top of page

Kung tingin ng iba wa’ ‘wenta ang online… Mas walang kuwenta ang wala talagang ‘learning’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 21, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 21, 2021



Kamakailan ay may lumabas na ulat para sa school year 2020-2021 o ang tinatawag na ‘the pandemic school year’ na umabot sa tatlong milyong mag-aaral ang hindi na nag-enroll o mas piniling huminto sa pag-aaral dahil sa pangamba na mahawa sa COVID-19.


Hindi lamang mag-aaral kung hindi may ilang magulang pa mismo na mas pinili ang manatili na lamang sa bahay ang kanilang anak na dumagdag sa bilang ng mga nasa sitwasyon ng ‘gap year’.


Ang polisiya ng pamahalaang “no student left behind” ay nanatiling polisiya na lamang at hindi ito ganap na naisakatuparan dahil sa ilang problema sa programa ng “blended learning” na siyang nagtaguyod ng online classes, printed materials at lessons broadcast sa television at social media.


Isa sa lumutang na dahilan sa discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 1 porsiyento lamang mula sa mahirap na pamilya, 6 na porsiyento mula sa may mababang kita at 27 porsiyento mula sa lower middle-income households ang may sariling computers.


Hindi pa kabilang dito ang napakamahal na singil sa napakabagal na koneksiyon ng internet sa bansa na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba kung paano maisasayos ng mga telecommunications company ang kanilang hindi maayos na serbisyo.


Idagdag pa ang napakarami nating kababayan na nawalan ng kabuhayan at hanapbuhay na isa sa napakalaking dahilan kaya mas pinili nilang ihinto na muna ang pag-aaral ng kani-kanilang anak dahil mas prayoridad nila ang pagkain sa araw-araw.


Nitong unang linggo ng Hulyo ay naglabasan sa ilang pahayagan ang ulat ng World Bank hinggil sa poor performance umano ng ating mga mag-aaral sa tatlong international assessments na ating nilahukan, ngunit kalaunan ay humingi rin ng paumanhin ang Word Bank dahil sa maling ulat.


Gayunman, nabahala pa rin ang Palasyo hinggil sa walang katotohanang ulat at sa halip ay pinatutukan pa rin ang sitwasyon upang masigurong maayos at hindi nahuhuli ang mga batang mag-aaral sa ating bansa.


Sa pinakahuling anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi pa rin niya pinayagan ang proposal ng Department of Education (DepEd) na subukan na ang face-to-face classes kahit patuloy pa umanong nadaragdagan ang mga guro at ilang mag-aaral na maturukan na ng bakuna laban sa COVID-19.


Maging ang pakiusap ng DepEd na subukan man lamang ang face-to-face classes kahit sa mga lugar na walang kaso o mababa ang kaso ng COVID-19 ay hindi pinayagan ng Pangulo upang higit na mapangalagaan ang mga mag-aaral.


Mahigit sa 20 milyong estudyante ang naobligang pumalaot sa online at module-based learning mula noong Marso ng nakaraang taon at ang mga batang limang taon pataas ay pinayagan nang makalanghap ng hangin sa labas ng bahay ay nito lamang nagdaang linggo.


Alam naman natin kung gaano katindi ang naging epekto ng online learning sa ating mga estudyante na bukod sa humina ang sistema ng edukasyon ay marami na ang napilitang huminto sa pag-aaral na may kaugnayan sa pandemya ang mga kadahilanan.


Lalo pa at kumpirmadong may local cases na ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa at nagpalabas ng pahayag ang OCTA Research Group sa mga magulang nang dobleng pag-iingat sa pagpapalabas sa mga bata.


Kahit bata at mas malaki ang posibilidad na malabanan ang mga sakit ay maaari silang makaranas ng tinatawag na ‘long COVID’ o ‘yung sintomas ng COVID-19 kahit negatibo sa virus.


Nasa sampung porsiyento o 1 sa bawat 10 ang nagkaroon ng COVID-19 ang nakaranas ng long COVID at maging sa ibang bansa ay napakataas umano ng insidente ng infection sa mga bata kaya kailangan talaga ng matinding pag-iingat.


Handa man ang gobyerno na mabigyan ng bakuna ang nasa 39 milyong bata sa bansa ay hindi pa rin ito naisasakatuparan dahil sa kakulangan ng bakuna at iba pang problemang kinahaharap hinggil dito.


Nasa gitna na ng pag-aaral ang mga bakunang inihahanda para sa mga bata at ito ay ang Pfizer para sa edad 12 hanggang 15, Moderna para sa edad 15 hanggang 17 at Sinovac para sa edad 3 pataas.


Alalahanin natin na nadaragdagan na ang mga kaso ng nahahawa sa COVID-19 kahit kumpleto na ang bakunang itinurok kaya huwag tayong masyadong kampante na hindi mahahawa dahil may tinatawag na tsamba kahit nabakunahan na.


Kaya sa pagbubukas ng klase ay mananatili tayo sa online learning at nasimulan na naman nating pagtulung-tulungan na maitawid ito sa tulong ng masisipag na guro at mga magulang kaya mas lalo pa nating itong pag-ibayuhin para patunayang kahit kailan ay hindi talaga nahuhuli ang mga batang Pinoy pagdating sa edukasyon.


Kung sa tingin ng marami ay walang kuwenta ang online learning, mas walang kuwenta ang wala talagang learning dahil tiyak na ito na ang inyong ending!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page