Kung susuportahan ang mga atleta, makakaya nating makipagsabayan sa buong mundo
- BULGAR
- Jul 28, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 28, 2021
Halos patapos na natin ang isinusulat na artikulo hinggil sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nang bigla na lamang maagaw ng atensiyon ng noon ay nakikipagtunggaling si Hidilyn Diaz.
Ang saglit na paglingon sa telebisyon ay tumagal hanggang sa matapos ang mismong laban ni Diaz at sa isang iglap ay nabago ang direksiyon ng ating pagsusulat at saglit isinaisantabi ang SONA na personal pa naman nating dinaluhan.
Maganda sa kabuuan ang SONA at halos buong bansa ay tumutok dito kaya naisip natnng unahin na ang ginawang kasaysayan ng ating weightlifter na nakasungkit ng unang gintong medalya para sa Pilipinas nang talunin nito ang world champion ng China at record holder Liao Qiuyun sa makapigil hiningang face off sa Tokyo International Forum.
Ang 30-anyos na weightlifter mula sa Zamboanga City na may taas na 4’ 11 ay inagaw ang atensiyon ng buong mundo nang buhatin nito ang kabuuang 224 kg—97 kilogram mula sa snatch at 127 kg sa clean and jerk na isang bagong record sa quadrennial sports conclave.
Halos hindi humihinga ang lahat ng nasa loob ng stadium at maging ang nanonood nating kababayan nang buhatin ni Diaz ang Olympic record na 127 kilograms sa kanyang third at final lift upang maiuwi ang gold medal sa kabuuang iskor na 224.
Kitang-kita na hindi magkamayaw sa tuwa ang maliit na grupo ng mga Pinoy na nasa loob mismo ng stadium at nag-iiyakan dahil sa tuwang dulot nang pagkakapanalo ni Diaz at maging ang social media ay napakarami ng mga pahayag ng kasiyahan.
Ramdam na ramdam ang luha ng kasiyahan ng ating mga kababayan na nanood kung paano ipaglaban ni Diaz ang ating bandila na kahit ilang sandali ay tiningala ng buong mundo dahil sa husay at kabayanihan ng atletang Pinoy.
Hindi lang basta medalyang ginto ang nasungkit ni Diaz dahil winakasan din niya ang 97-taong paghihintay ng buong Pilipinas sa Olympic gold medal sa kakaibang edisyon ng Summer Games.
Kung inyo pang naaalala ay nakakuha rin ng silver medal si Diaz sa Rio Olympics, apat na taon nang nakararaan at muntik na rin niyang maiuwi ang gintong medalya, ngunit kinapos ng kaunti ang kanyang kapalaran.
Pero matagumpay niyang naiuwi ang gold medal mula sa 2019 Southeast Asian Games kaya maituturing na talagang beterano na sa labanan si Diaz at ito na ang kanyang ika-apat na consecutive Olympic appearance.
Isipin n’yo, mula 1924 ay nagsimula na tayong sumali sa kompitisyong ito at ngayon lamang nangyari sa kasaysayan na manguna ang Pilipinas sa women’s 55-kg weightlifting event sa 2020 Tokyo Olympics noong Lunes ng gabi.
Matagal na nating hindi nararamdaman ang maluha at gapangan ng kilabot sa buong katawan na muli nating naranasan nang inaawit ang Lupang Hinirang habang nakasaludo si Diaz na isang sarhento sa Philippine Air Force (PAF) na tumutulo rin ang luha.
Nakakikilabot din na ang kakaunting bilang ng mga Pilipino sa loob ng stadium ay malakas na sinasabayan ang ating pambansang awit na malinaw na naririnig sa telebisyon.
Bukod sa makasaysayang medalyang ginto, dalawang Olympic records ay tumataginting P33-milyon ang naghihintay kay Diaz sa kanyang pag-uwi sa bansa na magmumula sa Philippine Sports Commission (PSC) at iba pang tycoons sa bansa.
Ayon sa PSC’s incentive system (RA 10699) ang Olympic gold ay nagkakahalaga ng P10-milyon at si Diaz nga ang kauna-unahang makapagbubulsa ng naturang halaga mula sa government sports agency.
Kaya lamang inabot ng P33-milyon ang naghihintay na halaga para kay Diaz dahil sa pangako nina Manny Pangilinan at Ramon Ang na kapwa magbibigay ng tig-P10-milyon bawat isa at karagdagang P3-milyon naman mula kay Deputy Speaker of the House na si Mikee Romero.
Nakatakda ring magbigay ng house ang lot si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino para sa atletang mag-uuwi ng medalyang ginto sa bansa, samantalang P17- milyon naman para sa silver at P7-milyon naman para sa bronze.
Si Diaz na naging unang Pinay na double Olympic medalist dahil nagwagi na rin ito ng silver medal sa Rio Olympic ay naungusan na ang swimmer na si Teofilo Yldefonso na tanging multi-medaled Filipino Olympian matapos na manalo ng bronze sa men’s 200 meter breaststroke sa 1928 Amsterdam at 1932 Los Angeles.
Inaasahan nating mas marami pang insintibong matatanggap si Diaz mula sa mga kilalang negosyante sa bansa dahil sa makasaysayang karangalang dinala niya sa ating kapuluan.
Patunay lamang ito na kapag tututukan at bibigyan ng kaukulang suporta ang mga atleta ay kaya nating makipagsabayan sa buong mundo at sana ay ito na ang simula.
Kaugnay nito ay agad tayong nagpasa ng resolusyon sa Senado na pumupuri at kumikilala sa kanyang husay, galing at talino na naging armas niya para marating ang pinakamataas na antas ng atleta sa larangan ng weightlifting sa Olympic.
Congratulations Hidilyn Diaz, ang bagong bayani sa ating panahon!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments