”


“Ano bang gusto mong patunay?”


Kiss me,” wika niya sabay nguso. 


Susundin na sana nito ang sinabi niya, pero may biglang dumating na sasakyan. Hindi kasi nila inaasahan na may darating pa lang bisita, at mas lalo silang nagulat nang makita nila si Santino sakay ng kanyang BMW. 


Itutuloy…

 

CONTINUATION STORY - September 18, 2024


“ANO’NG ginagawa mo rito?” Kunot noong tanong ni Thunder, sabay hatak kay Chantal palapit sa kanyang dibdib.


Gusto niyang ipakita kay Santino na hindi nito maaagaw ang kanyang mahal. Malaki ang tiwala niya kay Chantal. Pero, wala siyang tiwala kay Santino. 

“Narito pala kayo, bakit?” Kunwa'y tanong ni Santino. 


Nang ibaling nito ang tingin kay Chantal, ngumiti ito, at sabay sabing, “Dito ba nakatira si Mang Andres?”

“Tatay ko siya.”

“Talaga?” Manghang tanong ni Santino. 

“Wow, best actor!” Gigil na sabi ni Thunder. 


Sa hitsura naman kasi ni Santino ay para talagang nasorpresa ito at ikinabigla na anak pala ni Mang Andres si Chantal. Pero, kilala niya si Santino. Alam niyang gagawin nito ang lahat para makuha ang kanyang gusto. 


What a small world,” dagdag pa nito. 


Santino!” Sigaw ng isang boses na kanina ay matapang na nagbibigay ng instructions. 

“Tatay Andres,” bati naman ni Santino. 


Nagkatinginan sina Chantal at Thunder, maging si Lolo Matias ay napalingon din sa kanila. Marahas na paghinga naman ng pinawalan ng kanyang lolo, na para bang alam na kung ano ang ginagawa ni Santino. 


“Kumusta ka na, iho?” Tanong ni Mang Andres, sabay yakap kay Santino. 

Kinabahan tuloy siya sa closeness ng dalawa, at nakaramdam din siya ng selos.

Okey na okey naman ho. May kinailangan kasi akong i-deliver na laruan dito sa Gapan, kaya naisipan ko na ring dalawin kayo gaya ng ipinangako ko sa inyo,” nakangiting sabi ni Santino, sabay sulyap kay Thunder. 


Base sa pagsulyap niya sa kanyang kapatid, para bang sinasabi nito na, “Pustahan, maaagaw ko sa’yo si Chantal!” 

Itutuloy

 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page