Paano makakatulong sa blended learning ng mga tsikiting?
ni Jersy Sanchez - @Life & Style| October 4, 2020
Sobrang laki ng ipinagbago ng ating pamumuhay mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic. Mula sa porma ‘pag lalabas ng bahay, paraan ng pamimili dahil madalas, online na, pati ang pag-aaral ng mga bata ay iba na rin.
Ngayong taon, hindi sa iskul papasok ang mga tsikiting kundi sa bahay na rin, iba nga lang ang paraan ng pagtuturo. As usual, maraming adjustments, hindi lang sa mga guro at mag-aaral kundi pati sa mga magulang. Ang tanong ng marami, paano magiging epektibo ang ganitong paraan ng pag-aaral? Ano ang puwedeng gawin para makatulog sa mga bata? Worry no more dahil narito ang ilang bagay na puwedeng gawin:
1. Ipaghanda ng agahan. Hindi man natin maipaghanda ng baon para sa iskul, mabuti pa ring may laman ang tiyan bago pumasok sa klase. Nasa bahay man, kailangang busog habang nag-aaral para makapagpokus at may matutunan. Mga nanay, siguraduhing mabigat sa tiyan o eksakto lang ang ihahain para ‘di agad magutom si bagets.
2. Tahimik na kumilos. Kung nasanay tayong bukas ang TV o radyo habang gumagawa ng gawaing-bahay, mabuting ipatay o hinaan muna ang volume nito nang ilang oras para hindi ma-distract ang bata. Mas nakapagpopokus sila ‘pag tahimik ang paligid. Pass muna sa paboritong TV show habang may klase ang bata, kumbaga, sakripisyo muna.
3. Iwasang utusan ‘pag oras ng klase. Sa haba ng kanilang bakasyon, madalas silang nauutusan sa bahay, pero ngayong may pasok na sila, tiyaking iwasan ang pag-uutos sa oras ng klase. Hindi naman maganda kung maya’t maya siyang tumatayo para sa sumunod sa utos, hindi ba?
4. Paalalahanan na iwasang magpuyat. No more gadget ‘pag gabi na para iwas-puyat. Bantayan ang kanilang sleep routine para hindi mahirapang gumising ‘pag may klase kinabukasan. Tiyaking may sapat silang tulog para mas madaling makapagpokus sa klase at hindi makatulog.
Lahat tayo ay nasa punto na kailangang mag-adjust para tuloy ang buhay, lalo na ang pag-aaral. Kaya para sa mga magulang, ibigay ang ating best para kina bagets.
Sundin lamang ang ilang tips na ito para kahit paano ay makatulong sa kanilang pag-aaral habang nasa bahay. Okie?
Comments