@Editorial | May 21, 2021
Nagiging kontrobersiyal ang pagbabakuna ngayon matapos ang utos ng gobyerno na huwag nang ianunsiyo ang brand na ituturok sa mga vaccination sites.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH) matapos dumugin ang vaccination site lalo na kung Pfizer o pinipiling brand ang naka-schedule. Kasabay nito, ipinaliwanag naman na ang usapin ng karapatan na tumanggi ay para lang sa mga nasa category A1 o health workers. Pero ang iba pang populasyon na babakunahan ay kailangan nang tanggapin kung ano ang mayroon.
Samantala, iginiit ng pamunuan ng DILG na lahat ng bakuna na available sa bansa ay dumaan sa masusing approval process kaya masasabing ligtas at epektibo ang mga ito.
Nilinaw din na ipagbibigay-alam sa magpapabakuna ang brand na gagamitin sa kanila at sa oras na tumanggi ito ay kailangan ulit nitong pumila sa pagkakataong gustuhin ulit nitong magpaturok kontra-COVID-19.
Sa palagay natin, ang kakulangan sa impormasyon ang isa sa mga dahilan kung bakit mapili sa bakuna ang publiko.
Kailangang magtodo-effort ang gobyerno mula sa national at lalo na sa local government units (LGUs) upang maipaliwanag sa publiko ang bawat bakuna at nang mawala ang pagiging bias sa mga ito.
Ipaunawa na ang mga pinapayagang bakuna ay ligtas at epektibo at hindi hahayaang malagay sa alanganin ang sinumang tuturukan.
Comments