ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 12, 2021
Kasalukuyang ipinapanukala ng inyong lingkod ang paggamit sa mga alert levels sa mga local government units (LGUs) bilang posibleng basehan ng pagbubukas ng mga paaralan. Ang pagsangguni sa mga alert levels sa pagbubukas ng mga paaralan ay maaaring isagawa pagkatapos ipatupad ang pilot testing ng limited face-to-face classes.
Ang pahayag ng inyong lingkod sa nakaraang pampublikong pagdinig tungkol nga sa pilot testing ng limited face-to-face classes: Kung ang mga negosyo at industriya ay maaari nang magbukas depende sa mga alert level, dapat gawin din itong basehan sa pagbubukas ng mga paaralan. Ang layunin natin ay makabalik tayo sa normal hangga’t maaari at ang mga alert levels ay nagbibigay ng mabusising gabay sa ating pagbabalik-normal.
Sa ilalim ng guidelines ng pilot implementation ng alert level system, may limang alert level na maaaring italaga sa mga lungsod o munisipalidad. Ang Alert Level 1 ang pinakamaluwag habang ang Alert Level 5 naman ang pinakamahigpit. Sa ilalim ng naturang sistema, ang mga datos tulad ng bilang ng kaso ng COVID-19, transmission rate, pati na rin ang total bed at intensive care unit utilization ay sinusuri bago magtalaga ng alert level sa isang lugar.
Isang halimbawa rito ang Aklan na kasalukuyang nasa Alert Level 2. Sa halos 60 paaralang napiling lumahok sa limited face-to-face classes, isa lamang ang nagmula sa naturang probinsiya. Balak ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Health (DOH) na mamili ng 100 paaralan mula sa mga pampublikong mga paaralan at 20 mula sa mga pribadong paaralan para sa limited face-to-face classes. Nakatakdang simulan ang naturang pilot testing sa Nobyembre 15.
Sa parehong pagdinig, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Dr. Maria Rosario Vergeire, na posibleng maging basehan ang mga alert levels sa pagbubukas ng mga paaralan. Ngunit kanya ring nilinaw na ang alert level ay isang hakbang lamang dahil kailangan pa ring makapasa ang mga paaralan sa assessment ng DOH. Dapat ding may pahintulot ng LGU ang mga paaralang lalahok sa face-to-face classes.
Sa Adopted Resolution No. 92 na isinulong natin noong unang bahagi ng taon, inirekomenda ng Senado na bigyang-kapangyarihan ang Provincial, City at Municipal School Boards na suriin at irekomenda ang muling pagbubukas, pagpapatupad ng selective school o localized lockdowns at muling pagkakaroon ng face-to-face classes sa kanilang nasasakupan. Nakasaad sa ating resolusyon na ang pagpapatupad ng mga localized lockdowns, dapat nakabatay sa kakayahan at sitwasyon ng LGU.
Ngunit ang isa ring mahalagang bagay na nais nating muling bigyang-diin ay ang pagbabakuna sa ating mga guro at mga menor-de-edad na may edad 12 hanggang 17 upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19. Isakatuparan natin ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments