top of page
Search
BULGAR

Kuwentong pag-ibig: Ang playboy na isinumpa (continuation 2)

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | July 5-24, 2024


File photo


STORY  — JULY 5, 2024


Gusto nang makampante ni Cecil, dahil wala namang nangyayari sa kanila.

Dalawang araw na rin mula nang manganak siya, iniisip niya tuloy na baka hindi pa alam ni Eliza ang tungkol sa kanyang panganganak.


“Huwag kang maging kampante,” wika ni Malambing. 


“Pati ba naman iniisip at nararamdaman ko, binabantayan mo rin?” 


“Gusto ko lang ipaalala sa iyo ang kalagayan mo.”


“Normal na tao lang ako.”


“Alam mong hindi ka pangkaraniwang tao.”


Naiirita na siya sa tinutumbok ng kanilang usapan, ngunit hindi niya magawang magtaray. Ayaw niyang magising ang anak niyang mahimbing na mahimbing na natutulog. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapangiti dahil napakaamo ng mukha nito, at para bang pinaghalo ang hitsura nila ni Anthony. 


Nang maalala niya si Anthony, napangiti siya. Kung hindi pa kasi niya ito pinilit na magtrabaho, hindi ito aalis sa tabi nila. “Mas lalo mong dapat ingatan ang mahal na prinsesa, dahil siya ang susunod na mamumuno.”


“At bakit siya?” 


“Kasi siya ang tagapagmana mo.”


“Dito lang kami sa lupa, at hindi kami pupunta sa lugar na sinasabi mo, Malambing!”


“May mga nakatakda para sa’yo. Kaya kailangan mo na bumalik sa kaharian upang tuparin ito.”


“Ang responsibilidad ko ay ang pamilya ko,” mariin niyang sabi. 


“Kung responsibilidad mo ang mag-ama mo, dapat mas lalo mo silang protektahan dahil kapag hindi mo tinanggap ang pagiging reyna, mas mamayani si Eliza at ang maitim niyang balak. Maaari pa niyang agawin sa’yo ang asawa’t anak mo”


“Hindi ako papayag.”


“Masasabi mo lang ‘yan, kung ikaw ang mas makapangyarihan sa nilalang na gusto kang pahirapan,” marahang sabi nito na nagpabilis ng tibok ng kanyang puso. 


Itutuloy…



 

STORY  — JULY 6, 2024


Hindi man siya maging isang reyna, kaya niya naman makipagbakbakan para sa kanyang pamilya.


Sa punto na iyon, hindi napigilan ni Cecil ang matawa. Wala naman kasi siyang alam sa pakikipagsuntukan at pakikipag-away. 


Subalit sabi naman ni Malambing, hindi siya nito pababayaan, at tutulungan umano siya nito na makipaglaban. Kailangan niyang gawin iyon bilang reyna dahil tiyak na hindi papayag ang mga kalaban niya na basta na lamang siyang maupo sa trono. 


“Hindi ka pa puwedeng mag-training,” mariing sabi ni Anthony, ramdam sa boses nito ang matinding pag-aalala. 


“May responsibilidad…”


“Kakapanganak lang niya,” buwisit na singhal ni Anthony kay Malambing. 


“Baka nakakalimutan mo, hindi ordinaryong tao ang asawa mo. Isa pa, dapat mo ring malaman na ikaw ang dahilan kaya nagulo ang kanyang buhay. Dahil sa sumpa na ipinataw sa’yo ni Eliza.”


“Matagal na naglaho ang sumpang iyon,” wika ni Anthony na may kayabangan pero hindi rin maikakaila sa boses nito ang guilt na kanyang nararamdaman. 


“Iyon ang akala mo.”


Siya naman ang nagulat sa sinabing iyon ni Malambing. May kaba siyang naramdaman na talaga namang nagpakabog sa kanyang dibdib. Pakiwari nga niya’y para iyong drum na tinatambol. 


“Hindi mawawala ang sumpa, maliban na lang kung babawiin ito mismo ng nagsumpa. O ‘di kaya…”


“Ano?” Inis niyang tanong. 


“Mapapahamak ka.”


“Mamamatay ako?” Diretsahang tanong ni Anthony. 


Bigla siyang kinilabutan sa tinuran ng asawa. Pagkaraan ay umiling siya. Hindi niya siyempre hahayaang mangyari iyon. 


“Sa nalaman mo ngayon, tatanggapin mo na ba ang responsibilidad bilang isang reyna? Ito lang ang paraan upang maprotektahan mo ang pamilya mo.”


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Cecil at sabay tanong na, “Kailan natin sisimulan ang training?”


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 7, 2024


Ang sama ng pakiramdam ni Anthony habang pinanonood niya ang asawa niyang nagti-training. 


Kasalukuyan kasi itong nakikipag-espadahan at sobra siyang kinakabahan. Para kasing isang pagkakamali lang ni Cecil, mapapahamak na ito. 


Gusto na niya itong awatin at sabihing, “Tama na!” Pero kapag ginawa niya iyon, alam niyang mapapaalis siya at lalong hindi niya gugustuhin na mangyari iyon. Gusto niya pa naman na palagi niyang nakikita si Cecil. 


“Akin na po ang baby,” wika ni Lok. 


Nu’ng nakita niya ito noong isang araw, bata pa ito, pero ngayon nagbibinata na ito. Ang bilis tumanda ng mga tao sa lugar na ito, at mabuti na lang hindi ganu’n si Cecil.


“Bakit mo kukunin ang anak ko sa akin? Kaya ko naman siyang alagaan,” naiinis niyang sabi. 


“May oras po kasi silang nasa labas lamang. Baka kapag tumagal pa siya, mas magiging madali sa kanya ang pagtanda. Gusto n’yo bang tumanda agad ang hitsura niya?”


“Huwag mong pababayaan ang anak ko,” madiin niyang sabi. 


“Talagang hindi ko gagawin ‘yan sa susunod na reyna.”


“Sige na,” wika niya. 


“Maaari na kayong pumasok,” sambit ni Malambing.


“Babantayan ko ang asawa ko.”


“Hindi naman siya mawawala.”


“Ayokong magpakampante.”


“Ikaw ang bahala.”


Matalim na tingin ang ibinigay niya kay Malambing. Hindi niya alam kung bakit badtrip na badtrip siya rito, gayung wala naman itong masamang ginagawa. Siguro dahil may kakayahan itong ipagtanggol si Cecil, samantalang wala siyang kakayahan para protektahan ang kanyang mag-ina. Saklap ‘di ba?


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 8, 2024


Dapat na bang magpakita si Eliza? Aware siyang naipanganak na ni Cecil ang kanyang anak, ngunit wala pa siyang lakas na loob para harapin ito. 


Mahal niya si Anthony kaya masakit sa kanya na makitang nagkaanak ito sa ibang babae. Kunsabagay, kasalanan din naman niya. Alam niyang mangyayari ito, pero hinayaan niya lang na mainlab si Anthony kay Cecil. Pakiramdam tuloy niya ang tanga-tanga niya. 


So, ano nga ba ang dapat niyang gawin? Miss na niya si Anthony kaya dapat na siyang magpakita rito. Subalit nang makarating siya sa bahay nila Anthony, wala ang mag-asawa rito. Tiyak din naman niyang hindi ito dadalhin ni Anthony sa kanyang bahay dahil nandu’n siya, at isa pa jinx ang tingin sa kanya ni Anthony. Well, maaari nga siyang makapagbigay ng kamalasan, pero hindi pa rin niya magagawang talunin si Cecil. Ang masaklap pa, puwede pang maibalik sa kanya ang kamalasang ibibigay niya kay Cecil, kaya mas maiging manahimik na lang siya. 


“Hindi mo ba ako tatanungin kung saan sila makikita?” 


Gulat siyang napalingon, at sabay sabing, “Nakakagulat ka naman!”

Napakahina mo naman!” Natatawang sambit ng matandang mangkukulam.


“Excuse me, hindi ako mahina!”


“Kung malakas ka, eh ‘di sana walang mahina sa mundo,” sarkastikong sabi nito. 


“Sabihin mo na kasi kung nasaan sila!”


“Nasa engkantasya sila.”


“Pati si Anthony?” Gilalas niyang tanong. 


“Natural, pamilya na sila!


“Ang sakit naman.”


“Tanga ka kasi. Simula pa lang alam mo nang hindi siya para sa iyo, pinagsiksikan mo pa ang sarili mo!”


Mas pinili niyang ‘di na lang magsalita para ‘di na rin siya masaktan. Ngunit pagkaraan, hindi rin siya nakatiis, at sabay tanong na, “Ano’ng gagawin ko ngayon?”


“Ano pa nga ba? Eh ‘di sumunod ka sa kanila!”


“Pero hindi naman ako engkanto tulad ni Cecil.”


“At sinong may sabi? Engkanto ka, itim nga lang. Kaya kailangan mong mag-ingat dahil ang papasukin mong kaharian ay ang puti.”

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 9, 2024


Biglang napahinto si Cecil sa kanyang ginagawa. Well, wala naman talaga siyang ginagawa. Nakapikit lang siya habang nagko-concentrate, at pinakikiramdaman kung ano’ng nangyayari sa kanyang paligid. 


Ramdam niya na may mga matang nakatingin sa kanya, at ang mga mata nito ay galit na galit. Pero nang lumingon siya, nakita niya si Anthony. Kumunot ang kanyang noo, hindi siya kumbinsido na si Anthony ang nararamdaman niya.


“Ikaw lang ba ang nandito?” Tanong niya habang lumilingun-lingon sa kanyang paligid upang siguraduhin na wala ng ibang nilalang na naroon. 

“May iba ka pa bang ini-expect?”

“Para kasing may nakatingin sa akin.”

“Baka may nagbabantay sa’yo.”


Gusto niyang kontrahin ang sinabi ni Anthony, dahil ang sabi kanina ng kanyang tagapagturo ay iiwanan muna siya ng lahat ng diwata para makapag-concentrate siya sa kanyang ginagawa. Hindi lang niya iyon masabi kay Anthony dahil baka mag-alala na ito. 


“Baka nga.”


“Hindi pa ba tayo uuwi?”


Kumunot ang noo niya, at sabay sabing, “Alam mo naman na hindi pa…”


“Uuwi sa kaharian n’yo?” 


Nang makita niya sa mukha nito ang labis na kaseryosohan, napangiti siya. Ramdam na kasi niya ngayon ang suporta ng kanyang asawa. 


“Bakit ka nga pala narito?” Tanong niya pagkaraan kahit alam naman niya ang sagot. 


“Siyempre, gusto kong bantayan ka.”


“Para namang may magagawa ka kapag may sumulpot na nilalang at kidnapin ako,” wika niya sabay kunot ng noo. 


Hindi niya alam kung bakit niya naibulalas ang mga katagang iyon. Pakiwari niya ay may

kung sino’ng bumulong sa kanya, at bigla na lamang nanayo ang kanyang balahibo. 


“Wala ka bang tiwala sa akin?” Nagdaramdam na tanong nito. “Baka nakalimutan mong makapangyarihan ang pag-ibig natin.”


Magsasalita sana siya pero bigla siyang natigilan dahil bigla na lang humalakhak si Eliza.


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 10, 2024


“Pati ba naman dito pumapasok ka?!” Galit na tanong ni Cecil kay Eliza. 

Bahagya siyang natigilan dahil hindi niya akalain na mag-e-echo sa buong paligid ang kanyang boses. Kunsabagay, natural lamang iyon dahil kulob ang paligid. Saka ayon sa nakausap niyang diwata, iyon daw kasi ang paraan para wala silang mailihim sa isa’t isa.

Kaya, hindi na siya magtataka kung magsusulputan ang mga diwata rito para tulungan siya.


Pero sa pagkakataon na ito, kailangan niyang protektahan si Anthony, at aware siyang ang mister niya ang pakay ni Eliza. Naningkit ang kanyang mga mata. Hindi niya siyempre hahayaan na mawala ang kanyang pinakamamahal.


“May karapatan din naman ako rito!”

“Isa kang mangkukulam, hindi diwata,” paalala niya rito. 

Natawa ito sa kanyang sinabi, at sabay sabing, “Ang sakit mo naman magsalita.”

“Talagang masakit ang katotohanan, pero kailangan mo iyong tanggapin,” gigil niyang sabi. 

“Kung ganu’n, kailangan mong tanggapin na may dugong diwata rin ako kaya ako nakapasok dito.”

“Baka naman diwatang itim?” Paglilinaw niyang sabi. 

“Korek,” pagmamalaking sagot nito. 


Ang malapad nitong ngiti ay napawi dahil biglang na lang sumulpot ang mga diwata sa paligid. 


Kumunot ang noo nito, at sabay sabing, “Huwag n’yo sabihing pagtutulungan n’yo ako?”

“Kapag may ginawa kang masama.” 

“Umalis ka na!” Sigaw dito ni Anthony. 

“Concern ka rin pala sa akin. Iba talaga ang pinagsamahan natin. Anthony, miss na miss kita.”

“Magtigil ka nga!” Bulyaw ni Anthony. 


Alam naman niya ang sitwasyon nina Anthony at Eliza, pero para pa ring may kumurot sa kanyang puso. Hindi iyon basta langgam kundi dambuhalang langgam. Para kasing may kung ano’ng eksena ang naglalaro sa kanyang isipan. 


“Basta tandaan mo, kahit na ano’ng mangyari babalikan pa rin kita, mahal ko. Tayo naman kasi ang itinakda na magsama habambuhay.”


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 11, 2024


Hindi magawang kumibo ni Cecil, kahit na alam naman niyang walang katiting na gusto si Anthony kay Eliza. Pero kahit na ganu’n, nakaramdam pa rin siya ng takot na baka isang araw ay mawala sa kanya si Anthony.


“Talaga bang mahal mo ‘ko?” 


“Ano bang klaseng tanong iyan?” Gulat na tanong ni Anthony. Mahahalata sa boses nito ang pagkalito at pagdaramdam. 


“Oo at hindi lang naman ang isasagot mo.” 


“Mga babae nga naman. Hindi lang kita mahal, kundi mahal na mahal,” wika nito. 


“Baka naman minahal mo lang ako dahil gusto mong mawala ang sumpang binigay sa iyo ni Eliza?”


Malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Anthony. Hindi niya tuloy malaman kung napipikon na ito sa kanya. Basta ang alam niya, mabigat ang kanyang dibdib. 


“Gusto mo talagang malaman ang totoo?” Tanong nito sa kanya. 


Siya naman ang natigilan, at parang may lumapirot sa kanyang puso. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapa-ouch ng bongga. Pakiwari niya kasi ay hindi niya magugustuhan ang sasabihin nito. 


“Ang una ko talagang plano ay paibigin ka lang, dahil gusto ko nang makawala sa sumpa. Pero, natakot ako nang mahimatay ka. Hanggang sa dumating ang araw na na-realize ko na mahal na pala kita.”


Kahit na bahagya siyang napangiti sa sinabi nito, may sakit pa rin siyang naramdaman. Gusto sana niyang tanungin kung kailan nito naramdaman ni Anthony. Pero parang may nagsasabi sa kanya na kaya lamang siya minahal ni Anthony ay dahil nabuntis siya. 


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 13, 2024


Ano bang nangyayari sa iyo?” Natatarantang tanong ni Anthony. 


Parang nilamutak ang kanyang puso dahil nakita niyang lumuluha si Cecil. Mahal na mahal niya ito, kaya hindi niya ito gustong masaktan sa anumang paraan. 


“Mahal mo ba talaga ako?” Pagtatanong ni Cecil. 


Kumunot ang kanyang noo. Ibig niyang magdamdam sa tanong na iyon ni Cecil. Kung makapagtanong kasi ito, parang wala itong tiwala sa kanya. Alam naman niyang hindi siya nagseseryoso noon, pero ngayon ay seryosung-seryoso na siya, at mahal na mahal niya si Cecil. Ang pagmamahal niya rito ay tulad ng pagmamahal niya sa yumao niyang tiyuhin.


“Ano bang klaseng tanong ‘yan?” Hindi siya makapaniwalang tanong ni Anthony. 


“Sagutin mo na lang ang tanong ko!” Inis nitong sambit. 


“Siyempre, mahal kita!” Buong diin niyang sabi. 


“Baka naman minahal mo lang ako dahil sa anak natin?” 


Sa pagkakataong iyon, humugot si Anthony ng malalim na buntong hininga. Gusto niyang magalit o magtampo sa mga sinasabi nito. Pakiramdam niya ay gumagawa na lamang ito ng isyu para hiwalayan siya. At ‘yun ang hindi niya pahihintulutan. 


Saka, sa tingin niya ay hindi ganu’n ang gusto ni Cecil. Kita niya sa mukha nito ang labis na paghihirap, kaya sa halip na ipagpatuloy niya ang tampo na nararamdaman dito, mas kinaawaan pa niya ito. Alam niyang naghihirap ang kalooban nito, at hindi niya malaman kung bakit ganu’n ang nararamdaman nito ngayon. 


“Paano natin magagawa ang ating anak kung hindi kita mahal. Tumingin ka sa aking mata, at intindihin mo ang sasabihin ko. Mahal kita na mahal kita, kaya huwag mong pagdudahan at kuwestiyunin ang pagmamahal ko sa iyo, dahil nasasaktan mo rin ako.” Mariin niyang sabi. 


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 14, 2024


Alam na alam ni Malambing kung ano’ng nangyayari kay Cecil na kanilang prinsesa. 

Hindi niya puwede itong tawaging reyna, dahil si Anthony lang ang may karapatang magsabi nu’n dito.  


Inggit ka, Tito Daddy?” wika ng isang maliit na boses sa kanyang likuran. 


Magtigil ka nga riyan,” inis niyang sabi sa pamangkin niyang si Loki. 


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang maalala niya ang dahilan kung bakit niya kailangan magpanggap. Gusto niyang bantayan ang kanyang pinakamamahal. Siya kasi ang itinalaga para pangalagaan si Cecil. Nag-anyo siyang bata para makalaro ito dati. Ang problema, hindi siya maaaring mag-anyong tao habambuhay dahil hihina ang kanyang kapangyarihan. Bata pa siya noon kaya madali siyang manghina. 


Iyon din ang dahilan kaya kinailangan niyang magpanggap na pusa dahil mas mahinang enerhiya ang kakailanganin niyang ilabas pa rito.


Kaya lang ang utos sa kanya, hindi siya maaaring mag-antay kung wala siyang ipapakilalang pamilya. 


Ayaw niyang tuluyang mainlab kay Cecil, at kailangan niyang tanggapin na hindi sila ni Cecil ang itinakda.


May tinatago ka, ‘no?”


“Ano naman ang itatago ko?”


Hindi ko man mabasa ang eksaktong iniisip mo, alam kong importante iyon at alam kong may kinalaman iyon sa prinsesa.” Sambit ni Loki. 


“Kung mahal mo talaga ang prinsesa, gawin mo ang lahat para mailigtas siya. Huwag kang magdadalawang isip na humingi ng tulong sa kanyang pinakamamahal, dahil alam naman nating si Anthony lang ang makakatulong sa kanya dahil sila ang tunay na nagmamahalan.” Dagdag pa nito.


Maang siyang napatingin kay Loki. Ang sabi nito kanina, hindi niya gaanong nababasa ang takbo ng kanyang isip, pero ‘yun ang eksaktong kanyang nararamdaman.  


Itutuloy…



 

STORY  — JULY 15, 2024


Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Anthony. Na-realize niya kasing walang tiwala sa kanya si Cecil, pero pagkaraan ng ilang sandali, may bumatok sa kanya, at para bang sinasabi nito na hindi iyon ang tunay na dahilan. 


“Natural sa bagong panganak na magkaroon sila ng alalahanin. Sa mga pangkaraniwang tao tulad mo, ito ay tinatawag na postpartum.”


Kahit na nagulat siya sa biglang pagsasalita ni Malambing, agad pa rin niya itong nilingon at sabay sabing, “Hindi naman kayo mawawalan ng pagkain at pera, ah?” 


“Hindi naman materyal na bagay ang dahilan kaya nagkakaganu’n ang mga babae kapag nanganganak. Maaaring pumasok dito ang kanilang insecurities,” buong kasartikuhang sabi ni Malambing. 


“Baka naman nakakasama sa kalusugan niya ang training na ginagawa niya?”


“Kayang pasukin ng masasamang diwata ang isip ng mabubuting diwata para guluhin ang kanyang isipan. Sa palagay ko, iyon ang ginagawa ng babaeng iyon.”


“Si Eliza?”


“Yes, wala ng iba.”


“Akala ko ba…”


“Nasa training pa lang si Cecil, huwag kang mag-expect na magagawa na niya ang lahat para maging matatag.”


“Kung totoo man ang sinasabi mo, kailangan na nating maitaboy si Eliza.”


“Totoo ang sinasabi ko. At ‘yun ang pinakamagandang gawin, pero mangyayari lang iyon kapag buo na ang tiwala sa iyo ni Cecil.”


“Wala ba talaga siyang tiwala sa akin?” 


“Babaero ka dati, kaya paano niya maibibigay ang tiwala niya sa iyo?”


“Pero mag-asawa na kami ngayon!”


“Bigyan mo siya ng pagkakataon. Dapat palagi kang nasa tabi ni Cecil, okey?”


“Iyon naman talaga ang gusto kong mangyari,” inis niyang sabi kay Malambing. 


“Isang pagkakamali mo lang, buhay ng prinsesa ang kapalit.” Buong diin sabi ni

Malambing. 

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 16, 2024


Biglang nanlaki ang mata ni Anthony sa sinabi ni Malambing na isang pagkakamali, buhay ni Cecil ang magiging kapalit. Hindi niya siyempre gugustuhing mangyari iyon. 


Saka, ayaw niya ring isipin na mangyayari iyon, dahil aware siyang malakas si Cecil. Na-train na ito nang husto, at saksi siya sa mga training na ginagawa nito. 


“Hindi lang naman lakas ng katawan ang kailangan sa pakikipaglaban,” wika ni Malambing habang nag-aalala. 


Gusto na sana niyang mainis dito, dahil parang sinasabi nito na may hindi magandang mangyayari sa kanyang asawa, pero natigilan siya dahil kailangan muna niyang alamin ang lahat. 


“Ano bang ibig mong sabihin?” Inis niyang tanong. 


“Kailangan mong gawin ang lahat, para maging kalmado ang kanyang isipan!”


Nagsalubong ang kilay ni Anthony at sabay sabing, “Wala namang diperensya sa isip ang aking asawa!”


“Ang isipan ng engkantadang puti ay kayang pasukin ng itim na diwata, lalo na kung magkakaroon si Cecil ng pag-aalinlangan sa iyo.”


“Excuse me? Pero tapat ako sa aking asawa!”


“Kahit tapat ka kung wala siyang tiwala sa pagmamahal mo, maaari pa rin siyang makapagdesisyon ng mali.”


“Ano bang ibig mong sabihin sa magiging desisyon niyang mali?” Inis niyang tanong habang kinakabahan. 


May palagay nga siyang hindi niya magugustuhan ang puntong gustong sabihin ni


Malambing, kaya naman parang tumigil sa pagtibok ang kanyang puso. Para kasing may malaking kamay na humawak at lumalamutak doon na parang sinasabing hindi iyon bibitawan hanggang sa hindi niya naririnig ang gusto nitong sabihin. 


“Tulad ng nangyari sa tatay ni Cecil, nagawang pasukin ng itim na diwata ang kanyang isipan para itulak siya na magpatiwakal. Naniniwala kasi siya na kapag nawala siya sa mundong ito, maililigtas niya ang kanyang mag-ina. Nawalan siya ng tiwala sa kanyang sariling kakayahan, kaya pinili niya ang ibang landas. Sana hindi ganu’n ang mangyari kay Cecil.”


Sa narinig niyang paliwanag ni Malambing, malakas na pagsingap ang kanyang pinawalan. Kailangan niyang maipaalala sa kanyang asawa kung gaano niya ito kamahal. 

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 17, 2024


MATAMLAY na matamlay pa rin si Cecil habang pinagmamasdan niya ang kanyang anak, ito kasi ang babaeng version ng kanyang asawa na si Anthony. 


Dapat sana ay masiyahan siya, pero parang may pumipiga sa kanyang puso. Hindi niya mapigilang mag-isip, paano kung nagtitiyaga lang si Anthony sa kanila dahil sa guilt na nararamdaman nito? 


Aware siyang kaya lang naman siya inibig ni Anthony ay para mawala ang sumpang ibinigay ni Eliza rito. 


“Ang ganda-ganda talaga ng anak natin, ano?” Wika ni Anthony sa kanyang tabi. 

Pinigilan niya ang kanyang sarili na mapasinghap sa ginawa nito. “Kamukha mo kasi siya,” wika naman niya. 


Pinigilan niyang mapalingon kay Anthony, dahil ayaw niyang makita nito kung gaano siya nahihirapan ngayon. 


“Bakit parang hindi ka nasisiyahan?” Natatawang tanong nito sa kanya. 


“Ayaw mo bang kamukha ko ang anak natin?” Dagdag nito.


“Kaya hindi mo ba kami maiwan dahil kamukha mo ang anak natin?”


“Ayan ka na naman!” Nagrereklamong sabi nito. 


“Nagsasawa ka na ba sa akin?” 


“Bakit ba kasi wala kang tiwala sa akin?”


“Mahirap naman kasing….” Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang may narinig na naman siyang boses na bumubulong sa kanya. 


“Tama ganyan nga, magalit ka. Kailangan malaman ni  Anthony na wala kang tiwala sa kanya.” 


“Huwag mong paniwalaan ang sinasabi at binubulong niya sa iyo, gusto niya lang tayong paghiwalayin. Mahal kita, at ‘yan ang tandaan mo. Mahal ko kayo ng anak natin.”


“Saka ka na maniwalang mahal ka ni Anthony, kapag ikaw ang pinili niya at hindi ang inyong anak. Ibato mo ang anak mo!” 

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 18, 2024


KINABAHAN si Anthony sa reaksyong nakikita niya ngayon sa magandang mukha ng kanyang asawa, at para bang mayroon itong gustong gawin. 

“Akin na muna si baby,” wika niya. 


Kahit alam niyang mabuti ang puso ni Cecil, hindi siya puwedeng magpakampante.

“Bakit ka ba walang tiwala sa akin?” Matapang na tanong ni Anthony kay Cecil. 

“May tiwala ako sa’yo. Kunin mo na si baby,” wika ni Cecil. 


Mabilis niya itong sinunod, alam kasi niyang pilit din nitong nilalabanan ang kanyang nararamdaman. 


“Huwag mo siyang pakinggan,” sabi niya.


“Alam mo?”

“Mahal kita,” 


“Baka naman mahal mo lang ako dahil sa anak natin?”


“Ikaw ang una kong minahal. Kaya puwede ba ‘wag mong paniwalaan ang boses na nagsasabi sa iyo na ‘di kita mahal.”


“Hindi ba totoo ang sinasabi niya sa akin?”


“Sisirain ka niya, at sisirain niya lang tayo. Kahit na maging malakas pa ang katawan mo, kung magagawa naman niyang baguhin ang takbo ng isip mo, si Eliza pa rin ang magtatagumpay.”


“Eliza?”


“Siya ang bumubulong sa iyo. Cecil…” mariin niyang sabi. Talaga kasing hindi niya maiwasan ang mag-alala.


“Niloloko mo lang daw kasi ako.” 


“Kahit kailan, hindi ko naisip na lokohin ka. Ayoko lang aminin sa sarili ko noon na kaya kita niligawan ay dahil inlab na ako sa iyo. Una pa lang, minahal na kita. Maniwala at magtiwala ka lang sa akin.”


Isang matinis na pagtili ang pinawalan ni Cecil habang nakahawak sa kanyang ulo. 

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 19, 2024


“BAKIT mo ba pinaniniwalaan ang sinasabi ng lalaking ‘yan? Niloloko at binobola ka lang niya! Huwag mong paniwalaan ang mga sinasabi niya sa iyo.” Malinaw na malinaw na narinig ni Cecil ang sinasabi ng isang boses sa kanyang isipan, pero mas gusto niyang pakinggan ang sinasabi ng kanyang mister. 


Mahal siya nito, at sapat na ang salitang iyon para paniwalaan niya ang sinasabi nito. Maaaring hindi pa sila noon magkakilala ngunit marami itong babaeng pinapaasa, pero nakakasigurado siya na hindi na ito uulitin ni Anthony ngayon. 


“Cecil…”


“Huwag kang mag-alala, naniniwala ako sa iyo,” sabi niya kay Anthony. 


Baliw!” Singhal ng boses sa kanyang isipan. 


Gusto rin sana niya itong sigawan, pero hindi na niya ito ginawa. Ang mahalaga sa kanya ay ang kanilang pamilya. 


“Talaga?” Naniniguradong tanong ni Anthony. 


“Yes na yes,” sagot naman niya. 


“Mabuti naman at naniniwala ka sa akin,” wika ni Anthony. 


“Wala naman akong ibang choice. Ayokong masira ang pamilya natin.”


Sa pagkakataong iyon ay tumingala siya dahil gusto niyang makita ang reaksyon nito.


Nakakunot ang noo nito nang tingnan niya, pero maya-maya ay nagbago ang ekspresyon nito. 


“Bakit?”


“Totoo ang sinabi ko sa’yo.”


“Alam ko.”


“Talaga bang naniniwala ka sa akin?” May pagdududang tanong nito. 


“Baka ikaw ang hindi naniniwala sa akin?” 


“Naniniwala nga ako.”


“Iba ang naniniwala sa pinili na lang maniwala.”


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. Ayaw niyang magdamdam, pero iyon ang nangyayari. Makalipas ang ilang saglit, naririnig na naman niya ang pagtawa ng boses sa kanyang isipan. 


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 20, 2024


Hindi naniniwala si Eliza na magiging okey lang kay Cecil ang lahat. Ramdam niya ang paghihirap at pagpipigil nito. 


Gusto sanang sabihin ni Anthony kay Cecil na mahal na mahal niya ito, para magawa niyang labanan ang negatibong emosyon na sumisigaw sa utak ng kanyang misis. 


‘Yun din ang isang dahilan kung bakit mas nanggigigil si Eliza kay Cecil, ramdam niya kasi ang pagmamahal ni Anthony para sa kanyang pinsan. 


Papayag nga ba si Eliza sa ganitong setup? Mahal niya si Anthony, kaya tiyak na hindi niya ito hahayaang maagaw sa kanya. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Para naman kasing napakahirap gawin iyon. Ibig sabihin, lahat ng para sa kanya ay madali lang makukuha sa kanya ni Cecil. Pero kahit na ganu’n, wala na rin naman siyang magagawa. 


Subalit ang tipo ni Eliza ay hindi agad sumusuko. Gagawin niya ang lahat para hindi mangyari ang kinatatakutan niya. Kahit na ano’ng gawin ni Anthony, alam niyang ang layunin lang nito ay ang makawala sa kanya. Bigla tuloy niyang naisip na ang layunin lang naman nito ay ang makawala sa kanya. 


“Game tayo,” naghahamon niyang sabi kahit alam niyang maaaring tumanggi si Anthony. 


Tulad ng ginawa niya, pumasok siya sa isip ni Anthony. Madali niyang ginawa iyon dahil alam niyang siya naman talaga ang laman ng isip ni Anthony, at wala ng iba. Marahang tawa lang ang pinawalan niya dahil alam niyang hindi positibo ang dahilan kaya siya nito naiisip. 


“Ano?”

“Hindi ko na guguluhin ang mag-ina mo, basta sumama ka lang sa akin!”

“Nababaliw ka na ba?”


“Baliw na baliw na ako sa iyo.”


Dapat sana ay masaktan siya, dahil ang nagsalita sa kanya ng masakit ay ang lalaking mahal na mahal niya, pero hindi iyon nangyari. 


“Kung hindi mo gagawin ang gusto ko, pagsisisihan mo ito,” nakangisi niyang sabi, dahil may plano na namang nabubuo sa kanyang isipan. 


 

STORY  — JULY 21, 2024


Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Anthony. Kahit kasi ano’ng tawag niya kay Eliza sa kanyang isipan, hindi na ito sumasagot. “Sino ang iniisip mo?” 


Bigla siyang napatingin kay Cecil, madali lang sanang sagutin ang tanong nito kung ang uri ng pagtatanong nito ay hindi pang-aakusa. 


“Si Eliza ba?Akala ko ba gusto mong mabuo tayo?” 


“Siyempre,” buong diin niyang sabi. 


“Eh, bakit may ibang babae sa isip mo?”


Napabuntong hininga na naman siya. Iyon na lang yata ang alam niyang gawin para hindi mangibabaw ang inis niya. Para kasing walang tiwala sa kanya si Cecil. At sa tingin niya ay hindi iyon makabubuti rito lalo na’t nakatakda itong mamuno ng buong kaharian.


Insecurity, sa tingin niya iyon ang dahilan kaya umaasta itong parang ayaw siyang paniwalaan o pagkatiwalaan. 


“Ayoko lang na magalaw niya kayo.” 


Tumingin ito sa kanya at pagkaraan ay sa kanilang anak na para bang pinag-iisipang mabuti kung siya ay pinaniniwalaan. Muli ay dinismis niya sa isipan ang magtanim ng sama ng loob. Dapat niyang tandaan ang sinabi ni Malambing na ang masasamang engkanto o nilalang ay kayang pumasok sa puso't isipan ng kanyang misis. 


Sana lang malaman ngayon ni Cecil kung gaano niya ito kamahal. Kahit naman kasi paulit-ulit niya iyong sabihin, wala pa ring nagbabago roon, at iyon ang nagpapasakit sa kanyang kalooban, kaya paano niya masasabi kay Cecil ang banta ni Eliza?


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 22, 2024


NAGPUPULUNG-PULONG ang mga engkantada. Kahit na walang nagsasalita sa kanila, aware silang hindi sila dapat magpakampante. Ramdam din kasi nila na hindi pa handa si Cecil para sa napakabigat na responsibilidad. 


Kahit naman kasi nagsanay na itong makipaglaban, hindi pa rin sapat iyon para makasiguro sila na kaya na nitong ipagtanggol ang buong kaharian. Paano nito magagawang alalahanin ang nasasakupan niya, kung hindi nga rin nito magawang maayos ang sarili niyang pamilya?


“Hindi siya tunay na engkantada. May lahi lang siya, pero hindi siya 100%,” wika ng isa. 

Napa-straight si Malambing sa sinabing ng kalahi niya, at kita ang pag-aalinlangan sa mga mukha nito. Maski siya, hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang gawin, basta ang alam niya hindi dapat siya magpakampante. 


Sa puso niya, alam niya kung sino ang dapat na maging reyna kaya lang iba-iba ang opinyon ng mga nakapaligid sa kanila. Para kasi sa mga ito, kulang na kulang pa ang kakayahan ni Cecil upang mamumo. Pero kung titingnan, si Cecil talaga ang karapat-dapat na mamuno. Gayunman, natanong din niya ang kanyang sarili, “Kaya nga ba ni Cecil ang responsibilidad niya? Ano ba talaga ang dapat niyang gawin? ” Inis niyang wika sabay buntong hininga. 


“Tanggalin na siya bilang reyna.”


“Gusto mo bang bumangon sa hukay ang kanyang mga magulang?”


“Paano kung mapahamak tayong lahat?” Nanunubok na tanong ng kanilang kalahi. 


“Hindi pa siya handa sa pamumuno. Paano siya magiging handa kung ang sarili nga niya ay hindi niya magawang kontrolin?” Pag-uusisa pa ng isa. 


Bigla tuloy siyang kinabahan, para kasing may nagsasabi sa kanya na may tsansang magkaroon ng matinding kaguluhan. 


Itutuloy…


 

STORY  — JULY 23, 2024


“ANAK, ano bang nangyayari sa iyo?” 

Napahinto si Cecil nang makita niya ang kanyang mga magulang. Ang ina niya ang nagbukas ng pintuan, habang ang kanyang itay naman ay nakita niyang nakaupo sa sofa. Pero, napabuntong hininga siya nang mapagtanto niyang isa lang itong panaginip. 


“Kumusta na kayo?” Naitanong niya. 


“Ikaw ang dapat naming kumustahin. Madami na ang nangyayari sa buhay mo. ‘Yan sana ang gusto naming iwasan mo, kaso hindi na namin kontrol ang sitwasyon. Wala na kami sa tabi mo, kaya matuto kang tumayo sa sarili mong mga paa.”


“Matagal na akong namuhay mag-isa,” nahagilap niyang sagot.

Hindi niya maintindihan kung bakit parang nagagalit ito sa kanya ngayon. 

“Alam mo na ba ang dahilan kung bakit mas minabuti namin na nasa loob ka lang ng bahay dati?” Pormal na tanong ng kanyang itay habang nakatitig sa kanya.


“Kasi ayaw n’yong makatagpo ako ng masamang nilalang,” wika niya. 


“Bukod doon, nais din namin na ma-develop ang self confidence mo. Pero bakit ngayon ay nawawala na ‘yun?” 


Natigilan siya sa sinabi ng kanyang itay, totoo kasi ang sinasabi nito. Na-realize niya rin na unti-unti ngang nawawala ang kanyang confidence. Hindi niya lang malaman kung dahil nga ba ito sa pagmamahal niya kay Anthony. 


“Kapag tuluyang mawala ang tiwala mo sa sarili mo, magiging madali lang sa mga kaaway mo na durugin ka. Huwag mong pakinggan ang mga negatibong naririnig mo. Maniwala ka sa sarili mo dahil d’yan ka magtatagumpay,” mariin namang sabi ng kanyang ama. 

Itutuloy…


 

STORY  — JULY 24, 2024


“CECIL… CECIL…” Buong pag-aalalang tawag ni Anthony sa kanyang asawa. 

Mahal na mahal niya ito kaya nasasaktan din siya sa tuwing nakikita niya itong umiiyak. Pero, paano ba niya malalaman ang dahilan kung bakit ito umiiyak gayung hindi ito magising-gising? Narinig din niya ang pag-iyak ng kanyang anak, kaya napuno ng pag-aalala ang kanyang puso. Nakahinga lang siya nang makita niyang may lumapit dito para pakalmahin ito. Sa puntong iyon, dahan-dahang dumilat si Cecil. Hindi maipagkakaila ang pagkabigla sa mukha nito nang makita siya. 


“Bakit ka umiiyak?” 


“Nami-miss ko na kasi sila.”


“Sino?” Nagtataka niyang tanong. 


Kasabay nu’n ay may kirot siyang naramdaman. Ang gusto niya kasing alalahanin lang ni Cecil ay ang kanilang pinagsamahan.


Nagiging makasarili ba siya? Marahil nga’y oo, pero wala siyang pakialam. Basta ang importante sa kanya ay malaman niya ang nararamdaman at iniisip nito. 


“Parents ko.”Bigla siyang natigilan. Siyempre, hindi naman niya puwedeng sabihin na kalimutan na lang niya ang kanyang napanaginipan.

“Nami-miss mo na ba talaga sila?”


“Yes. Sobra.”


“Tahan na.”


“Para ko silang nakasama.”


“Kasama pa rin naman talaga natin sila. Kahit wala na sila sa mundong ito, ang pagmamahal natin para sa kanila ay hindi pa rin naglalaho.”

“Sinermunan nga nila ako,” nakangisi nitong sabi. 


“Bakit ka natatawa?”


“Kasi nga miss na miss ko na sila. At tama sila, hindi dapat ako sumuko sa mga pagsubok. May malaki akong responsibilidad na dapat harapin.”


“Hindi lang ang problema ang dapat mong solusyunan.”


Sa halip na mainis dahil parang pinangungunahan siya nito, napangiti siya dahil gumaan ang kanyang pakiramdam.


“Dapat ding pagkatiwalaan kita at ang aking sarili. Pati na rin ang mga nilalang na kasama natin.” Nang sabihin niya iyon ay biglang gumaan ang kanyang pakiramdam, at ready na siyang harapin ang lahat.


Itutuloy…


 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page