ni Rohn Romulo @Run Wild | Nov. 1, 2024
Photo: Gabby Concepcion at Sharon Cuneta - Instagram
Naging matagumpay ang first leg ng US-Canada tour ng Dear Heart (DH) nina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta noong Oct. 26 na ginanap sa Harrah’s Resort sa Southern California.
Napanood namin ang kabuuan ng concert sa pamamagitan ng Facebook (FB) live at sa ini-upload sa YouTube (YT) ng isang ShaGab fanatic, na ikinatuwa ng mga fans na nakarating sa iba’t ibang panig ng mundo. Ganu’n na lang ang pasasalamat ng marami dahil nakanood sila nang libre.
Tuwang-tuwa sila at kilig na kilig ang mga nakasaksi sa reunion concert ng dating mag-asawa, ganu’n din ang mga team bahay, lalo na ‘yung nasa ‘Pinas.
Pero may ilang nakapansin na parang hindi sila ganu’n ka-sweet kumpara sa sweetness nila sa Manila concert last year. Ramdam ng mga nanood ang pagpipigil ni Sharon, kaya panay ang sigawan kapag nagho-holding hands ang dalawa at naglalapit. Hindi rin pinagbigyan ni Sharon na mag-kiss si Gabby sa cheeks niya, kaya hanggang sa hands lang.
Inamin din nina Sharon at Gabby sa simula ng concert na kung nagkukumustahan sila — na huli pa silang nagkita noong DH concert in Cebu — hindi rin daw sila nagtatawagan after ng concert. Kaya happy sila na natuloy din ang concert tour, matapos mag-cancel ang repeat sana ng concert noong February.
Isa sa mga memorable songs na kinanta nina Sharon at Gabby ang Never Ever Say Goodbye ni Nonoy Zuñiga, na paalala muli ng Megastar na ‘wag na ‘wag daw kakantahin sa wedding, dahil baka maghiwalay din ang mag-asawa tulad ng nangyari sa kanila ni Gabby.
Marami rin ang nabitin sa almost two hours na show, na kahit mag-more pa sila ay hindi pupuwede dahil may oras sa venue, ‘di tulad dito sa Manila na inaabot ng tatlong oras.
Sa second leg ng tour noong October 27 at Saban Theatre in Beverly Hills, California, mukhang bumawi naman sina Sharon at Gabby, dahil mas sweet na sila this time. Kaya mas tuwang-tuwa ang mga nakapanood nang live at sa social media platforms.
May eksena pa ngang tinanggal ni Sharon ang shades ni Gabby, kaya mas nakakakilig ang kanilang titigan. Mas may kilig ang kanilang yakapan at paghahawakan.
Ang next show nila ay sa Nov. 2 sa The Meeting House in Oakville, Ontario, Canada, ilang araw bago ang 60th birthday ni Gabby sa Nov. 5. Kaya inamin ng aktor na magiging memorable ang celebration niya dahil sa concert tour.
Ang tanong nga ni Gabby kay Sharon, pupunta ba si Mega sa party niya?
Marami naman ang nagwi-wish na sana ay makasama rin sa US tour nila si KC Concepcion.
Pero ayon sa naging pahayag ni Gabby sa isang interbyu, “It would be nice if she could join us. I was talking to her. If she ever does not join the tour, I hope we see KC before we leave.”
Labis-labis nga ang pasasalamat nina Sharon at Gabby sa mga patuloy na sumusuporta sa kanilang love team, kahit maputi na ang kanilang buhok, sabi nga ng kanta. And in fairness, nakakaiyak pa rin ‘pag kinakanta nila ang Come What May.
Ang iba pang shows ay sa Nov. 15 at The Venue, Thunder Valley Casino Resort in Lincoln, Canada, Nov. 17 sa Las Vegas Resort and Casino in Las Vegas, Nevada, Nov. 21 sa Club Regent Events Centre in Winnipeg, Manitoba.
Next show nila sa Nov. 23 sa Hawaii Convention Center in Honolulu at last leg nito sa Nov. 29 na gaganapin naman sa Chandos Pattison Auditorium in Surrey, British Columbia.
Kommentare