ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 14, 2021
Nakikita natin sa mga balita nitong mga nakaraang araw ang nakakapangambang resulta ng ilang mga survey kung saan malaking bahagi ng publiko ang nangangambang magpabakuna laban sa COVID-19. Pinaniniwalaang ang kawalan ng tiwalang ito ng mga Pilipino ay maituturing na resulta ng “Dengvaxia damage,” kaya patuloy ang duda at takot sa pagbabakuna.
Sa survey ng Pulse Asia sa buong bansa, lumalabas na halos kalahating porsiyento ng 2, 400 respondents ang hindi magpapabakuna o 47 porsiyento, samantalang 32 porsiyento lamang ang handang magpabakuna at 21 porsiyento ang hindi pa nakakapagpasya o undecided.
Sa survey naman ng University of the Philippines-OCTA Research Group, 25 porsiyento lamang ng mga taga-Metro Manila ang handang magpabakuna kontra COVID-19, 28 porsiyento at hindi magpapabakuna at 47 porsiyento naman ang hindi pa nakakapagpasya o undecided.
Talagang nakababahala ito dahil kung kalahati ng bansa ang hindi magpapabakuna, magpapatuloy lamang ang pagkalat ng naturang virus.
Pagdating sa sektor ng edukasyon, patuloy at lubos na maaantala ang pagbabalik sa eskuwela ng mahigit 22 milyong mag-aaral sa pampublikong mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes. Sa Metro Manila pa nga lang na maituturing na virus hotspot ay may mahigit dalawang milyong mag-aaral sa mga pampublikong mga paaralan.
Magiging malaki ang problema natin kung walang magpapabakuna laban sa COVID-19 dahil pare-pareho tayong hindi makakabalik sa normal na pamumuhay. Kaya naman, hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na tugunan ang pangamba na ito ng taumbayan sa bakuna, lalo na’t mahalaga ang magiging papel nito sa pagwawakas ng pandemya at sa ligtas na pagbabalik-eskuwela ng mga kabataang mag-aaral ngayong taon.
Unang-unang dapat gawin ay buwagin ng ating pamahalaan ang mga maling paniniwala tungkol sa mga bakuna. Kailangang malinaw ang mensahe kung ano ang mabuting maidudulot ng bakuna at ano ang mga posibleng epekto nito. Sa ganitong paraan, unti-unti na tayong makakabalik sa ating nakasanayang pamumuhay sa loob at labas ng ating mga tahanan, paaralan, opisina at pampublikong lugar.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
댓글