top of page
Search
BULGAR

Kung sina John Lloyd, Gerald at Rayver, sumuko… MATTEO, TINIIS ANG TRATO SA KANYA NI MOMMY DIVINE PARA KAY SARAH

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 24, 2024



Photo: Matteo Guidicelli, Sarah Geronomo at Mommy Divine - FB


Marami ang nag-react sa trending post sa Facebook ng nagpakilalang dating staff ni Sarah Geronimo na nakasama niya ng ilang taon. 


Inisa-isa kasi ng FB user na si Leann Bansaña ang mga sakripisyong ginawa ni Sarah para sa kanyang pamilya, kung saan naging sunud-sunuran daw ito kay Mommy Divine Geronimo at binuhay ang kanyang pamilya at pinag-aral ang mga kapatid abroad, pero ang Pop Princess mismo ay 'di pinag-aral at hinihigpitan pa nang husto ng ina. 


Hindi lang daw sa mga manliligaw binabantayan at hinihigpitan si Sarah, kundi pati ang kanyang kakainin at isusuot na damit, dapat ay aprubado ni Mommy Divine. 


Hindi magawang tumanggi at kumontra ni Sarah sa utos ng ina kaya hindi rin pumasa noon sina John Lloyd Cruz, Gerald Anderson at Rayver Cruz nu'ng manligaw sila sa Pop Princess. 


Tanging si Matteo Guidicelli lang ang masasabing “Last Man Standing” na hindi nag-back-out kahit sobra ang pagbabantay na ginagawa ni Mommy Divine kay Sarah. 


Maraming kondisyon si Mommy Divine kay Matteo noong nanliligaw pa. Pero dahil totoong minahal ni Matteo si Sarah, tiniis niya ang trato sa kanya ni Mommy Divine, hanggang sa humantong nga sa pagpapakasal na inilihim nila kay Mommy Divine. 


Napakabait, mapagmahal, masunurin at marespeto si Sarah. Masuwerte si Mommy Divine na hindi siya nagkaroon ng isang rebeldeng anak. 


At deserve ng Pop Princess na maging malaya, lumigaya, at magkaroon ng sariling pamilya. Bakit napakatigas ng puso ni Mommy Divine?


 

Pare-parehong pasok sa MMFF…

VILMA, SINA JUDAY, JULIA MONTES AT JULIA BARRETTO ANG KALABAN SA BEST ACTRESS




NGAYON pa lamang ay pinaghahandaan na ng libu-libong Vilmanians ang pelikulang Uninvited na kalahok sa darating na MMFF 2024. Makakasama ng Star for All Seasons sina Aga Muhlach at Nadine Lustre at mula sa direksiyon nina Dan Villegas, Antoinette Jadaone at Irene Villamor.


Kakaibang pelikula ang Uninvited at dual role ang gagampanan ni Vilma Santos. 

Acting piece ito para sa Star for All Seasons, kaya inaabangan kung sino ang makakalaban niya bilang Best Actress. 


May entry din kasi sina Judy Ann Santos (Espantaho), Julia Montes (Topakk) at Julia Barretto (Hold Me Close) katambal si Carlo Aquino. 


Laging may surprise winners sa Gabi ng Parangal ng MMFF. Ilang beses nang tinatalo ng mga baguhang artista ang mga sikat at magagaling na aktor. Kaya sabi nga, “Expect the unexpected!” 


Ang mahalaga naman ay magiging memorable sa taong ito ang MMFF dahil ito ang 50th year ng filmfest.


Sa taong ito ise-celebrate ang Golden Anniversary ng MMFF, kaya napaka-special ang gagawing awards night.


 

HINDI lang ang mga GenZ na gamers ang makaka-relate sa pelikulang Friendly Fire (FF) na produced ng Black Cap Pictures at idinirek ni Mikhail Red. 


Tiyak na magugustuhan din ito ng mga moviegoers na mahilig sa mga matitinong pelikula na may aral na makukuha. 


Magagaling ang mga artista na bumubuo sa cast ng FF tulad nina Loisa Andalio, Coleen Garcia Crawford, Harvey Bautista, Jon Lucas at ang dating FDCP Chair na si Liza Diño. 


Si Loisa ay may pagka-Sarah Geronimo ang porma, at magaling sa dramatic scenes. Mag-ina sila ni Liza rito at kuya niya si Jon Lucas. 


Si Coleen Garcia, chill lang, natural umarte, pero markado ang kanyang role bilang manager ng Team Isla, ang mga gamers na sumasali sa malalaking international competition. 


Si Harvey Bautista, natural ding umarte dahil in real life ay isa rin siyang gamer. 

Si Jon Lucas, malaki ang role sa FF kaya magmamarka siya sa mga moviegoers. Unang napansin ang galing ni Jon Lucas nang gumanap siyang kontrabida ni Ruru Madrid sa Black Rider (BR). 


Simple ang pagkakalatag ng istorya ng FF, pero mabilis at hindi boring. 

Maraming grupo ng mga gamers ang sumuporta noong premiere night nito, kaya asahang dadagsa rin sila sa regular showing ng Friendly Fire na nagsimula na kahapon, Oct. 23.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page