ni Jersy Sanchez - @Life and Style| July 14, 2020
Ngayong lockdown, bawal lumabas ng bahay at wala tayong ibang ginawa kundi Balik-operasyon na ang mga mall, kaya mayorya ng publiko ay narito kahit may banta ng COVID-19. Marami nang tindahan at establisimyento ang nagbukas, kaya naman asahan nang dagsa ang mga tao, lalo na kung weekend.
Bagama’t hindi pa inirerekomendang maglakwatsa, hindi natin maiiwasang pumunta sa mall kung may mahalagang pakay tulad ng pamimili ng grocery, gamit sa bahay at kung anu-ano pa.
Pero minsan, tila nakakalimot na sa health protocols ang ilan, kaya naman, narito ang ilang mga bagay na hindi dapat gawin sa pampublikong lugar, partikular sa mall:
1. TAMANG PAGSUSUOT NG FACEMASK. Bagama’t karamihan sa atin ay gumagamit naman nito, may mga kababayan tayong “mema” o mema-gamit lang, oks na. Mga besh, mahalagang gumamit ng angkop na facemask para makasiguradong hindi papasukin ng mikrobyo o virus ang ating bibig at ilong kapag nasa labas tayo.
2. PHYSICAL CONTACT. Layu-layo muna, mga besh! Kung noon, puwedeng makipagsiksikan kahit saan, ngayon hindi na puwede. Madalas, may pila sa labas ng store at mahigpit na ipinatutupad ang social distancing. Gayundin, wala munang handshake, beso-beso at iba pang physical contact.
3. PAG-ISTAMBAY SA STORE. Kung kinakailangang pumasok sa store, ‘wag nang umistambay, sa halip, umalis agad pagkatapos mamili. Ang pananatili nang matagal sa isang enclosed space ay nagpapataas ng tsansang makasagap ng virus, lalo na kung espasyong ito ay halos hindi nawawalan ng tao.
4. PAGPASOK SA BAHAY NG PINAMILI. Nakasanayan nating itabi agad ang mga pinamili pagkauwi sa bahay, pero this time, iba na ang dapat nating gawin. I-disinfect muna ang mga ito dahil hindi natin alam kung na-contaminate na ito ng ibang nakasalamuha natin sa mall.
5. HAWAK DITO, SUKAT DOON. Hindi naman talaga maiiwasang hawakan ang mga items na gusto at kailangan nating bilhin. Pero mga bes, iwasang humawak sa ibang bagay na hindi naman bibilhin. Gayundin, marami nang stores ang nagpapatupad ng cashless payments para maiwasan ang transmission ng virus sa pamamagitan ng paper bills. Bawal din munang magsukat, kaya in short, wala munang magsa-shopping ng mga damit at sapatos. He-he-he!
6. MAGDALA NG SARILING UTENSILS. Dahil puwede na rin ang dine-in sa mga fast food at resto, may matatakbuhan na ang mga nag-mall na inabutan ng gutom. Oks lang naman kumain sa labas hangga’t sinisigurado mong malinis ang iyong mga hinahawakan tulad na lamang ng kutsara at tinidor. Na-reuse man, alam mo pa ring malinis ito at ikaw lang ang gumamit. Kung maaari, magdala rin ng sariling water tumbler para mag-refill na lang kapag naubusan ng inuming tubig.
Alam n’yo na, ha? Keri lang naman lumabas at mag-mall kung importante ang gagawin, pero make sure na wala kayong nakalilimutang safety measures para iwas-sakit.
Kasabay ng tips na ito, panatiling nakahanda ang alcohol, hand sanitizer, wet tissues at extra facemask. Kuha mo?
Comments