top of page
Search
BULGAR

Kuwentong pag-ibig: Pag-ibig mo ang buhay ko (Beginning Story)

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | August 2 - September 12, 2024



Kuwentong Pag-Ibig

BEGINNING STORY - August 2, 2024


“Ikaw ang pangarap ko, Santino Morales,” wika ni Chantal Mendoza habang nakatitig sa picture na nasa screen ng kanyang laptop. 


Hindi niya ito boyfriend, subalit mahal na mahal niya ito. Si Santino ang ideal man ni Chantal. Tall, white and handsome kung ide-describe ang hitsura nito, at para itong karakter sa kanyang mga nobela. 


Base sa pagkakaalam niya, may mataas itong posisyon sa Toy Factory na kanyang pinapasukan. Hindi man siya sure sa posisyon nito, pero para sa kanya si Santino ang best na boss. Napakaguwapo naman kasi talaga nito, at kahit hindi sila nagkakalapit, alam niyang mabango ito. 


“Mayroon akong nahagilap na balita,” wika ng co-writer niyang si Mae. 

Sa tingin niya, may kinalaman kay Santino ang sinasabi nito, kaya agad siyang na-excite.

 

“Baka naman tsismis ‘yan?”


“Pero, isa itong balita.”


Kumunot ang kanyang noo. Hindi niya kasi malaman kung ano’ng gusto nitong sabihin.

“Nangangailangan ng caregiver si Santino para sa kanyang lolo.”


Ang isasagot sana niya, “Ay ganu’n ba?” Pero napangisi siya nang may maalala siya. 

“Sigurado ka ba riyan?” Tanong pa niya. 


“Yes, 100%!”


“Maigi.”


“Bakit?” Takang tanong nito. 


“Alam ko na kung ano’ng istorya ang gagawin ko.”


“Ano’ng istorya, aber?” nagtatakang tanong nito. 


“Istorya namin ni Santino,” sagot niya habang nakangiti. 


“Ano?!” Gilalas nitong tanong sa kanya. 


“Papatusin ko ang pagiging caregiver para mapalapit ako kay Santino.” Aniyang tumatangu-tango pa. 


Iyon lang kasi ang nakikita niyang paraan para makuha niya ang puso ni Santino Morales.


Itutuloy…

 

STORY - August 3, 2024


Inis na inis si Thunder dahil panay ang pagpapa-cute sa kanya ng mga babaeng nasa paligid niya. Ramdam niya ang pagpapapansin ng mga ito, gayung wala namang kapansin-pansin sa mga hitsura nito. 


Kapag nagpupunta siya sa isang malaking gym, ang mga kababaihan ay nagkukumpul-kumpulan sa isang tabi. 


Marahang tawa ang kanyang pinawalan. Hindi naman kasi kataka-taka kung bakit marami ang nagkakagusto sa kanya. Tall, dark and handsome na siya, matagumpay pa siya sa kanyang buhay. 


Siya ang CEO ng Thunder’s Toys Company. Kaya, ang sinumang babae na makakabingwit sa kanya ay daig pa ang nanalo sa lotto.


Malas nga lang ng mga babaeng umaasa sa kanya, dahil hindi siya naniniwala sa kasal. Ang mga babaeng natatagpuan niya ay puro hitsura at yaman niya lang ang minamahal, at hindi siya minamahal dahil siya si Thunder Morales. 


“Mag-date naman tayo, Thunder,” wika ng babae na hindi niya nga matandaan ang pangalan. 


Basta ang sabi nito naging kaklase niya ito nu’ng high school. 

“Busy ako,” wika niya. 


Ang rason kaya nasa restaurant siya ngayon ay dahil gusto niyang mapag-isa at makapag-isip-isip habang kumakain, pero paano niya magagawa iyon kung may mga istorbo sa kanyang paligid? 


“Hindi ka dapat masyadong nagpapakasubsob sa trabaho. Dapat…”


“Can you do me a favor?” Putol niya sa sasabihin nito. 


Hindi niya talaga alam kung bakit may lakas ng loob itong lapitan siya. Kunsabagay, hindi lang naman ito ang gumawa nito, sa katunayan may mga nauna pa rito pero ito lang talaga ang gusto niyang itaboy. 


Napabuntong hininga siya nang maisip niyang ganu’n yata talaga kapag smiling face kahit pormal siya, parang nagsasabi pa rin ng ‘kausapin n’yo ako’.  Well, wala namang problema kapag may sense ang kanyang kakausapin pero para i-flirt lang siya, no way. 


“Anything.” Mayabang pang sabi nito. 


“Leave me alone, please…” mariin niyang sabi sabay baling ng kanyang atensyon sa kanyang kinakain. 


Naisip niya, kailan ba siya makakatagpo ng babaeng hindi siya magugustuhan?


Itutuloy…


 

STORY - August 4, 2024


“Narito na rin ako sa wakas!” Wika ni Chantal habang nakatitig sa mala-mansiyong bahay ng mga Morales. 


Hindi niya tuloy mapigilan ang mapa-wow. Kahit naman kasi hindi siya nagmula sa maralitang angkan, nakakalula pa rin ang karangyaang nakikita niya ngayon. 


Kunsabagay, sa Green Meadows lang naman kasi nakatira ang kanyang mahal. Nang maisip niya ang guwapong mukha ni Santino Morales, na-excite siyang bigla. Paano ba naman kasi niya hindi mararamdaman iyon eh abot kamay na niya ito. 


Kahit nagkaroon na siya ng certificate na puwede siyang mag-caregiver, si Santino lang ang dahilan kaya mag-apply siya rito bilang caregiver. At ang layunin niya lang dito ay ang magpa-cute kay Santino.


“Yes?”


Napatalon siya sa kanyang pagkabigla dahil sa matinding pagkagulat. 

“Masyado ka namang magugulatin.” 


Maiirita pa sana siya sa boses na iyon kundi niya ibinaba ang kanyang tingin, ngunit biglang nagsalita ang matanda at sabay sabing, “Ano bang kailangan mo rito?”


“Mag-a-apply ho sana ako.”


“Bilang?” Takang tanong nito sabay simangot.


“Caregiver.”


“Nagbibiro ka ba?” 


Sa pagkakatitig niya sa matandang babae na tingin niya ay nasa edad 50. Naalala niya ang komedyanteng si Matutina. Maliit kasi ito at kulot ang buhok, sabayan pa ng matinis na pagsasalita.


“Hindi ho ako joker,” wika niya. 


“Caregiver ka nga?” Hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya.

“Opo.”


“Eh, mas mukha kang modelo.”


“Pero, pag-aalaga ho talaga ang gusto ko.”


“Pasaway na matanda ang aalagaan mo,” anitong parang nagbabanta. 

“Mahaba naman po ang pasensiya ko sa mga matatanda.”


“Good! Dahil kailangan mo talaga ‘yan”


“Nasaan na ho ang mag-i-interview sa akin?” Excited niyang tanong. 


Para tuloy gusto muna niyang tumakbo sa harap ng salamin at tingnang mabuti ang kanyang sarili. 


“Si Thunder ang mag-i-interview sa iyo.”


“Sino ho?” Mangha niyang bulalas. 


“Apo ng aalagaan mo.”


“Hindi ho si Santino?” Disappointed niyang tanong.



Itutuloy…

 

STORY - August 5, 2024


Here we go again,” inis na sabi ni Thunder sa kanyang sarili. 


Hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang alisin ang pagkakatitig niya kay Chantal. Kunsabagay, napakaganda naman kasi talaga nito, kahit simple lang ang kasuotan nito, nagmistulan itong anghel na naligaw sa lupa para makilala niya. 


“What?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili. 


Pagkaraan ay napakunot ang kanyang noo. Hindi niya kasi alam kung bakit para siyang na-engkanto sa mukha nitong napakainosente kahit na nakapusod ito. 


Pero, sapat na ba iyon para masabi niyang ‘di ito tulad ng ibang babae? 


Bihira na kasing umuwi rito si Santino,” singit niya sa pag-uusap nina Manang Eta at Chantal. 


Ayaw na niyang alamin pa ang rason, kaya kaya nag-apply na agad ito bilang caregiver. Kung tutuusin, tama ang matandang babae, mas papasa itong modelo lalo na kung ang pagbabasehan ay ang kanyang mukha, katawan at katangkaran. 


Sa palagay niya, 5’9 din ang taas ito, habang siya ay nasa anim na talampakan lamang.

Sino ka?” Gilalas na tanong ni Chantal. 


Natulala si Thunder, hindi niya inaakalang ganu’n ang magiging reaksyon nito. Ang inaasahan niya kasi ay biglang magliliwanag ang mukha nito. 


“Hindi mo ako kilala?” matabang niyang tanong. 


Tatanungin ba kita, kung kilala naman pala kita?” Sarkastikong tanong nito. 


Kahit na may katarayan ang pananalita nito, hindi siya nagalit. Siguro dahil iniisip niyang ayaw lang nitong mapahiya. Kaya naman pinili na lang niyang mag-adjust. 


I’m Thunder Morales,” wika niya sabay lahad ng kamay. 


Sa halip na tanggapin ni Chantal ang kanyang kamay,  tiningnan niya lang ito na para bang pinag-iisipan pa kung hahawakan ba niya ito o hindi. 


Ito na kaya ang karma ko?” Pagtatanong niya sa kanyang sarili. 


Itutuloy…

 

STORY - August 6, 2024


Hindi alam ni Chantal kung bakit parang ang init-init ng dugo niya sa kanyang kaharap, gayung wala naman itong ginagawang masama sa kanya. 


Sa katunayan, ang tamis pa nitong ngumiti na para bang sinasabi nitong mapagkakatiwalaan siya. 


Mapagkakatiwalaan?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. 


Walang lalaking dapat pagkatiwalaan na may napakatamis na ngiti. Para kasing sinasabi nito na dudurugin ko rin ang puso mo. Kaya iyon ang rason kaya nagustuhan niya si Santino, hindi kasi ito palangiti, at para bang napakaseryoso.


“Siya ang mag-iinterbyu sa’yo,” singit naman ni Manang Eta. 


Ayaw pa sana niya itong ngitian, pero naisip niya na makakatulong ito para maisakatuparan niya ang kanyang plano.


Ay, ganu'n ba?”


“Kapatid ko si Santino.”


Awtomatiko siyang napangiti. Ang pangalang Santino kasi lang ang nagbibigay ng ngiti sa kanya. Marinig niya pa lang ang pangalan nito, lumalakas na agad ang tibok ng puso niya. 


Hindi kayo magkamukha,” sabi niya.  


Ngunit hindi ibig sabihin noon ay mas guwapo ito kaysa kay Santino, dahil para sa kanya, wala pa ring tatalo kay Santino. 


Mas guwapo kasi ako sa kanya,” nakangiting sabi nito. 


Hindi ah,” mariin niyang sabi. 


What if ‘di kita kuhain bilang caregiver?” Nanunubok nitong tanong sa kanya. 


Nanlaki ang mga mata niya. Alam kasi niyang posibleng mangyari iyon kapag nainis ito sa kanya. 


Hindi mo ba hahanapin ang certification ko na qualified akong maging isang caregiver?” Hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya. 


Alam ko naman kasi ang dahilan kaya ka narito ngayon.”


Kinabahan siya sa sinabi nito. Nakatitig ito sa kanya kaya pilit niyang iniiwasan ang tingin nito. Hindi kasi niya mapigilang isipin na mabubuking nito ang tunay niyang plano.  


Hindi ba si Santino?” Sarkastikong tanong nito. 


Napabuntong hininga na lang siya, at sabay sabing,  “Yes.”


Itutuloy…


 

STORY - August 7, 2024


Feel niyang buking na ni Thunder ang damdamin niya para kay Santino. Kaya wala nang dahilan para magkaila pa. Gayunman, hindi naman niya magawang ipagmalaki ang kanyang nararamdaman dahil baka bumaba lang ang tingin nito sa kanya. 


“May pakialam ba siya?” Tanong niya sa sarili. 


Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Hindi siya makapagdesisyon ngayon, at ‘di niya alam kung bakit siya nag-aalinlangan, dahil ba sa ayaw niyang tanggihan ni Santino o dahil hindi niya alam kung ano’ng tingin sa kanya ni Thunder?


“May gusto ka sa kanya ‘no?” Tanong sa kanya ni Thunder. 


Hindi niya lang matandaan, kung nasabi ba nito ang pangalan o hindi. Pagkaraaan ay umingos siya. 


“Si Santino?”


“So, totoo? May gusto ka kay Santino. Ito bang certification mo ay peke lang?” Kunot noong tanong nito.


Sa pagkakatitig niya rito dapat ay mabawasan ang kaguwapuhan nito, pero parang lalo pa itong nadagdagan.


Nanlaki ang ang mga mata niya sa pagkabigla nang maisip niyang hindi maganda ang iniisip nito sa kanya. Pero, paanong hindi magiging ganu’n ang dating nito kung naisip na nitong isa siyang manloloko? 


“Totoo ‘yan. Nag-aral talaga ako ng…”


“Ginawa mo ‘yan dahil kay Santino?” Hindi makapaniwalang tanong nito. 


Kumunot ang kanyang noo. Kung hindi siya nagkakamali, may inggit siyang naaninag sa boses nito. 


“Ganyan ako magmahal,” mayabang niyang sabi. 


“Dapat ba akong mainggit?”


“Hindi mo na gugustuhing magmahal pa ng iba kapag ako ang minahal mo,” mayabang niyang sabi. Pero, siyempre joke lang iyon. Alam naman niyang walang ibang kayang mahalin ang kanyang puso kundi si Santino lang. 


“Talaga ba?” Tanong ng atribidang bahagi ng kanyang isipan.


 Itutuloy…


 

STORY - August 8, 2024


Namangha si Thunder sa mga salitang binitiwan ni Chantal. Masyado kasing malakas ang tiwala nito sa sarili. Kunsabagay, hindi naman kataka-taka iyon dahil maganda, at malakas naman talaga ang appeal nito, kaya hindi rin niya maalis-alis ang tingin niya rito.


“Napakasuwerte naman ni Santino,” bulong niya sa sarili. 


Hindi siya ang tipo ng tao na nakakaramdam ng inggit sa kanyang kapatid, pero hindi niya maiwasan ang makaramdam ng pagkaselos ngayon. Siguro dahil alam niyang may gusto ang babae rito. 


“Eh, ano naman ngayon?” Sarkastikong tanong niya sa sarili.


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. 


Crush niya ang babae at ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong damdamin. Ayaw naman niyang isipin na dahil iyon sa pag-ibig, dahil hindi siya naniniwala sa love at first. Mas gusto niyang isipin na dahil iyon sa pagnanasa. 


“Thunder Morales,” wika niya sabay lahad ng kamay. 


“Chantal Mendoza,” walang kagana-ganang sabi nito, at mabilis nitong binitiwan ang kamay ni Thunder na para bang nandidiri. 


“Ito na nga ba ang karma ko?” Manghang tanong niya sa kanyang sarili. 


Nais niya na kasing makatagpo ng babaeng hindi siya magugustuhan. Lahat na lang kasi ng babaeng nakikilala niya ay agad siyang nagugustuhan. Ayaw na kasi sa mga babaeng oportunista, pero hindi nga ba ganu’n si Chantal Mendoza? 


Oo nga’t hindi siya ang target nito kundi ang nakakatanda niyang kapatid, pero may pera rin naman si Santino. 


“Siya na ba ang girlfriend mo?” Tanong ng boses na kilalang kilala niya – ang Lolo Matias niya. 


Actually, malakas pa naman ito at masasabi niyang hindi naman kailangan ng lolo niya ng caregiver. Kaya lang, masyado itong pasaway. Kung ano ang maisipan nito, gagawin niya agad. Kaya, napagdesisyunan nilang mas maganda kung may makakasama ito palagi, ‘yun bang may makakasakay sa trip nito. 


“No way,” mariing sabi ni Chantal na para bang sinasabing hinding-hindi niya ito magugustuhan. 


Itutuloy…


 

STORY - August 9, 2024


“Ohhh,” wika ng matandang lalaki. 


Ngumisi pa ito sabay tingin kay Thunder na para bang nang-aasar.


“Akala ko pa naman nabihag na ang puso mo, kapansin-pansin kasi ang pagkutitap ng mga mata mo,” dagdag pa nito.


Hindi man siya ang kausap ng matanda, pero parang may gumuhit na init sa kanyang kalamnan. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Nabubuwisit siya pero iyon lang naman ang magagawa niya. Hindi niya rin mairapan ang lalaki dahil hindi naman ito tumitingin sa kanya. 


“Mag-a-apply siyang caregiver, lo,” wika naman ni Thunder. Napakalambing ng boses nito kaya parang bahagyang natunaw ang inis niya rito. 


“Sa iyo?” Takang tanong nito. 


Bahagyang tawa ang pinawalan ni Thunder. Naisip tuloy ni Chantal na baka siya ang pinagtatawanan ni Thunder, pero mas inisip niya na lang na gusto lang nitong mapasaya ang kanyang lolo. 


Bigla tuloy siyang napaisip kung bakit kailangan pa ng matandang lalaki ang caregiver samantalang ang lakas-lakas naman nito. 


“Para sa’yo siyempre.”


“Baliw ka, hindi ko kailangan niyan. Mas malakas pa ako sa kalabaw.”

“Sige na, lo,” wika ni Thunder. 


Siya naman ay napangiti. Niyakap pa kasi ni Thunder ang lolo nito. Pagkaraan ay may ibinulong pa ito sa kanyang lolo kaya naman napahalakhak ang matandang lalaki. 


Bigla tuloy siyang na-curious sa ibinulong ni Thunder. Pero, kahit na nangangati na ang dila niyang magtanong, pinigilan niya ang kanyang sarili. 


“Ano nga pa lang pangalan mo iha?” Tanong sa kanya ng matandang lalaki.


Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang sagutin niya ito, “Chantal po.”


“Pag-aralan mo nang tawagin akong Lolo Matias, dahil tiyak na magiging parte ka rin ng aming pamilya,” wika nito, sabay kindat sa kanya. 



Itutuloy…

 

STORY - August 10, 2024


“Lolo Matias…” wala sa loob na bulalas ni Chantal. Napangiti siya, dahil nai-imagine niyang magkasama sila ni Santino, habang magkahawak-kamay. 


“Better. Kaya lang, ayoko ng caregiver,” mariing sabi ng matandang lalaki. 


Kung mapupurnada ang pagiging caregiver niya, baka hindi na siya magkaroon ng pagkakataon na mapalapit kay Santino. 


Sa kasalukuyan kasi nangangati na ang kanyang dila na tanungin kung nasaan na ba ang kanyang crush. Pero, iniisip niya na baka mabuking siya na kaya lang siya nag-apply bilang caregiver ay para mapalapit sa binata. 


“Hindi ba ttoo?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. 


“Paano n’yo magiging kapamilya si Ms. Chantal kung…”


“Hindi ko kailangan ng mag-aalaga sa akin, dahil unang-una malakas pa ako. Ang kailangan ko ay kasama, ‘yun bang kaibigan at puwede ko ring maging apo,” mariing sabi nito. 


“Hindi n’yo ho ako papaalisin?” Naniniguradong tanong niya. 


“At bakit ko naman gagawin iyon?” Manghang tanong sa kanya ng matandang lalaki. 

“Sabi ko nga sa iyo magiging parte ka na ng aming pamilya. Kaya ano’ng dahilan para paalisin ka? Ang ibig ko nga ay mas kilalanin ka pa.”


Napalunok siya sa kaisipang iyon. Hindi kasi siya sigurado kung handa nga ba siyang isiwalat ang tunay niyang trabaho. Kapag nangyari kasi iyon, malalaman ng lahat ang tunay niyang intensyon. 


“Tiyak din na hindi mo sasabihin ang lahat kung lalagyan natin ng boundary ang relasyon natin. Mas gusto kong kilalanin kita bilang apo, at kilalanin mo ako bilang lolo.”


Biglang dumoble ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Kabadung-kabado siya. Pero, hindi niya maiwasan ang makaramdam ng katuwaan dahil hindi tulad ng mayaman ang pamilyang Morales. Sa madaling salita, hindi mahirap pakisamahan ang mga ito. Tiyak din niyang makakasundo ng mga ito ang kanyang pamilya. 


Nang maisip niya ang kanyang mga magulang, nakaramdam siya ng pangungulila sa mga ito. Ginusto niya kasing maging independent, kaya naman pinili niyang manirahan sa Manila. Kumokontra rin kasi ang mga magulang niya sa kanyang pagiging manunulat. At hindi niya gusto iyon, ibig niyang may kalayaan siyang piliin kung ano’ng gusto niya. 


“Kailan ba kayo magpapakasal ni Thunder?” Sabik na tanong ni Lolo Matias na labis niyang ikinabigla. 


Itutuloy…


 

 STORY - August 11, 2024


Hindi inasahan ni Thunder na itatanong ng kanyang Lolo Matias kung kailan nga ba sila magpapakasal ni Chantal. Sa katunayan, hindi pa nga niya ito nililigawan. Pero, siyempre, hindi niya maipagkakaila na may balak din siya pormahan ang dalaga.


Sa kaisipang iyon ay napasinghap siya. Nakaramdam kasi siya ng pagkalito kung bakit nga ba niya gagawin iyon. Dahil nga ba may nararamdaman din siya rito, o dahil ibig din niyang may mapatunayan? Pero kahit na sabihing hindi siya ang tipo ni Chantal, naniniwala pa rin siya sa kanyang sarili na maaagaw niya ang dalaga. 


“Lolo naman…” wika niya. 


“Ano’ng lolo naman?” 


“Hindi ko pa nga siya nililigawan,” wika niya sabay kamot. 


Pakiwari niya tuloy ay isa siyang teenager. Paano ba naman kasi nahihiya siyang sumulyap kay Chantal. Alam kasi niyang nainis ito sa kanyang sinabi. Pero, kahit na ganu’n ang nararamdaman nito, mas pinili niyang ngumisi.


“Aba’y ano pang hinihintay mo?” Inis na tanong ng kanyang lolo. 


Parang ibig niyang bumunghalit ng tawa, matagal na kasi itong nagre-request na mag-asawa na siya. Sabi nga nito, ibig pa nitong maalagaan at makalaro ang magiging apo niya. Subalit, ayaw naman nitong kumuha lang ng kung sino-sinong babae.


“Kaya nga dapat maging caregiver mo muna siya.”


“Ayaw ko nga ng caregiver. Subalit, puwede ko rin naman siyang makasama palagi. Dito ka na lang muna tumira, tutal sabi mo gusto mong maging caregiver.”


Pero ‘di agad tumango si Chantal. Para kasing nakakaramdam na ito ng pagkalito sa nangyayari. 


Itutuloy…




 

STORY - August 12, 2024


“Bakit hindi ka kumontra?” Inis na tanong ni Chantal. 

“Hindi ko maaatim na saktan ang kalooban ni lolo,” mabilis na sabi nito na para bang iyon lang ang naisip niyang paraan para mabigyan ng katwiran ang kanyang ginawa. 

Sinungaling,” inis niyang sabi rito.

Hindi siya makapaniwala na hindi nito kinontra ang paniniwala ng matandang lalaki. 

“Eh, bakit hindi mo rin ginawa?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. Napabuntong hininga siya sa kaisipan na iyon. Hindi rin kasi niya maatim na mapahiya si Lolo Matias. 

“Iba kasi masaktan ang lolo,” wika ni Thunder.

Malungkot na malungkot ang boses nito, kaya hindi niya napigilan ang labis na mag-alala. 

Ano’ng ibig mong sabihin?” Kabadong tanong niya. 

Hindi man niya kadugo si Lolo Matias, pero nagawa nitong hawakan ang kanyang puso. Ito kasi ang kauna-unahang tao na nagpakita ng interes na maging parte siya ng pamilya nito. 

Bigla tuloy niyang naalala ang dati niyang manliligaw na balak na sana niyang sagutin. Ipinakilala na siya nito sa mga magulang, pero hindi siya nagustuhan ng pamilya nito. Kaya naman, hininto rin ni Roy ang panliligaw sa kanya. Masyadong  nasaktan si Chantal, kaya naman hindi na siya muling nag-entertain ng ibang manliligaw. 

“Kapag nasasaktan kasi si lolo, umaalis siya. At iyon ang ayokong mangyari. Kaya nga naghanap ako ng caregiver niya. Ikaw ba, gusto mong masaktan ang lolo at lumayas?” Tanong nito.

Sunud-sunod na pag-iling ang ginawa ni Chantal. 

“Kaya, sakyan na lang natin ang paniniwala ng lolo.”

Na tayong dalawa?” Hindi makapaniwalang tanong niya. 

Yes.”

“Paano si Santino?” Bulong niya sa sarili. 

“Forget him,” mariin namang sabi sa kanya ni Thunder. 

Gusto sana niyang kontrahin ang sinabi nitoz pero natameme siya dahil sa talim ng tingin nito sa kanya. 


Itutuloy…


 

STORY - August 13, 2024


“Forget him?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Chantal.


“Si Santino nga ang dahilan kaya ako narito eh!” Dagdag pa nito.

Sa lahat ng ayaw niya ay iyong parang kinokontrol siya, pero iyon ang ginagawa ngayon ni Thunder. Para tuloy gusto niyang magalit dito. 


“Pero, bakit hindi ko magawang magalit?” Inis na tanong niya sa kanyang sarili. 

“Maaatim mo bang may hindi magandang mangyari sa lolo ko, lalo na kapag nalaman niyang ang gusto niyang maging asawa ko ay bet pala ang kapatid ko?” 


Naghahamong tanong nito sa kanya. 

Hindi siya nakakibo dahil alam niyang may katwiran ito. 


“Ikaw ang may kasalanan nito! Hindi mo pinaliwanag ang lahat sa Lolo Matias mo!”


“Magkaroon na lang tayo ng deal.”

Kumunot ang kanyang noo. Seryoso kasi ang mukha ni Thunder ng mga sandaling iyon, at para bang sinasabi nito na maniwala, at magtiwala lang siya. 


“Ano’ng deal?” 


“Kapag natapos na ang pagpapanggap natin, tutulungan kita kay Santino.”

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Para kasing may hindi tama. 



“Kailan naman matatapos ang pagpapanggap natin?”


“Kapag may iba nang mamanugangin si Lolo Matias. Siyempre sa ngayon, ipakita muna natin sa kanya na sweet tayo. At sa huli, ipaalam natin na hindi na tayo magkasundo. Kahit naman gustung-gusto ka niyang maging manugang kung makikita niyang hindi na tayo masaya, tiyak na ‘di siya tututol sa paghihiwalay natin.” 


Napabuntong hininga siya, at bigla na lamang nanikip ang kanyang dibdib. 

“Ano payag ka na?” Nananabik nitong tanong. 

Gusto niya sanang sumagot agad ng ‘yes’ pero ang bigat pa rin ng kanyang damdamin. Pakiramdam niya ay may bakal na nakadagan sa kanyang puso. 

“Yes,” wika niya. 

Itutuloy…


 

STORY - August 14, 2024


Sinabi ni Thunder sa kanyang sarili na hindi siya papayag na hindi siya makapasok sa puso ni Chantal Mendoza. Unang kita pa lang niya rito ay may kakaiba na siyang naramdaman, at tiyak niyang iyon ang sinasabi ng mga magulang niyang love at first sight. 


Dati ay hindi siya naniniwala sa sinasabi ng kanyang magulang tungkol sa unang pagkikita ng mga ito, kaya lang nang makita niya si Chantal, kakaiba talaga ang kanyang naramdaman, at para bang nakatungtong siya sa alapaap. 


“Sure kang tutuparin mo ang sinabi mo, ah?” Paniniguradong tanong ni Chantal.


“Alin?” Tanong niya.


“Ilang segundo pa lang, parang nagka-amnesia ka na agad.”


“Marami kasi akong iniisip, eh!”


“Ilan bang mga babae ‘yan?”


Kahit na may pag-aakusa ang tono ng pananalita nito, minabuti niyang huwag kumibo, pero hindi niya mapigilan ang mapangiti. Para kasing may selos siyang naaaninag sa boses nito. 


“Really?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili. 


“Akala ko ba inlab ka kay Santino?” Nakuha niyang itanong dito. 


“Yes.”


“Pero bakit parang nagseselos ka sa mga babaeng iniisip ko?”


“Sabi mo nga, hindi dapat makita ni Lolo Matias mo na may iba pa. Hindi ba sa paningin niya tayo na? Kaya mag-concentrate muna tayo sa isa’t isa.” 


“Very good.”Nakangising sabi niya. 


Sa katunayan, ang iniisip niya ay kung paano niya mapapaibig ang isang Chantal Mendoza. Sa tingin kasi niya, hindi ito nadadaan sa biglaan. Saka, kailangan muna niyang mabura sa puso't isipan nito si Santino, dahil hindi niya gugustuhing may kahati. 


“Gusto kong makilala ang pamilya mo.”


“Why?” 


“Kailangan din kasi nilang malaman na ako ang nanliligaw sa’yo.”


“Hindi ito ang gusto kong mangyari,” wika nitong parang pinagsisisihan ang pag-a-apply bilang caregiver. 

Itutuloy…


 

STORY - August 15, 2024


MARAHAS na buntong hininga ang pinawalan ni Chantal. Naguguluhan siya sa kanyang sitwasyon, hindi naman kasi talaga ito ang gusto niyang mangyari. Ang plano niya ay mapalapit kay Santino, pero ang ending, iba pa yata ang magiging boyfriend niya. 


Muli, napabuntong hininga siya sabay iling. Hindi naman niya maikukunsiderang boyfriend si Thunder, dahil hindi naman ito nanliligaw sa kanya, at wala rin siyang gusto rito. 


Napangiwi pa siya, dahil kung siya ang tatanungin, nadudungisan siya rito. Kung titingan kasi, isa itong moreno, at rugged style kung pumorma. Ang nais niya kasi sa mga lalaki ay ‘yung tulad ni Santino na prinsipe kung titingnan. Isa pa, nakakasiguro siya na may maganda itong buhay dahil mataas ang posisyon nito sa kumpanya. 


Hindi siya mapanghusga, pero sa tingin niya wala namang trabaho si Thunder dahil nasa bahay lang ito. Naisip din siya na kaya gusto nitong sundin ang lahat ng nais ng lolo nito ay dahil sa mana nito. 


Tumaas tuloy ang kilay niya. Baka naman kasi, hindi nito makukuha ang mamanahin nito kung hindi ito magpapakasal. 


“Mukhang ang lalim ng iniisip mo, ah?” Pansin ni Thunder.Nasa sasakyan sila noon. Sabi nito ay ihahatid siya sa bahay para makakuha siya ng gamit. Napabuntong hininga na naman siya. Nakaligtaan niya kasi na nasa condo nga pala siya nakatira kaya tiyak na nagtataka ito sa kanya. 


“Nagulo kasi ang plano ko eh,” wika niya. 


Marahang tawa ang pinawalan nito. Dapat sana ay makaramdam siya ng inis sa ginawa nito, pero hindi iyon ang nangyari dahil parang may kasiyahan siyang nararamdaman sa klase ng pagtawa nito. 


“Kalimutan mo na si Santino.”


“I love him. Saka may usapan tayo ‘di ba? Tutulungan mo ako sa kanya kapag natapos na ang deal natin.” 


“Right.”


“Seryoso ka ba talaga sa sinabi mo?” 


“Ang ibig kong sabihin, kalimutan mo muna siya habang nagpapanggap ka.” Nakangising sabi nito na para bang maraming alam sa kanya. 

Itutuloy…


 

STORY - August 16, 2024


“MAGUGUSTUHAN kaya ito ni Lolo Matias?” Dudang tanong ni Santino sa kanyang sarili. 


Para naman kasing ang hirap hulaan ng gusto ng matandang lalaki. Hindi dahil sa hindi nito naa-appreciate ang kanyang mga ibinibigay. Sa katunayan, lahat ng binibigay niya rito ay nagugustuhan naman nito. 


Napabuntong hininga siya sa kaisipang iyon. Dapat kasi ay makaramdam na siya ng katuwaan. Ngunit, hindi niya maiwasang isipin na parang may kulang. Ibang-iba kasi ang sayang nakikita niya sa mga mata nito kapag si Thunder ang nagreregalo. 


“Nagseselos ba ako?” Natatawang tanong niya sa sarili. 32-anyos na kasi siya, pero hindi pa rin niya maiwasan ang negatibong damdamin na iyon. 


Sa loob kasi ng 6 na taon, sa kanya lang umikot ang mundo ng kanyang mga magulang, maging ang kanyang Lolo Matias. Subalit mula nang dumating si Thunder, para bang nakalimutan na siya ng lahat.


“Mas maigi siguro kung kukunin mo na po ‘yung dalawa,” wika ng boses kaya napalingon siya rito – isang babaeng abot tenga ang ngiti. Kahit alam niyang isa itong saleslady, hindi niya napigilang isipin na may gusto ito sa kanya. Marami naman talaga ang nagkakagusto sa kanya, at lahat sila ay pinagbibigyan niya, pero never pa siyang nagseryoso. Gusto kasi niya once na nagmahal siya, siya lang at wala ng iba pa. Natawa tuloy siya sa kanyang naisip. Para kasing napakaimposibleng mangyari nu’n. Maliban na lang siguro kung super-inlab ito sa kanya. 


“Sir…?”


“Ah, yes, kukunin ko na.” Nakangiti niyang sagot. 


Kapag dumating kasi ang ganu’ng babae sa kanyang buhay, sisiguraduhin niyang hindi na ito makakawala pa sa kanya. Pero, may babae pa nga bang ganu’n? 


Bigla tuloy niyang naalala ang sinabi ng kanyang ina na once na humiling siya kay God, tiyak na matutupad. 


Itutuloy…


 

STORY - August 17, 2024


“At sino ang lalaki na ‘yan?”


Gilalas na napa-straight nang tayo si Chantal dahil sa isang matabang babae na humarang sa kanyang daanan. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala niya ang babae, ito kasi si Aling Lourdes, ang pinaka-tsismosang kapitbahay nila sa Nueva Ecija. 


“Ano hong ginagawa n’yo rito?” Tanong niya sa halip sagutin ang tanong nito. Hindi kasi niya inaasahan na makikita niya ito sa lobby ng kanyang condo. 


“Dadalawin ko ang pamangkin ko. Dito rin kasi siya nakatira.”


Ikinabigla niya iyon, pero hindi siya nagpahalata, at sabay sabing, “Ganu’n ho ba, o, sige ho. Nagmamadali ho kami eh,” sabi na lang niya. 


Napasinghap naman siya nang ma-realize niyang magka-holding hands pala sila. Hindi niya namalayan na sa kamay nito siya napahawak. Ang importante lang kasi sa kanya ng mga sandaling iyon ay matakasan si Aling Lourdes. Subalit, sa nakita nitong paghawak niya sa kamay ni Thunder, tiyak na mababalita na agad nito sa magulang niya na may boyfriend siya. 


“Hindi ko boyfriend si Thunder!” Paalala niya sa sarili. Buong diin ang pagkakasabi niya sa mga katagang iyon dahil parang nalilito na siya. 


Napabuntong hininga siya, nang bigla niyang maalala ang madalas sabihin ng kanyang ina na mas matatanggap umano nito kung mag-asawa siya nang maaga kaysa mamuhay na mag-isa. 


“Bakit ba parang kabadung-kabado ka? Sino ba iyon?” Tanong sa kanya ni Thunder. 


Ang ini-expect niya ay nakakunot ang noo nito. Pero hindi ganu’n ang naging hitsura nito. 


“Siya lang naman ang pinaka-tsismosa sa lugar namin.”


“Naku, kailangan ko na yatang humarap sa parents mo.”


“At bakit naman?” 


“Tiyak kasing ikakalat niya na may ka-live-in ka na,” wika niya bago paandarin ang sasakyan. 


Itutuloy…


 

STORY - August 18, 2024


Dapat sana ay pagtawanan lang ni Chantal ang sinabi ni Thunder, subalit kinabahan siya. Napahawak pa rin siya sa kanyang dibdib. Hindi nga imposible na makarating agad sa magulang niya ang nakita ni Aling Lourdes na numero unong tsismosa sa lugar nila. 


Kinagat niya ang kanyang ibabang labi, tiyak na kapag nagsabi ng ganu’n ang tsismosa nilang kapitbahay, paniguradong masasaktan ang kanyang magulang. 


Ang magulang niya ay may pagka-konserbatibo, kaya nagdadalawang isip din ang mga ito na payagan siyang mag-solo.


“Hindi naman siguro,” wala sa loob niyang sabi. 


Pero, biglang nag-ring ang kanyang cellphone. At mas lalo siyang kinabahan nang makita niya kung sino ang tumatawag - ito ay walang iba, kundi ang kanyang ina. 

“Bakit hindi mo sagutin?” Kabadong tanong ni Thunder. 


“Ano’ng sasabihin ko?”


Natawa si Thunder sa kanya, pero wala siya sa mood para mainis o mairita rito. Para kasing nakikita na niya ang disappointment sa mukha ng kanyang ina. 


“Mag-hello ka muna,” wika nito. 


Kahit na kinakabahan siya, sinunod niya pa rin ang sinabi ni Thunder. Sa mga sandaling iyon, takot na takot na siya sa kanyang ina. 


“Hello po,” wika niya. 


“Ang tagal mo namang sagutin?” Sambit nito. 


Hindi niya alam kung dapat na nga ba siyang makahinga dahil hindi naman galit ang tono ng kanyang ina. Mas lamang pa nga ang pagdaramdam nito. 


“Nasa sasakyan po kasi ako,” wika niya. 


“Ay bakit sumasagot ka ng tawag kung nasa jeep ka pala? Gusto mo bang maagawan ka ng cellphone?” Sagot nito, sabay baba ng tawag. 


“Masyado talaga akong mahal ni Lord,” wika ni Thunder. 


“Kukunin ka na ba niya?”


“Ibinigay kasi niya ang makakapagpaligaya sa akin, at ikaw iyon.”


Nagulat siya sa sinabi nito, lalo na nu’ng ihinto nito ang sasakyan, at bigla siyang kabigin para halikan sa labi. 


Itutuloy…


 

STORY - August 19, 2024


“Huwag kang pumayag!” Gigil na sabi ni Chantal sa kanyang sarili. 


Gusto niya sanang sampalin si Thunder, dahil hindi naman sila magkarelasyon. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Ang tanging dahilan kaya siya pumayag na ‘makipagrelasyon’ dito ay dahil ayaw niyang masaktan si Lolo Matias na kasalukuyang umaasa na magkakaroon sila ng happy ending. 


Eh, paano si Santino?” Tanong niya sa sarili. 


Hindi niya dapat makalimutan na si Santino ang dahilan kaya ginagawa ang lahat ng ito. 


Pero, bakit kahit na pumasok na sa isip niya si Santino, hindi pa rin niya magawang itama ang lahat? 


Sa halip kasi na itulak niya si Thunder, kumapit pa siya sa batok nito para mas maramdaman niya ang labi nito.


Mukhang tuluy-tuloy na ang pagpapanggap natin ah?” Nakangising sabi ni Thunder. 

Hindi dapat magbago ang usapan natin,” mariin niyang sabi.  


Kumunot ang noo nito, at sabay tanong na, “Si Santino pa rin ba ang gusto mo?” 

“Of course,” wika niya. 


“Liar.”


Kung sinungaling ako, hindi ko aaminin na gusto ko ang kapatid mo. Hindi rin ako magpapanggap na…”  Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya dahil napansin niyang titig na titig sa kanya si Thunder. 


“Hindi ka talaga caregiver?”


Nag-aral ako ng caregiver, dahil gusto ko ring ma-experience na mag-alaga ng matanda para sa istorya ko.”


“Manunulat ka?” 


“Yes.”


“Fantasy?” 


Romance story,” pagtatama niya. 


“At sa istorya mo si Santino ang bida?” 


“Siyempre, wala ng iba,” nakangiti niyang sabi, pero bigla na namang nag-flash sa kanyang isipan ang eksena ng halikan nila. 


“Erase, erase, erase!” Sabi niya sa isip, pero hindi niya iyon makalimutan. 


Kahit ano’ng gawin niya, ‘di mawala sa isip niya ang kanilang ginawa. Sa katunayan, first kiss niya si Thunder. Hindi niya tuloy napigilan ang kanyang sarili na mapasigaw, ang gusto kasi niyang mangyari ang unang makakahalik sa kanya ay ‘yun bang mahal niya. 


Itutuloy…



 

STORY - August 20, 2024


“NINAKAW mo ang first kiss ko!” Inis na sabi ni Chantal kay Thunder. 

Kung maaari lang sana siyang bumalik ng ilang minuto paniguradong hihilingin niya iyon, pero ‘di na niya itinuloy pa kanyang iniisip. Paano ba naman kasi muli na naman niyang naalala ang kanilang kissing scene. 


“No!” sabi ng utak niya, pero bakit parang gustong kumontra ng kanyang puso? 


“Ako ang first kiss mo?” Parang hindi makapaniwalang tanong nito, sabay ngiti. 


“Hindi ako sinungaling”! Iritang sagot nito, sabay irap. 


“Puwes sisiguraduhin kong ako na rin ang magiging last kiss mo.”


Parang na-paralyze ang kanyang bibig dahil hindi niya masabi na si Santino na ang gusto niyang mahalikan sa susunod. Para kasing kumokontra ang kanyang utak at katawan. Hindi rin naman kasi siya ang tipo ng babae na gugustuhing makipaghalikan nang makipaghalikan kung kani-kanino. 


“Hindi na ako papayag na maaagaw ka pa sa akin. Kahit pa sabihing kapatid ko ang gusto mo,” buong diin nitong sabi sa kanya. 


Dapat sana ay matakot siya rito dahil parang determinado itong hadlangan ang kanyang pangarap. 


Ang pangarap kasi talaga niyang mapangasawa ay walang iba kundi si Santino. Unang kita pa lang niya rito, nabihag na agad ni Santino ang kanyang puso. 


“Pero hindi naman tayo!”


“Gusto mo bang ligawan pa kita hanggang sa ma-realize mo na ako talaga ang mahal mo?” Seryosong tanong nito sa kanya. 


Matiim na matiim ang tingin nito sa kanya na para bang sinasabing gagawin nito ang lahat makuha lang ang pag-ibig niya. 


“Shucks!” Hindi niya napigilang sabihin. 


Ramdam kasi niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. 

Itutuloy…


 

STORY - August 21, 2024


“DAMN!” Hindi mapigilang bulalas ni Thunder nang makita niyang nakaparada sa harap ng mansyon ang kotse ni Santino. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Okey lang naman sa kanya na dumalaw doon ang nakakatanda niyang kapatid, dahil after all, apo pa rin naman ito ng kanyang Lolo Matias. 


“Hindi sana sa panahong ito!” Buwisit niyang sabi sa kanyang sarili. 


Bahagya niyang sinulyapan si Chantal na halatang nagtataka sa kanyang ginawa. Hindi kasi nito itinuloy ang pagbusina upang pagbuksan sila ng gate. Pinag-iisipan niyang mabuti kung itutuloy ba niya ang pagbusina o hindi. Alam niya kasing maaaring masira ang plano niya kay Chantal kapag pinilit niyang pumasok sa mansyon. 


Sa katunayan, gustung-gusto na niya si Chantal. Hindi siya ‘yung tipo ng tao na basta-basta na lamang manliligaw at makikipagrelasyon, lalo na kung hindi naman talaga siyang sigurado at seryoso.


Kaya nakakatiyak siya na may pagtingin na nga siya kay Chantal. Ngayon pa nga lang ay parang ayaw na niya itong ipakita pa sa ibang lalaki, at lalung-lalo na kay Santino. 


Para bang anytime puwedeng madurog ang kanyang puso, lalo na kapag iniisip niyang may gusto si Chantal sa nakakatanda niyang kapatid. Hindi rin niya mapigilan ang ‘di kabahan. Dati kasi kapag may babae siyang nagugustuhan, agad na nililigawan ni Santino. 


Tiyak niyang hindi coincidence ang panliligaw nito sa mga naging crush niya, dahil ramdam din niya ang galit ito sa kanya. Pakiramdam kasi ni Santino, inagaw niya ang lahat ng pagmamahal ng kanilang mga magulang. 


“Ano bang nangyayari sa’yo?” Nagtatakang tanong sa kanya ni Chantal. 

Gusto pa sana niyang magkaila, pero alam niyang wala namang patutunguhan iyon. 


“Nandyan siya.”


Kumunot ang noo nito, at sabay tanong na, “Sino?”


“Si santino,” matabang nitong sagot. 


“Talaga?” Manghang bulalas nito, habang nagniningning ang mga mata. 


Itutuloy…

 

STORY - August 22, 2024


BIGLANG sumama ang timpla ni Thunder dahil sa kakaibang saya na nakikita niya sa mukha ni Chantal. 


“Basta huwag mong kakalimutan ang usapan natin,” matabang niyang sabi. 

Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Kung maikli lang ang kanyang pasensya, baka nagwala na siya ngayon. Hindi pa ba sapat ang halik niya para makalimutan na ni Chantal si Santino? Hindi man nito sabihin, ramdam niyang naapektuhan din ang dalaga sa nangyari. Pero, ngayon parang gusto niyang magsisi sa desisyon niyang sabihin kay Chantal na nasa loob si Santino. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng takot na baka mawala pa sa kanya si Chantal.


“Let’s go na.”


“Alalahanin mo ang usapan natin.”


“Hindi ba puwedeng…”


“Shut up! Ang usapan ay usapan,” nagpa-panic niyang sabi. 


“Alam ko naman, kaya huwag kang mag-alala. Hindi ko sisirain ang usapan natin. Saka, nakita ka na ni Aling Lourdes.”


“Very good,” nakangisi niyang sabi. 


Para tuloy gusto niyang hanapin ang matandang babae na iyon, at pasalamatan sa naging presensiya nito kanina. 


“Bumusina ka na.”

Ginawa naman niya ang sinabi ng kanyang mahal, pero kinakabahan siya sa posibleng mangyari. Bigla na naman tuloy nabuhay ang insecurity sa kanyang katawan. 


“Oh, nandito na pala ang kapatid mo,” nakangiting sabi ni Lolo Matias. 


Gusto niyang ipakita kay Santino na si Chantal ang girlfriend niya. Kaya naman agad niya itong inakbayan. Pagkaraan ay hinawakan niya ang baywang nito para sabihing ‘akin lang siya’. At hindi na niya hahayaan pang maagaw ito ni Santino. 

Itutuloy…


 

STORY - August 23, 2024


Nakaramdam ng matinding kasiyahan si Santino, dahil wala si Thunder sa paligid nang magpunta siya sa mansyon ng kanyang Lolo Matias. Ibig sabihin, maso-solo niya ang atensyon nito. 


Napabuntong hininga siya dahil kahit 30+ na siya, hindi pa rin nawawala sa kanyang puso ang selos na nararamdaman niya para sa kanyang nakakabatang kapatid. 


Kung minsan tuloy ay naiisip niyang parang si Thunder lang ang apo nito. Pero, ang paulit-ulit na lang niyang iniisip ay tunay din naman siyang anak ng kanyang magulang. 


“Ikaw, kumusta ka naman?” Tanong sa kanya ng kanyang Lolo Matias. 


Marahan siyang tumawa. Naunahan kasi siyang tanungin nito. Gayung mas kailangan pa nga niya itong kumustahin dahil matanda na ito. 


“Okey naman po ang takbo ng negosyo,” wika niya.


“Hindi ko tinatanong ang negosyo dahil alam kong okey na okey ‘yan. Ang gusto kong malaman ay ikaw. Kumusta ka na?” 


“Okey na okey naman ako, lo. Marami na akong salapi,” wika niya sabay tawa. 


Pero parang hindi nagustuhan ni Lolo Matias ang kanyang sagot dahil hindi man lang ito napangiti. 


“Ano’ng problema?” Inis niyang tanong sa sarili. 


Kapag kasi si Thunder ang nagsasalita, sobrang tuwa nito kahit maliit o walang kakuwenta-kuwenta ang achievement nito. 


Dahil nais niyang mapansin ng kanyang magulang, nag-aral siyang mabuti. Mula elementary hanggang high school, valedictorian siya. 


May trahedya mang dumating sa kanilang buhay, hindi siya nagpatinag. Sa isip kasi niya, siya lang ang pamamanahan ng Toy Factory ng kanilang pamilya. Hindi nga lang niya alam sa kanyang Lolo Matias kung bakit hindi pa nito ibinibigay sa kanya ang buong kumpanya. 


Ayaw naman niyang isipin na si Thunder pa ang pamamanahan nito, dahil hindi siya papayag kapag nangyari iyon. Siya ang panganay, kaya sa kanya dapat ito mapunta. 


“Mas maigi pa rin na may pamilyang magmamahal sa’yo. Baka naman maunahan ka pa ni Thunder na mag-asawa?”


“May girlfriend na si Thunder?” Gilalas niyang sabi. 


Fiancée,” agaw naman ng boses na kinaiinisan niya. 


Ayaw sana niyang tingnan ito, pero parang may sariling utak ang kanyang mga paa, at mukha na lingunin ito. At sa paglingon niya, ikinagulat niya ang babaeng katabi nito, pamilyar na pamilyar kasi iyon sa kanya. 


Itutuloy…


 

STORY - August 24, 2024


“Santino…” halos pabulong na bulalas ni Chantal. 


Kahit aware siyang makikita niya ito sa loob ng mansyon, hindi pa rin siya makapaniwala na makakaharap niya na ito. Pero, parang may nagbago sa kanyang damdamin, dahil para bang nabawasan ang kanyang kasiyahan. 


“Dahil ba ito kay Thunder Morales?” Nanunudyong tanong ng kanyang isip. 


Pagkaraan ay umiling-iling siya. Ayaw niya na kasing isipin pa ang naging halikan nila ni Thunder, at sa tingin niya may kinalaman ito sa kanyang nararamdaman ngayon.


“Pero tumugon ka nga sa halik niya,” paalala niya sa kanyang sarili. Sa puntong iyon, gusto niyang maiyak dahil pakiramdam niya ay nagtaksil siya kay Santino. 


“Hey, baka naman kay Thunder ka nagtataksil?” Dagdag pa niya sa kanyang sarili. 


Hindi niya dapat kalimutan ang kanilang pinag-usapan. Saka, hindi niya rin gugustuhing masaktan si Lolo Matias. 


“Chantal Mendoza, right?” Nakangiting tanong nito. 


Napalunok siya bigla, at sabay tanong ng, “Kilala mo ‘ko?”


“Paano ba namang hindi ko makikilala ang isang napakagaling na manunulat ng Librong Prosa?” Nakangiting sabi pa rin nito sa kanya. 


“Hindi ko akalain na nagbabasa ka pala ng love story,” wika naman ni Thunder kay Santino. 


Nang lingunin ni Chantal si Thunder, kitang-kita niya ang pagkunot ng noo nito. 

“Secretary ko ang mahilig magbasa n’yan,” nakangiting sabi ni Santino. 


Nang ibalik niya ang tingin kay Santino, nakita niyang nakangiti at nakatitig ito sa kanya. Siya naman ay napasinghap, pakiramdam kasi niya ay alam na nito ang kalimitang bida sa mga istorya na kanyang ginagawa. 


May mga pagkakataon din naman kasi na Santino ang pangalan ng kanyang bida, at ang apelyido ng bidang babae ay Morales. Kaya, kung nagbabasa ang secretary nito, malamang nakita nito na mayroong Santino at Morales sa kanyang sinusulat. Bigla tuloy siyang kinabahan ng mga sandaling iyon. 


Itutuloy…


 

STORY - August 25, 2024


“Siya ang fiancée ni Thunder?” Tanong ni Santino sa kanyang sarili. 


Gusto sana niyang maniwala na mahal ni Chantal Mendoza ang nakababata niyang kapatid, pero pamilyar sa kanyang ang sinusulat ng dalaga. 


Ang Toy Factory ng kanyang pamilya ay katapat lamang ng pinagsusulatang publication ni Chantal. Palagi niya itong nakikita kaya hindi niya mapigilan tanungin ang kanyang sarili kung sino ba nga ba ito? Bukod doon ay kita rin naman niya na may hitsura at kaseksihan itong ipagmamalaki. Pero, hindi dahilan iyon para magkainteres siya sa dalaga. 


Iisa lang naman kasi ang nakakapagbigay ng interes sa kanya. Siyempre, iyon ay kung may perang involve. Kahit na alam niyang no. 1 writer ito sa publication na pinagsusulatan, hindi siya nagkainteres dito. Pero, ngayon niya lang na-realize na parang may iba. 


Umiling siya para itama ang kanyang sarili. Sabi niya kasi kanina ay pera lang ang dahilan kaya nagkakainteres siya sa isang tao. Totoo naman iyon, pag-uukulan niya ito ng pansin kapag alam niyang may pera siyang mapapala rito. Pero, sa pagkakataong ito may isa pang dahilan para magkainteres siya sa isang babae, lalo na kapag involve si Thunder.


Para sa kanya, napakalaki ng kasalanan ni Thunder, inagaw na nito ang pagmamahal ng mga magulang niya sa kanya. At mas nainis pa siya rito, dahil namatay ang kanilang magulang. Kaya naman kapag may pag-aari ito, nais niyang maagaw ang mga iyon, kahit pa ang mga babaeng natitipuhan ng kanyang kapatid. 


Magaling siyang mambola, kaya naman madali niyang nagagawa iyon. Masyado rin siyang nasisiyahan kapag nakikita niyang nasasaktan si Thunder. 


“Sure ka bang ikaw ang gusto ng magandang dilag na ito, Thunder?” Kunwa'y malambing na malambing niyang tanong, sabay tingin kay Chantal na hindi gaanong makatingin sa kanya. 


At siyempre, may ideya na siya kung ano’ng dahilan. Para tuloy bigla niyang narinig ang boses ng kanyang secretary na nagsasabing, “Panigurado akong malaki ang paghanga sa inyo ni Chantal Mendoza, boss.”


Itutuloy…


 

STORY - August 26, 2024


Mahigpit na mahigpit ang pagkakahawak ni Thunder sa kanyang kamay. Hindi tuloy napigilan ni Chantal ang mapatingin at mapangiti rito. Para naman kasing sinasabi nito na wala itong balak na pakawalan siya. 


Ayaw din naman niyang kumawala. Sa kaisipang iyon ay hindi niya mapigilan ang mapasinghap. Pakiramdam niya kasi ay marami na ang nagbago. Tantiya niya,  malaki ang kinalaman ng halik ni Thunder. 


Shucks, hindi niya namalayan kasi bigla niyang hinaplos ang kanyang labi nang maalala niya ang halikan nila ni Thunder. Pero, mas namula ang kanyang mukha nang mapagtanto niyang ang pinanghahaplos niya ay ang kamay na hawak din ni Thunder. 


Oh, parang gusto niyang lumubog sa kanyang kinatatayuan dahil kitang-kita niya ang pagngiti ni Thunder na para bang alam na nito kung ano’ng tumatakbo sa kanyang isipan.


“Umupo na kayo,” wika ni Lolo Matias. 


Ngumiti siya nang ibaling dito ang kanyang tingin. Para kasi itong anghel na nagligtas sa kanya sa kapahamakan. 


“Kapahamakan?” Natatawang sabi niya sa kanyang sarili.


Para naman kasing napaka-oa niya. Kunsabagay, bigla naman talagang bumibilis ang pintig ng kanyang puso kapag nandyan si Thunder. 


“Hindi ba dapat si Santino ang dahilan kaya bumibilis ang kabog ng aking dibdib?” Tanong niya sa sarili. 


Para kasing nag-iba ang kanyang pakiramdam sa pagkakatitig sa kanyang nito.

 

“Palagi kitang nakikita sa publication n’yo,” wika ni Santino. 


Dapat ay masiyahan siya sa sinabi ni Santino, pero napakunot ang kanyang noo. Para kasing hindi kapani-paniwala ang sinasabi nito. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Halata kasing nilalandi siya nito kahit na katabi niya ang kanyang fiancé na kapatid nito. 


Itutuloy…

 

STORY - August 27, 2024


“AKO ang gusto ng babaeng ito,” sabi ni Santino sa kanyang sarili. 


Matalas ang kanyang pakiramdam, kaya naman nalalaman niya agad kapag ang babae ay may gusto sa kanya. 


Sa palagay nga niya kaya ito nag-apply bilang caregiver para magpapansin sa kanya. Kahit na maraming babae ang nagpa-cute sa kanya, hindi siya nagkainteres sa mga ito.

Kahit na matatanda na sila, gustung-gusto pa rin niyang nasasaktan ang kalooban ng nakababata niyang kapatid. 


“So, kailan ang kasal?” Tanong niya. 


“Soon,” wika naman ni Thunder. 


“Kailan?” Tanong niya kay Chantal, habang inaakit ito. 


Alam naman niyang madali niya iyong magagawa dahil nakatitiyak siya na siya ang gusto ni Chantal. 


“Hindi pa namin iyon napag-uusapan.” Nakakunot noong sagot ni Chantal. 

Panigurado kasing napapantastikuhan ito sa kanyang ginagawa. 


“Sabihin ninyo sa akin kung kailan.”


“Para saan? Para mahadlangan mo?” Inis na tanong sa kanya ni Thunder. 

Kahit na gusto niyang sumagot ng ‘yes’ mas pinili niyang itikom na lamang ang kanyang bibig. 


“At bakit ko naman gagawin ‘yun?”


“Ikaw ang makakasagot niyan.”


Marahang tawa ang pinawalan ni Santino. Totoo naman kasi ang sinasabi ni Thunder, dahil handa niyang gawin ang lahat para lamang mahadlangan ang kaligayahan nito. 


“Hindi mo na ito magagawa this time.”


“Wow, masyado ka yatang confident sa pagmamahal ng fiancée mo?” Inis nitong sagot. 


Kahit na alam niyang naroroon si Lolo Matias, hindi niya napigilan ang kanyang sarili na maging masungit sa kanyang kapatid. 


“Yes,” mayabang nitong sabi. 


“Maniniwala na sana ako kung wala lang akong alam eh!” Wika niya. 


“Tunay naman talaga kaming nagmamahalan,” wika naman ni Chantal. 

Itutuloy…


 

STORY - August 28, 2024


NAPAGTANTO ni Chantal na kahit pala sobra niyang gusto si Santino, makakaramdam pa rin pala siya rito ng inis. Pakiramdam kasi niya ay binu-bully nito si Thunder, at hindi niya iyon papayagan. Kailangan niya itong ipagtanggol, dahil tiyak niyang kailangan din nito ng kakampi. 


Bigla tuloy siyang natigilan. Kung umakto kasi siya ngayon akala mo talaga tunay siyang girlfriend ni Thunder Morales. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Naalala niya kasi ang usapan nila ni Thunder na kailangan nilang magkuwaring magkarelasyon. 


“Talaga bang nagmamahalan kayo?” Sarkastikong tanong sa kanya ni Santino. 

“Oo naman,” may katarayan niyang sabi. 


Tinitigan pa niya ang mga mata nito dahil gusto niyang patunayan dito na hindi siya nagsisinungaling. 


“Kailan pa?” Nang-iinis nitong tanong habang nakangisi. 


Talaga kasing parang gusto nitong sabihin na hindi nito pinaniniwalaan ang kanyang sinasabi. Hindi tuloy niya mapigilan ang mapalunok. May palagay kasi siyang kaya ganu’n ang impresyon nito ay dahil alam nito na ito ang crush niya. 


“Interview portion ba ito?” Inis na tanong ni Thunder. 


“Gusto ko lang naman makilala ang future hipag ko.” 


May diin ang pagtukoy sa kanya ni Santino. Gayunman, umiling siya dahil sa palagay niya ay may mali sa kanyang iniisip. 


“Talagang dapat mo siyang kilalanin bilang asawa ko,” buong diing sabi ni Thunder. 

“Kumain na nga tayo, puro kayo daldalan na walang katuturan,” Sambit ni Lolo Matias. 

Kahit sa walang gana kumain si Chantal, pilit pa rin siyang kumain. 


Itutuloy…

 

STORY - August 29, 2024


LABIS na nasiyahan si Thunder dahil sa mga sinabi ni Chantal kay Santino.

Ramdam kasi niya kung paano siya ipaglaban ni Chantal sa kapatid niyang walang ibang ginawa kundi asarin at pagtripan siya.


Napabuntong hininga tuloy siya. Ang nais naman kasi niya ay magkasundo sila ni Santino na nag-iisa niyang kapatid. Kaso, hindi iyon ang nangyayari, dahil palagi nitong ipinararamdam sa kanya na isa siyang kaaway. 


At ngayon ay nakaramdam na naman siya ng takot. Simula pa lang kasi ay alam na niyang nasisiyahan si Santino kapag nakikita nitong nasasaktan at nahihirapan siya.


Sa palagay niya, iyon ang paraan nito para paghigantihan siya. Sa isip kasi nito ay inagaw niya ang pagmamahal ng kanilang magulang. 


Ayon sa kanyang Lolo Matias, nasanay umano itong tutok sa kanya ang pagmamahal ng kanilang magulang. 


At mas nagalit sa kanya si Santino, dahil mas naging paborito siyang apo ng kanilang Lolo Matias. 


Kaya naman, ginagawa ng kanyang kuya ang lahat para lamang makuha ang mga gusto niya. 


Hindi niya tuloy mapigilan ang kabahan na baka agawin din ni Santino sa kanya si Chantal.  


“Hindi ba ikaw ang nang-agaw?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. 


Simula pa lang ay alam na niyang si Santino ang gusto ni Chantal, pero ginamit niya ang kanyang lolo para makuha ang atensyon ni Chantal. Siyempre sa huli ay nais din niyang makuha ang pagmamahal nito. 


“Thank you,” bulong niya kay Chantal. 


Nginitian siya nito, at sabay kuha ng kanyang kamay. 

Pakiramdam tuloy ni Thunder, nadagdagan ngayon ang kanyang kakampi, kaya naman labis siyang nasiyahan. 


Sa katunayan, may damdamin na siya kay Chantal. Kaya naman sinabi niya sa kanyang sarili na hinding-hindi niya hahayaang mawala sa kanya si Chantal, at nangako pa siya sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat para makuha lamang ang pag-ibig nito. 

Itutuloy…

 

STORY - August 31, 2024


Naningkit ang mata ni Santino nang masaksihan niya na hinalikan ni Chantal si Thunder. Nanikip ang kanyang dibdib sa sobrang galit. ‘Yun din kasi ang nararamdaman niya noon sa tuwing nakikita niyang nilalambing ng kanilang magulang si Thunder. 


“Ang sakit!” 


Ang atensyon kasi ng kanilang magulang ay nakatutok lang kay Thunder na para bang ito lang ang anak ng mga ito. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Hindi siya makapaniwala na muli na naman niya iyong mararamdaman. “Damn!” Buwisit niyang sabi sa sarili. 


Nakakasiguro kasi siya na siya talaga ang gusto ni Chantal Mendoza, pero sa isang iglap ay nawala iyon – dahil kay Thunder. 


“Ang sweet nila, ‘no?” Tanong ng isang boses mula sa kanyang likuran. 


Kahit na hindi niya ito lingunin, alam niyang nakangiti ang kanyang Lolo Matias. 


“Hindi n’yo ba sila susugurin?” Inis niyang tanong sabay lingon. 


Kahit hindi tama ang ginagawa ni Thunder, hindi makuhang magalit ng matanda rito. Samantalang kapag nakakagawa siya ng pagkakamali, hinahambalos siya nito ng tungkod. 


Kunot na kunot naman ang noo nito nang lingunin siya, at sabay sabing, “At bakit ko naman gagawin iyon?” 


“Naghahalikan sila.”


“Kasi nagmamahalan sila,” nakangising sabi nito. 


Biglang bumigat ang dibdib niya sa sinabi ni Lolo Matias. Para kasing may boses na nagsasabi sa kanya na natalo na naman siya ni Thunder. 


“Maghihiwalay din sila,” bulong niya. 


Handa niya kasing gawin ang lahat para mabawi ang taong alam niyang nagmamahal sa kanya. Naningkit ang kanyang mga mata. Hindi niya hahayaan na makuha ni Thunder ang mga taong para sa kanya. 


“May plano ka bang paghiwalayin sila?” Mabalasik na tanong ng kanyang Lolo Matias. 


Kahit na matanda na si Lolo Matias, nakakaramdam siya ng takot kapag tumataas ang boses nito. Gayunman, tinikom niya ang kanyang bibig. Tila nabasa kasi nito ang nilalaman ng kanyang utak. 


“Subukan mong gawin iyan at mawawala ang lahat sa’yo,” nagbabantang sabi nito, pero alam niyang kayang-kaya iyon gawin ni Santino. 

Itutuloy…

 

STORY - September 1, 2024


KUMUNOT ang noo ni Santino sa isinagot sa kanya ni Lolo Matias. 

Marahas na buntong hininga tuloy ang kanyang pinawalan. Kailangan niyang itaboy ang sakit na kasalukuyan niyang nararamdaman. Kung makapagsalita naman kasi ang kanyang lolo parang hindi siya nito kadugo. 


Kung pagmamahal at atensyon lang ang pag-uusapan, napakalaki ng lamang ni Thunder sa kanya. 


Gusto sana niyang isipin na kaya mas mahal nito ang bunso niyang kapatid, dahil mas napalapit ito sa matandang lalaki, pero iba ang pakiramdam niya. 


“Mahal na mahal n’yo ho talaga si Thunder, ano ho?” Kunwa'y tanong niya. 

Pinigilan niyang maging sarkastiko dahil baka mahambalos na naman siya ng tungkod nito. 


Mabilis na sumagot ito, at sabay sabing, “Aba siyempre, siya ang kaisa-isa kong...”

Bigla siyang napatingin dito at napahinto naman ito sa kanyang sinasabi. Kinabahan tuloy siya, pero wala siyang lakas na loob na magtanong. Ngayon pa lang kasi ay naninikip na ang kanyang dibdib. 


“Basta huwag kang gagawa ng mga bagay na ikakasama ng loob ni Thunder.”“Paano kung hindi naman talaga sila magkarelasyon?” Nahagilap niyang itanong. 


Nagsalubong ang kilay nito, at sabay sigaw na, “Sinasabi mo bang niloloko lang ako ng apo ko?!”


“Lo, apo mo rin ako!”


Bahagyang tawa naman ang ginawang tugon ng matandang lalaki. 


“Itatakwil mo ba akong apo kapag nalaman mong ako talaga ang gusto ng babaeng ‘yan at hindi si Thunder?” Galit niyang tanong dito. 


“Bulag ka ba? Hindi magiging super sweet ang dalawang ‘yan kung nagpapanggap lang sila. 

Ang mga nagpapanggap ay iyong nandidiri sa isa’t isa kapag magkasama. Tingnan mo nga sila, hanggang ngayon ‘di pa ring naghihiwalay ang mga labi nila. 


Isa pa nga pala, hinding-hindi kita maitatakwil bilang apo dahil hindi naman talaga kita tunay na apo,” buong diing sabi nito. 


Ayaw niyang marinig ang mga salitang iyon, pero ngayon ay harap-harapang sinabi iyon sa kanya. Pakiramdam niya tuloy ay may malaking kamay na pumiga sa kanyang puso, kaya sobra ang sakit na nararamdaman niya.

Itutuloy…

 

STORY - September 2, 2024


“SO, sino ako?” Galit na tanong ni Santino sa kanyang sarili. 


Hindi niya kasi matanggap ang ginawang pag-amin sa kanya ng kanyang lolo.  

Napasuntok siya sa pader dahil naiinis siya sa kanyang sarili. Ginalit niya ang matandang lalaki, kaya ibinulalas nito ang matagal na niyang hinihinala. 


“Inampon ka ng mga kinilala mong magulang, dahil akala nila hindi na sila magkakaanak.

Nu’ng una ay ayaw nga pumayag ng ina mo dahil baka hindi ka raw niya magawang mahalin tulad ng pagmamahal sa tunay na anak. 


Ngunit, may nagsabi sa kanya na masuwerte ang nag-aampon, mas magkakaroon ng tsansa na magkaanak.”


Masyado siyang nabigla kaya naman hindi siya nakakibo. Ang tanging nagawa lang niya nang mga oras na iyon ay tumitig kay Thunder. Pakiramdam niya kung hindi ito dumating sa buhay nila, hindi niya malalaman ang totoo. 


“Ngunit, nagawa ka rin namang mahalin ng mga magulang mo. Sadyang iba lang ang pagmamahal nila sa tunay nilang anak.” Buong diing sabi nito. 


Kahit na nalaman niya na kung ano’ng totoo, ang galit na nararamdaman niya para kay Thunder ay hindi pa rin nawala. Sa halip, mas lalo pa itong nadagdagan at nais niya ring masaktan ito. 


Kailangan niyang kunin ang pinakamahalagang bagay na mayroon ito. Umiling siya, dahil tiyak niyang hindi niya makukuha ang yaman na mayroon si Thunder. Baka nga siya pa ang mawalan, alam niya kasing hindi nagbibiro si Matias Morales. 


Ngayon, lubos na niyang naiintindihan kung bakit hindi nito mai-turnover sa kanya ang Toy Factory. 


Pero, hindi pa rin siya talo, dahil alam niyang mas masasaktan si Thunder kapag inagaw niya si Chantal Mendoza. 

Itutuloy…

 

STORY - September 3, 2024


PARANG naka-jackpot si Thunder sa sobrang kasiyahan.

Kung maaari lamang na hindi na matapos ang halikan nila ni Chantal ay gagawin niya, mas lalo tuloy siyang nakasigurado na siya na ang gusto nito at hindi na si Santino. 


“Wala nang bawian, ha?” Wika niya. 


Gayunman, hindi pa rin niya gustong pawalan ito. Para ngang gusto na naman niya itong halikan, gayung ilang segundo pa lang magkahiwalay ang kanilang mga labi.

Kumunot naman ang noo ni Chantal, hindi niya kasi nage-gets ang kanyang sinasabi nito.


“Ano’ng wala nang bawian?”


“‘Yung sinabi mong I love you.” Nakangiting sabi niya. 


Wala naman akong sinabi ah?”


“Ano’ng wala kang sinabi?”


I love you,” wika nito.


Siya naman ay lalong napangiti, sabay sagot ng, “I love you too.”

“Mahal mo ako? Masyado ka naman yatang nagpapadala sa palabas natin.”

Maang siyang napatingin dito. Hindi agad siya nakakibo. Para kasi siyang biglang nagka-amnesia at nakalimutan niya ang pinag-usapan nila ni Chantal, at nang maalala iyon, bigla na lamang siyang natawa. 


“See…”


“Hindi ako natawa dahil gusto kong sabihing tama ang hinala mo. Mali ka ru’n dahil actually, style ko lang iyon para mapapayag kita na maging tayo.”

Parang ayokong maniwala sa sinasabi mo.”


Hindi naman siya nagtataka kung hindi nga siya nito paniniwalaan. Pero, hindi naman niya makuhang magdamdam. Alam naman kasi niyang gusto lang nitong makasigurado. 


Hindi mo ba naramdaman sa halik ko ang pagmamahal ko?” Tanong niya rito. 


“Ganu’n ka rin naman humalik sa ibang babae, right?”


Wrong. Dahil ikaw pa lang ang nakatikim ng matamis kong halik,” wika niya sabay kindat. “At sa bawat araw, patutunayan ko sa’yong mahal na mahal kita.” Dagdag pa nito. 

Itutuloy…

 

STORY - September 4, 2024


BUONG pag-aakala ni Chantal isang kalokohan lang ang sinabi ni Thunder na patutunayan nito ang kanyang pagmamahal. ‘Ika nga sa kasabihan, “Action speaks louder than words.”


Sa katunayan kasi, walang palya ang binata sa pagbigay sa kanya ng bouquet of flowers at chocolates. Matagal na niyang pinangarap na sana’y may magbigay sa kanya ng ganu’n, kaya naman ‘di niya mapigilan ang kiligin. 


“Palagi mo na lang akong binibigyan,” wika niya. 


“Natural. Paano mo ako mamahalin?” Nakangiting sabi ni Thunder. 

Hindi na tuloy niya mapagdesisyunan kung totoo nga ba ang sinasabi nito o nambobola lang. 


“Magtigil ka nga!” Inis niyang sabi sa sarili.


“Mahal kita.” 


“Sure ka?” Tanong nito. 


Bigla siyang sumimangot, at sabay sabing, “Bakit duda ka ba?”

“Gusto ko lang makasigurado. Baka naman minahal mo lang ako dahil nakikita mo sa akin si Santino?”


“Hindi naman kayo magkamukha.”


“Bakit mas guwapo ba siya?”


“Hindi bagay sa’yo ang ma-insecure.”


“Nagseselos lang ako.” 


“Huwag ka na magselos.” Nakangiti niyang sabi. 


Sobra kasi siyang nakakaramdam ng kasiyahan. Biruin mo ‘yun, may nagmamahal na sa kanya. Kahit tuloy si Santino ang una niyang nagustuhan, nabalewala iyon nang natikman niya ang pagmamahal ni Thunder. 


Higit pa siyang nasiyahan ngayon dahil alam niya na ang kanyang nararamdaman hindi na maglalaho. 


Kitang-kita naman palagi sa mga mata at ngiti nila ang kasiyahan sa bawat araw na dumarating. Panay na nga rin ang tanong ni Lolo Matias kung kailan sila magpapakasal. 


“Kailan lang kami nagkakilala, lo,” 


“Ibig bang sabihin niyan, hindi pa kayo sigurado?” Hindi makapaniwalang tanong ni Lolo Matias. 


Ang mukha ni Chantal ay bigla namang namula. Dahil sa pagiging showy ni Thunder, nagiging showy na rin siya. Gusto niya na rin kasing iparamdam ang kanyang pagmamahal. 


“Sigurado na ako,” mariing sabi ni Thunder. 


“Kung ganu’n…”


“Hindi ko pa ho kasi napapakilala si Thunder sa magulang ko,” nahagilap niyang sabihin. 


“Eh ‘di kung ganu’n, puntahan natin ang parents mo ngayon,” buong diing sabi ni Lolo Matias. 


Nang sabihin nito ang mga salitang iyon, nagmistula itong hari na hindi na magbabago pa ang desisyon. 

Itutuloy…

 

STORY - September 5, 2024


KUMUNOT ang noo ni Chantal dahil narinig niyang nag-ring ang kanyang cellphone. 


Hindi iyon naka-rehistro kaya hindi niya mapagdesisyunan kung sasagutin niya ba iyon o hindi. Pero, gusto naman niya magkaroon ng katahimikan, at tiyak niyang mangyayari lang iyon kapag nagkaroon ng kasagutan kung sino ang tumawag sa kanya. 


Hello,” wika niya. 


Hi Chantal,” masiglang sabi ng boses. 


Kumunot ang noo niya. Pamilyar sa kanya ang timbre ng boses nito, pero para siyang nagkaroon ng amnesia. Hindi niya matandaan kung saan nga ba niya iyon narinig. Gayunman, may kaba siyang naramdaman.


It's me, Santino.” Pagkatapos ay bigla itong tumawa na para bang hindi makapaniwala na hindi siya nito kilala. 


Yes? May kailangan ka ba?” Nahagilap niyang itanong dito pagkaraan. 

Hindi niya kasi alam kung ano ang dapat niyang maramdaman sa presensiya nito. Dapat nga ba siyang masisiyahan dahil nakausap niya na ang kanyang crush o maiinis dahil alam niyang gagamitin lang siya nito para masaktan ang nakababata nitong kapatid. 


Isang umaga ay nabanggit sa kanya ni Lolo Matias ang lihim ng pamilya nito, partikular na sa pagkatao ni Santino. 


Ayon sa matandang lalaki, hindi tunay na Morales si Santino. Inampon lamang ito ng kinikilala nitong magulang dahil sa paniniwala na magiging daan iyon para magkaroon ito ng tunay na anak. 


Gayunman, minahal din ng mga ito si Santino. Marahil hindi na umasa ang mga ito na magkakaroon pa sila ng sariling anak, subalit biglang dumating si Thunder. 


Hindi niya alam kung bakit bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. 


“Ikaw.”


Para saktan si Thunder?” Sarkastikong tanong niya. 


Sorry ha? Pero hindi mo ako magagamit para lang pasakitan si Thunder. Mahal ko siya,” dagdag pa nito. 


In love na ba talaga ako kay Thunder?” Tanong pa niya sa kanyang sarili. 


Masyadong malalim ang isip niya kaya naman hindi niya namalayan kung paano natapos ang pag-uusap nila ni Santino. 

Itutuloy…

 

STORY - September 6, 2024


“SINO ang kausap mo?” Tanong ni Thunder. 

“Sino pa nga ba? Eh ‘di ‘yung kapatid mo,” walang alinlangan niyang sabi. 

Hindi siya ‘yung tipo ng tao na kailangan pang magsinungaling. Naniniwala kasi siyang kapag tapat ang tao sa kanyang karelasyon, mas tumatagal ang kanilang pagsasama. 


“Si Santino?”


“Yes.”


“Ano naman ang naramdaman mo?” Seryosong tanong sa kanya ni Thunder. 

Medyo pasinghal ang pananalita nito, at ramdam niyang nagseselos ito. 

“Selos?” Mangha niyang tanong sa sarili. Marahil nga ay nagsabi na ito ng katagang “I love you” sa kanya, pero parang hindi pa rin sapat ang dahilan na iyon para sabihing talaga ngang mahal siya nito. 


Paano kung ibig lang din nitong patunayan na kaya nitong agawin ang kanyang damdamin para kay Santino? 


Ayaw na niyang masaktan pa kaya umiling-iling siya. Hindi maganda kung mag-iisip pa siya ng negatibo. Mas maigi sigurong maniwala na lang siya na may pagmamahal din sa kanya si Thunder. 

“Okey lang.”

“Happy?” 

“Badtrip ako sa kapatid mo,” wika niya. 


Pinakadiinan pa niya ang katagang kapatid kahit alam naman niyang hindi magkapatid sina Thunder at Santino. 


“Why?”


“Kunwari ka pang hindi mo alam ang sagot, eh kanina ka pa yata nakatayo riyan!”


Bahagyang tawa ang pinawalan nito at sabay sabing, “So, bakit ka na-badtrip?”

“Dahil ikaw ang asawa ko,” buong diin niyang sabi. 


Nang titigan niya si Thunder, napagtanto niya na may iba pang kahulugan ang kanyang sinabi, kaya naman agad niya itong dinugtungan ng, “Ayokong awayin ka ng ibang tao.”

Maang itong napatingin sa kanya. Wari'y hindi maintindihan ang kanyang sinasabi. 


“Pero kapatid ko naman siya.” 


“Kahit na! Basta hangga’t nandito ako, walang sinumang impakto ang maaaring mang-away sa iyo.”


“Ang suwerte ko naman.”


“Kaya, huwag na huwag mo akong pakakawalan.”


“Never,” buong diin niyang sabi.

Itutuloy…

 

STORY - September 7, 2024


HINDI mapigilan ni Chantal ang mapalunok habang pinagmamasdan si Thunder na abalang naglilinis ng kanyang sasakyan. May mga tauhan naman ito na puwedeng gumawa nu’n, pero mas gusto ni Thunder na siya mismo ang gagawa nito.Bigla tuloy niyang naisip na marami pa siyang hindi nalalaman tungkol kay Thunder.


Sa isang linggong paninirahan niya sa mansyon, hindi niya ito nakitang umalis ng bahay para magtrabaho. Napabuntong hininga siya nang maisip niyang may sarili nga pa lang kumpanya ang pamilya nito, subalit sa pagkakaalam niya ay si Santino ang namamahala ru’n. Kaya, gusto na sana niyang umalis, hindi niya kasi alam kung saan at paano siya magsisimulang magtanong.


“Hi, love!” Bati nito sa kanya. “Hello,” sagot naman niya. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin niya, isa pa nadi-distract siya dahil wala itong suot pang itaas. “Shucks!” Naibulalas niya nang makita ito. Para kasing nanunuyo ang kanyang lalamunan at gusto niyang uminom ng tubig. “Okey ka lang ba?” Natatawang tanong nito.


Kahit hindi siya nakaharap sa salamin, alam niyang namumula na ngayon ang kanyang mukha. “Bakit ba kasi ganyan ang suot mo?” Inis niyang tanong kahit hindi naman iyon ang gusto niyang itanong.


“Naglilinis kasi ako ng kotse. ”Dahil sa ayaw na niyang magkasala, ang sasakyan na lamang ang tinitigan niya. Kahit na hindi ito nagtatrabaho, may magara pa rin itong sasakyan. Gusto sana niyang itanong kung paano ito nagkaroon ng ganu’ng sasakyan, ang kaso baka ma-offend naman ang binata.


“Puwede mo naman ‘yan ipaasikaso sa mga tauhan mo, ah?”“Hindi ko pinapalinis sa iba ang sasakyan ko. Saka, espesyal sa akin itong araw na ito. Pupunta na tayo sa Alua para makilala ko parents mo, hindi ba?”Marahan siyang tumango, ngunit kinakabahan na siya. Ang pinakaimportante kasi sa magulang niya ay mayroong pinagkakakitaan. So, ano’ng sasabihin niya sa kanyang mga magulang? 

Itutuloy…

 

STORY - September 8, 2024


RELAX….” Natatawang sabi ni Thunder. 

Ramdam kasi niya ang kabang nararamdaman ni Chantal. 

Bukas pa sana sila pupunta sa Nueva Ecija para dalawin at ipagtapat sa magulang ni Chantal ang kanilang relasyon, subalit naunahan na yata sila ni Aling Lourdes. 

“Nakakainis kasi ang…”


Huwag mo nang intindihin ‘yun, at baka ma-high blood ka pa.” Marahang saway niya rito. 

Ang isipin mo na lang ay magkikita na kayo ng mga magulang mo.” Dagdag pa ng binata.

Napabuntong hininga na lamang ito na para bang ang bigat ng problemang kanyang dinadala. 


Sa kagustuhan niyang makampante ang kalooban ni Chantal, hinagilap niya ang palad nito at pinisil. Gusto niyang sabihin dito na kahit ano’ng mangyari ay kasama siya nito. 

Manong magmaneho ka nang maayos, Thunder!” Gigil na saway ni Lolo Matias.

Ang tigas kasi ang ulo mo! Sinabi kong ‘yung van ang dalhin natin, pero ito pang kotse ang dinala mo!” Dagdag pa nito. 


Siyempre ho, gusto kong makasigurado na safe tayong makakarating sa Nueva Ecija. Makakampante at makakasiguro akong magiging okey ang lahat kapag ako ang nagmaneho at sasakyan ko ang ginamit.”


Handa ka na bang harapin ang magulang nitong si Chantal?”

Siyempre naman ho.”


Eh, ano’ng trabaho ang ipagmamalaki mo sa magulang ni Chantal?”

Ang pagiging professional tambay ko,” wika niya sabay halakhak. 

“Nakakainis ka,” mariing sabi ni Chantal. 


Muntik na tuloy niyang matapakan ang preno sa pagkabigla. Nakabibigla naman kasi ang mga salitang ibinulalas nito, pakiwari niya’y may kinikimkim itong galit. 

Masyado mong ginagawang biro ang lahat, kaya mas kinakabahan ako eh! Parehong professor ang magulang ko, at may business pa kami kaya importante sa kanila ang pagkakaroon ng trabaho.” 


Sa halip na ituloy ni Thunder ang kanyang sasabihin, napatingin ito sa dalaga na kasalukuyang nag-aalala. Parang sinasabi nito, huwag sana siyang mapahiya. 


Doon niya napagtanto na kahit naging ‘sila’ na, hindi niya pa rin magawang ipakilala ang kanyang sarili. Lumapad tuloy ang kanyang ngiti dahil karaniwan sa ibang babae, ang tinitingnan sa kanya ay kung ano’ng mayroon siya. Siyempre, hindi lang iyon nagtatapos lang sa kanyang apelyido. 

Itutuloy…

 

STORY - September 9, 2024


MAS dumoble ang kabang nararamdaman ni Chantal nang titigan ng magulang niya si Thunder. Para kasing sa pamamagitan nu’n ay magagawa ng mga ito na malaman ang tunay na pagkatao ni Thunder. 


Magandang umaga po,” magalang na sambit ni Thunder. 


Abot tenga pa ang ngiti nito, at sabay lingon sa kanyang lolo, “Ang lolo ko po pala, si Lolo Matias.” 


Ang boses ni Thunder ay maikukumpara sa kalmadong dagat. Matamis na matamis ang pagkakangiti nito na para bang gustung-gusto nitong kunin ang loob ng magulang ni Chantal.  


Baka naman gusto mong sabihin ang pangalan mo, iho?” Matapang na tugon ng kanyang ama. 


Andres ang pangalan nito na isinunod sa pangalan ni Andres Bonifacio. Iyon nga lang ay minsan natutukso ito sa pagiging under sa kanyang asawa. Gayunman, aminado naman ang kanyang ama dahil mahal na mahal nito ang kanyang ina, kaya naman handa nitong gawin ang lahat para sa kanila.


Ako nga ho pala si Thunder Morales.”


“Mas mabuti pa sigurong kumain muna tayo,” wika naman ng kanyang ina. 

Lydia naman ang pangalan nito, kaya hindi nakakapagtaka kung idol nito si Lydia de Vega. Iyon nga lang, mas mabilis ito sa kainan kaysa sa takbuhan. Nakangiti ito, pero hindi niya magawang makampante. Maurirat kasi ang kanyang ina, kaya nakatitiyak siya na marami itong itatanong kay Thunder kapag ito’y nabusog na. 


Hahawakan na sana niya ang kamay ng kanyang nobyo, pero nakita niya ang mapanumbat na tingin ng kanyang ina. Gayunman, hindi dahilan iyon para hindi niya ibigay ang kamay sa lalaking mahal na mahal niya. 


Ano’ng plano mo sa anak ko, aber?” Tanong ng kanyang ina, matapos nitong dumighay. 

Ibig sabihin, busog na ito kaya aarangkada na ang bibig nito para magtanong nang magtanong. 


Handa ko po siyang pakasalan,” diretsahang sagot ni Thunder, dahilan para bumilis ang kabog ng kanyang puso. 


Alam niya kasing hindi makukuntento ang magulang niya sa ginawang tugon ni Thunder. 

Itutuloy…

 

STORY - September 10, 2024


“KAYA mo ba talagang buhayin ang anak ko?” Pormal na tanong ng ama ni Chantal kay Thunder. 


Kilala niya si Chantal, hindi love life ang priority nito, dahil alam niyang ang tanging nais lamang ni Chantal ay makilala siya bilang isang magaling na manunulat. 

Gayunman, hindi naman niya masabing nagsisinungaling ang kanyang anak, dahil kita niya sa mga mata nito ang labis na pag-ibig. 


Isa pa, napatotohanan na ng tsismosa nilang kapitbahay ang tungkol sa pagsasama ng dalawa sa isang condo. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Ibig sana niyang magalit, dahil tila kinalimutan ni Chantal ang pagiging isang dalagang Pilipina, pero ayaw din naman niyang sumama ang loob nito sa kanya, at baka isipin pa ng dalaga na wala silang tiwala. 


“Pero iyon nga lang ba ang dahilan?” Sarkastikong tanong niya sa sarili. 


Sa palagay niya kasi natatakot lang siyang kumpirmahin ni Chantal ang tsismosa nilang kapitbahay. 


“Kayang-kaya ho.”

“At saan mo siya ititira?”  Marahang tanong nito. 

Nakailang tungga pa lamang si Thunder, kaya tiyak niyang hindi pa ito nalalasing. 

“Sa mansyon po.”

“At sino ang makakasama niya?” Nakakunot ang noong tanong nito. 

“Ang lolo.”

“Magiging mabuting asawa ka ba sa anak ko?” Kampanteng tanong nito.

“Siyempre po.”

“Patunayan mo, at umpisahan mo na dahil pumapayag na ako na maging parte ka ng aming pamilya.”


Kahit naman kasi kumontra siya, wala rin naman siyang magagawa, at ‘di rin magbabago ang lahat. May katigasan din kasi ang ulo ni Chantal, kaya kahit magbigay ito ng payo tiyak na hindi rin naman nito susundin. 


“Hindi ka na ba talaga magpapapigil?”

“Nope.”

“Makulit ka.” 

“Ayoko na ho kasi mag-isip pa. Basta ang gusto ko lang ho ay makasama si Charlot. 

Aba’y talagang in love.” mariin niyang sabi. 

“Yes ho.”

“Sana nga.”

“Huwag ho kayong mag-alala, dahil hindi ko ho lolokohin ang anak n’yo.”

Aba, dapat lang! Dahil kapag niloko mo si Chantal, hindi kita mapapatawad.”

“Aber, ano nga pa lang trabaho mo?” Dagdag nito.

“May negosyo ho ako.”

“Ano iyon?”

Toy factory,” singit ni Chantal. 

Marahang tawa naman ang pinawalan ni Thunder, at sabay sabing, “Hindi iyon ang negosyo ko.”

“Ha? Eh, ano?”

“TM Cars.” Buong pagmamalaki nitong sabi. 

Ako ang nagmamay-ari ng kumpanyang iyon. Mahilig kasi ako sa sasakyan kaya naisipan ko iyon inegosyo.”

Itutuloy…


 

STORY - September 11, 2024


GILALAS na gilalas si Chantal nang marinig ang sinabi ni Thunder, at talagang napanganga siya. 


“Baka naman mapasukan ng langaw ang bibig mo,” wika ng kanyang ama. 

Hindi niya malaman kung natatawa o naiirita ito sa kanya.

“Seryoso ka?” Manghang tanong niya kay Thunder. 


Ngumisi naman sa kanya si Thunder, at sabay sagot ng, “Parang ayaw mo maniwala ah?”

“Hindi ka naman kasi umaalis ng mansyon, kaya akala ko…”


“Ipapaalala ko lang sa iyo, uso na ang cellphone at laptop, kaya kahit na nasa bahay lang ako, nagagawa ko pa rin na magtrabaho. Isa pa, mapagkakatiwalaan ang mga empleyado ko.”


“Mabuti nga at nag-stay na ‘yan sa bahay. Dati ayaw n’yan na nasa bahay lang. Mabuti na nga lang at dumating ka sa bahay…” Singit ni Lolo Matias habang ngumunguya.


So, talaga ngang nagsasama na kayo?” Mabalasik na tanong ng kanyang ama. Pero, mahina lang ang boses nito, at para bang kinokontrol ang kanyang damdamin.

“Kaya nga mas maigi kung magpapakasal na sila,” wika naman ni Lolo Matias. 


Hindi siya nakapagsalita dahil ayaw niyang mapahiya si Lolo Matias kung kokontrahin niya ang sasabihin nito. 


“I agree,” wika naman ni Thunder. 

“Gusto mo nang magpakasal tayo?” Mangha niyang tanong. 

“Yes. Hindi ko na gugustuhin pang makawala ka sa akin,” anitong matamis na matamis ang ngiting pinawalan. 


Hindi niya tuloy mapigilan ang mapasinghap. Bigla kasing dumagundong tibok ng kanyang puso, at para bang gusto niyang sumigaw ng, “Thunder, I love you!” 

Itutuloy…

 

STORY - September 12, 2024


BAD trip na bad trip si Santino, dahil hindi niya nagawang agawin si Chantal Mendoza kay Thunder Morales. 

Muli na naman siyang nabuwisit nang maalala niya ang paglabas ng katotohanan na hindi pala siya tunay na anak ng kanyang mommy at daddy. 


Kunsabagay, matagal na rin naman siyang nagdududa, dahil hindi niya kamukha si Thunder at ang kanilang magulang, pero hindi niya iyon ang pinag-ukulan niya ng pansin, dahil ramdam naman kasi niya ang pagmamahal ng kanyang magulang. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan, kahit naman kasi binibigyan siya ng atensyon ng mga ito, kita pa rin ang lamang ni Thunder kesa sa kanya. Alam na niya kasing ito ang tunay na anak at siya ay isang sampid lang. 


Masakit, pero iyon ang totoo. Dahil din doon mas nangibabaw ang galit niya kay Thunder. Tiyak naman kasi niyang hindi sasabihin ni Lolo Matias ang tunay niyang pagkatao kundi dahil kay Thunder. 


Siguro iniisip ng matandang lalaki na mababago ang pakikitungo niya kay Thunder kung sasabihin nito ang totoo. Pero nagkakamali ito. Mas higit niyang gustong matalo si Thunder at alam niyang magagawa niya lang iyon kapag naagaw niya na si Chantal, dahil kita niya sa mga mata ng kapatid kung gaano nito kamahal si Chantal. 


“Mukhang malalim ang iniisip mo, boss?” wika ni Sharlene - ang kanyang secretary. 

Matamis na matamis ang ngiti nito sa kanya. Pero, alam niyang wala itong gusto sa kanya dahil pamilyadong tao na ito, at mahal na mahal niya ang kanyang pamilya.


“Ano’ng gagawin mo kapag may tao kang gusto, pero iba ang mahal niya?” wala sa loob niyang tanong. 


“Kidnapin mo.” Mabis na tugon nito.

Itutuloy…


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page