top of page
Search
BULGAR

Kupad ng PHILHEALTH, pahamak!

ni Grace Poe - @Poesible | June 28, 2021


Nagluluksa ang sambayang Pilipino sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Biglaan ang kanyang pagkawala dahil sa karamdaman.


Nagpapasalamat tayo kay ex-P-Noy dahil siya ang nagbukas sa atin ng pinto ng serbisyo publiko. Una niya tayong pinagkatiwalaang mamuno ng Movie and Television Ratings and Classification Board (MTRCB), at pagkatapos ay sinuportahan niya tayo sa ating unang takbo sa Senado noong 2013.


Ipinakita niya sa atin ang kahalagahan ng mabuting kalooban sa isang pinuno: walang pag-iimbot sa kapwa, malinis ang intensiyon, at walang pagkagahaman sa kapangyarihan.


Pinahahalagahan natin ang kanyang matapat na paglilingkod at dedikasyon sa sambayanang Pilipino.


◘◘◘


Nalalagay sa peligro ang kakayahan ng mga ospital sa ating bansa na makatugon sa hamong dala ng COVID-19 dahil hindi nababayaran ng PhilHealth ang obligasyon nito. Sa Western Visayas, kabilang na ang Iloilo City, abot na sa 800 milyong piso ang hindi nababayarang claims ng PhiHealth sa mga institusyong medikal.


Sa panahong ito na nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bahaging ito ng bansa, nananawagan ang ating mga lokal na opisyal sa pambansang pamahalaan dahil sa kakulangan ng hospital beds, medical supplies at staff, bakuna, at sa hindi-nababayarang claims sa PhilHealth. Paano nga naman mapatatakbo ang mga ospital kung lahat ng pondo nila ay naiipit sa paniningil sa PhilHealth? Kumpleto ang requirements, hindi pa rin mai-release ang kanilang claims. Hihintayin ba nating magsara na ang mga ospital at lalong walang mapuntahan ang mga kababayan nating may karamdaman?


Dapat bumilis na nga ang claims dahil sa Debit-Credit Payment Method na ipinatupad ng PhilHealth mula noong Abril. Magpabibilis dapat ito ng payment claims at makatitiyak na tama at balido ang mga bayarin. Kailangang suriin ng PhilHealth sa sarili nila kung epektibo at sapat ang bilis ng ganitong sistema.


Sa panahong ito ng krisis pangkalusugan, nararapat na mabigyan ng seguridad at kapanatagan ng kalooban ang bawat miyembro ng PhilHealth na sakaling sila’y magkaroon sila ng karamdaman, may maaasahan sila sa pamahalaan. Kilos, PhilHealth! Nakamamatay ang kabagalan sa ganitong pagkakataon at panahon!

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page