ni Ronalyn Seminiano Reonico - @What's In, Ka-Bulgar | July 23, 2024
![What's In, Ka-Bulgar](https://static.wixstatic.com/media/7c92fa_748f4419fde540ae89af2320b39eef5d~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/7c92fa_748f4419fde540ae89af2320b39eef5d~mv2.jpg)
Isa, dalawa, tatlo.
Tatlong bituin at isang araw.
Dating bughaw na langit,
Bakit ngayo'y pula't luha ang tanaw?
Bagong bayan ngunit hirap ang hatid,
Mga Pilipinong bisig, ngayo'y tila walang saglit.
Bayang Pilipinas, niyurakan ng kapwa,
Panahon na ba ng pagbabago, o ng pagyurak sa diwa?
Pagbabagong naglulubog sa karimlan,
Pagbabagong kay poot, kay pait ng kasaysayan.
Ilang dugo pa ba ang dapat ilaan,
Upang Pilipinas ay mapalaya sa sariling laman?
Mamamayang uhaw sa yaman at kapangyarihan,
Bagong Pilipinas, para sa bayan o pitaka ang hangad?
Pitakang walang hangganan, kaban ng sambayanan,
Nasaan ang pagbabago, para sa bayan o sariling kalakasan?
Naririnig ba ang daing ng bawat isa?
Pagsamo'y pakinggan, huwag ipagwalang-bahala.
Ngunit isang pitik ng gatilyo ang iginanti,
Mga dugong nagkalat, hindi ba natin makita?
Kung hindi tayo, sino ang magsisilbing tinig?
Tinig ng bayang lumuluha, nagdurusa sa panganib.
Palayain ang bayan laban sa sariling dugo,
Palayain ang bayan sa panganib na maglaho.
Gising, Pilipinas! Tama na ang pananahimik,
Magsalita ka para sa bayan, sa bagong pag-ibig.
Para sa tunay na malayang bagong Pilipinas,
Isigaw ang tinig, para sa ating kinabukasan.
Comments